Ang kuwento ng Ibong Adarna ay isinulat bilang isang korido o isang uri ng awit na mayroong walong pantig ang bawat taludtod. Ang mga korido ay isinusulat noon bilang panalanging iniaalay sa Birheng Maria.
Hindi matukoy kung sino ang tunay na nagsulat ng akdang ito na naging malaking bahagi ng panitikan ng Pilipinas. Ngunit sinasabing nagmula ang korido sa bansang Mexico at nakarating lamang sa Pilipinas noong 1610.
Ang orihinal na pamagat ng Ibong Adarna ay Corrido at Buhay na Pinagdaanan nang Tatlong Principeng Magcacapatid na Anac nang Haring Fernando at nang Reina Valeriana sa Cahariang Berbania.
Kahit hindi isinulat ng isang Pilipino, niyakap ito ng marami dahil naangkop sa kultura at pagpapahalaga ng bansa ang takbo ng kuwento nito, kabilang ang pagmamahal sa pamilya, pagpapahalaga sa magandang ugnayan ng bawat miyembro, at ang pagiging mabuting anak. Kabilang din sa aral na makukuha sa korido ay ang pananampalataya.
May haka-haka na ang manunulat na si Huseng Sisiw o Jose dela Cruz daw ang maaaring nagsulat o nagsalin nito ngunit walang makapagpatunay.
Ang orihinal na bersiyong nakarating sa Pilipinas ay mayroong 1,056 na saknong at ang kabuuan ng aklat ay mayroong 48 na pahina.
Dahil sa mga aral na makukuha sa korido ay ginawa itong kabahagi ng pag-aaral ng mga kabataan at isa sa mga akdang pampanitikang tinatalakay sa haiskul.
Sana po ay nagustuhan ninyo ang aming isinulat tungkol sa Kaligirang Pangkasaysayan Ng Ibong Adarna. Isa po itong original na gawa ng Panitikan.com.ph. Maraming salamat sa inyong suporta at pagtangkilik ng aming mga sariling gawa. 🙂