« Kabanata 24Kabanata 26 »
Nagtungo si Ibarra sa tahanan ni Pilosopo Tasyo. Nais niya kasing isangguni ang binabalak niyang pagtatayo ng paaralan sa kanilang bayan.
Nakita niyang abala ang matanda sa sinusulat nito. Gayunman, si Tasyo na mismo ang huminto sa ginagawa at sinabing ang susunod na henerasyon pa naman daw ang makauunawa at makikinabang sa kanyang isinusulat.
Binuksan ni Ibarra ang kaniyang plano sa Pilosopo. Sinabi ng matalinong matanda na hindi dapat sa kaniya isinasangguni ang mga plano, bagkus sa mga makakapangyarihang tao tulad ng mga kaparian sa simbahan.
Sumagot si Ibarra na ayaw na umano niyang mabahiran ng kabuktutan ang maganda niyang hangarin. Mauunawaan umano siya ng pamahalaan at taumbayan dahil maganda ang kaniyang hangarin. Sinalungat naman siya ni Tasyo at sinabing mas makapangyarihan pa ang simbahan kaysa pamahalaan. Kung nais dawn i Ibarra na magtagumpay sa kaniyang mga plano, marapat daw na padaanin ito sa simbahan na siyang may hawak sa lahat, kabilang ang pamahalaan.
Iba naman ang pananaw ni Ibarra. Pagkat galing sa Europa, naniniwala siya sa kapangyarihan ng pagiging liberal. Muli naman siyang sinalungat ng matanda at sinabing hindi angkop sa bansa ang kaisipang mula Europa.
Tulad ng isang halaman, kailangan din daw yumuko ni Ibarra sa hangin kapag hitik na ang bunga nito upang manatiling nakatayo nang matatag. Payo pa ng matanda, hindi karuwagan ang pagyuko sa kapangyarihan.
Hindi man aminin, ngunit napapaisip si Ibarra sa tinuran ng matandang Pilosopo. Bago umalis, nag-iwan pa si Tasyo ng salita kay Ibarra na kung hindi man siya magtagumpay sa plano nito, ay may uusbong na sinuman upang magpatuloy ng kaniyang mga nasimulan.
Aral – Kabanata 25
Mababatid sa kabanatang ito ang nagagawa ng kapangyarihan. Nasa tama man o mali, kapag nasa kamay mo ang batas at makinarya, kayang-kaya mong paikutin sa iyong kamay ang nakararami, at madalas ay ang ikabubuti ng kanilang mga sarili ang inuuna.