Isang obra maestro ng manunulat at tanggol ng wika na si Lope K. Santos ang nobelang Banaag at Sikat. Kuwento ng pag-iibigan ng isang mahirap na lalaki at mayamang babae ang iniikutan ng Banaag at Sikat.
Gayunman, mas nakilala ito bilang isang nobela na tumutligsa sa napakaraming isyu ng bayan tulad ng sosyalismo, pagkakaisa ng mga manggagawa, at kapitalismo. Dahil dito ay tinagurian ito bilang Bibliya ng mga manggagawang Pilipino lalo na noong 1906, ang panahon kung kailan inilimbag ang aklat. Umiiral kasi noon ang pang-aabuso ng mga mayayaman sa mga dukha at maralita, lalo na ang mga maliliit na manggagawa.
Umiinog ang kuwento kay Delfin na isang sosyalista. Nais niya na lumaganap ang sosyalismo o ang pagkakaroon ng mamamayan ng karapatan sa mga gawaing may kinalaman sa kalakalan, pagkakaroon ng ari-arian, at iba pang gawain na babali sa kasalukuyang umiiral na pagiging makasarili ng mga mayayamang may-ari ng mga lupain.
Kaibigan naman niya si Felipe na isa namang panariko ng anarkismo o nais ng karahasan sa pagbuwag ng pagiging mapang-api ng mga mayayamang may-ari ng lupa.
Anak siya ng isang makapangyarihang pinuno ng bayan, ngunit mas pinili ang umalis sa kanila at iniwan ang marangyang buhay at sumama sa mga maralita. Namundok ito at doon namuhay kasama ang mga katulad niya ang ipinaglalaban.
Si Don Ramon ang tatay ni Felipe. Umibig si Felipe kay Tenta, isang babaeng kapos sa buhay ngunit mabuti ang kalooban at mayroong ipinaglalaban. Nainis ang ama kay Felipe at hindi na pinabalik pa sa kanilang tahanan.
Ang suliranin ni Don Ramon sa mga anak ay naulit pa sa isa. Ang anak niya kasing si Meni ay umibig naman kay Delfin. Umalis din si Meni sa kanilang tahanan kaya naman nagdamdam ng lubos ang kaniyang ama.
Dahil walang maayos at malaking kita si Delfin, naging mahirap ang buhay nina Meni. Pero masaya siya dahil hindi tulad sa kanilang bahay na may karangyaan nga, ay hindi naman naging totoong maligaya dahil sa pagkaganid ni Don Ramon.
“Ang pagkaramdam ay isinisigaw din ng nakakaramdam at di ng mga nanonood lamang.” –Felipe
Dahil sa pagkabigo ni Don Ramon sa kaniyang mga anak, napagpasiyahan nitong umalis na lamang sa bansa at manatili sa New York. Ngunit habang nasa ibang bansa, napabalitang may pumaslang kay Don Ramon.
Nang makarating sa Pilipinas ang bangkay ni Don Ramon, nalaman kung sino ang tunay na pumaslang sa kaniya. Ito ay walang iba kung hindi ang bayaw ni Felipe na si Ruperto.
Magkapatid sina Tentay at Ruperto. Dating tauhan pala ni Don Ramon si Ruperto na nakaranas din ng pagmamalupit mula sa Don.
Ngunit kahit ganoon ang nangyari, patuloy ang buhay nina Delfin, Felipe, Meni, at Tentay. Nais nilang matupad ang kanilang mga plano at adhikain. Pinag-usapan nina Delfin at Felipe ang kanilang plano para sa mahihirap. Tuloy ang laban para sa mga maralita.
Gintong Aral
Kung minsan, ang pagmamahal ay matatagpuan sa paninidigan. Ang pagkakaroon ng ipinaglalaban ang tunay na makapagbibigay ng kaligayahan at pag-ibig. Kahit kadugo ay hindi makapagbibigay ng pagmamahal na wagas at totoo kung makasarili ito at walang ibang iniintindi kung hindi sarili.