Rustica C. Carpio

Talambuhay

Ang pagmamahal sa sining ng isang Rustica C. Carpio ay makikita sa iba’t ibang aspekto. Marami siyang akda na nalimbag hindi lamang dito sa Pilipinas, kung hindi maging sa iba’t ibang panig ng mundo. Hindi rin matatawaran ang kanyang kontribusyon sa pagpapatatag at pagpapaunlad ng programa para sa kurso ng pamamahayag sa bansa. At hindi maisasantabi ang mga ambag niya sa larangan ng teatro at pag-arte.

Tagapagtaguyod ng Edukasyon

Nagtapos siya ng Associate in Commercial Science sa Polytechnic University of the Philippines (PUP). Nagtapos din siya bilang magna cum laude sa Manuel L. Quezon University sa kursong AB major in English. Mas pinagyaman ni Carpio ang kaniyang kaalaman ng kumuha ng MA in Education major in Speech Education sa New York University at PhD sa Literature mula naman sa University of Santo Tomas (UST).

Naging dekano naman siya ng ilang unibersidad kabilang na ang Pamantasan ng Lungsod ng Maynila at kaniyang dating paaralang PUP. Siya rin ang naging punong-abala sa pagsasaayos ng Department of Mass Communication ng PUP noong 1987. Ito rin ang naging dahilan upang maging unang tagapangulo siya ng College of Languages and Mass Communications ng PUP. Kalaunan ay binuo naman niya ang Master in Mass Communication sa nasabing unibersidad.

Hanggang sa kasalukuyan ay nagtuturo pa rin si Carpio sa PUP, UST, at Far Eastern University (FEU).

Manunulat at Aktres

Dahil sa kaniyang angking husay sa pagsulat, makailang ulit na naging kinatawan ng Pilipinas si Carpio sa ilang komperensiya sa ibang bansa. Nakapaglimbag na siya ng higit sa 250 akda, tula, dula, maikling kuwento, at pagsusuri na nailimbag sa Pilipinas at ibang panig ng daigdig. Nakapaglabas din siya ng mga aklat at dyornal na ginawang batayan ng ilang international references kabilang ang The World Who’s of Women na inilimbag sa England.

Kinilala rin ang kakaibang galing ni Carpio sa teatro at pag-arte. Noong 1983, nagsilbi siyang direktor at aktres ng Sining Silangan Drama Group na umikot sa China. Noong 1984 naman ay nanatili siya sa Russia para doon magtanghal sa teatro.

Napapanood rin si Carpio sa ilang programa sa telebisyon at mga pelikula. Noong 2014, naiuwi ni Carpio ang parangal bilang pinakamahusay na aktres sa drama sa ika-11 Golden Screen Awards para sa pelikulang “Ano ang Kulay ng mga Nakalimutang Pangarap.” Natanggap niya rin noong 2010 ang FAMAS Lifetime Achievement Award.

Popular Posts