Bangkang Papel (Buong Kwento)


« Halimbawa #2 Halimbawa #4 »

Ang kuwento ng pagmamahal ay hindi lamang kinatatampukan ng mga salaysay ng romansa. Maging ang mga kuwentong maituturing na klasiko na ay kinapupulutan din ng aral tungkol pagmamahal sa pamilya.

Lahat ng pagmamahalan ay nakabubuo ng pamilya, nagkakaroon ng anak ang mga magkasintahan kaya naman isang uri ding ng pagmamahal ang kuwentong pampamilya.

Ang akda ni Genoveva Edroza-Matute na Bangkang Papel ay isang kuwento ng pag-ibig na wagas ng isang anak sa kaniyang ama, gayundin ang ama sa kaniyang anak. Nag-umpisa ang kuwento sa kalagayan ng isang bata na mayroong simpleng nais sa buhay, ang makapagpaandar o makapagpaanod ng bangkang papel. Gumawa raw ang bata ng tatlong bangkang papel.

Dahil isang sundalo ang ama, madalas na nagtatanong ang bata sa kaniyang ina kung nasaan na ba ang tatay niya. Makulit ang bat ana panay ang tanong sa kaniyang ina.

Dahil hindi alam madalas ng ina ang isasagot sa anak, sinasabi na lang nito na bukas ay darating ang ama nito kahit hindi siya sigurado.

“Ewan ko. Matulog ka na, anak. At bukas ay magpapalutang ka ng mga bangkang ginawa mo,” -Ina ng bata

Dahil dito ay natuwa ang bata at nasabik sa kaniyang paglalaro ng mga bangkang papel na kaniyang ginawa. Balak niya ring makipagtagisan sa kaniyang mga kalaro. Ipinagmamalaki niya ang gawa niyang bangkang papel na matibay na raw at malaki pa.

“Magkakarerahan kami ng bangka ni Miling, ang aki’y malalaki’t matitibay…hindi masisira ng tubig.” -Bata sa kuwento

Kinagabihan, hinihintay pa rin ng bata ang kaniyang ama. Sabi niya sa ina, nagtataka raw siya kung saan namamalagi ang kaniyang ama kung hindi ito umuuwi. Malakas pa naman ang ulan ng gabing iyon. Malamig, kaya naman kagyat na nakatulog ang bata na sabik na rin na makipaglaro ng bangkang papel.

Kinabukasan, bagaman normal lang naman ang panahon, naging ibang kinabukasan ito para sa mag-ina. Pagkagising niya, maraming tao sa kanilang bahay. Gulong-gulo ang bata kung bakit maraming tao. Nakadagdag pa nang makita ang ina nakasalampak sa sahig, umiiyak.

“Bakit, Inay, ano ang nangyari? Ano ang nangyari, Inay? Bakit maraming tao rito?” -Batang bida sa kuwento

Tinanong ng batang lalaki ang kaniyang ina kung bakit may kaguluhan. Ngunit ang kaniyang ina ay tila hindi pa handang makausap. Ngunit nabatid rin ng bata na ang ama niya ay wala na. Napahamak ang ama niya sa isang engkuwentro kalaban ang mga kawal o kalaban ng pamahalaan.

Naging mabigat din para sa batang tanggapin ang sitwasyon. Ngunit ito ang realidad ng trabaho ng isang sundalo, ang mahalin ang bayan hanggang sa dulo. Musmos pa siya upang maunawaan ang kabayanihan ng ama ngunit sa pagdating ng kaniyang pagiging binata, sa tuwing makakikita siya ng bangkang papel, naaalala niya ang pagmamahal sa bayan, at ang pag-ibig sa kanila ng kaniyang ama.

“Kaya nga ba’t sa tuwi akong makakikita ng bangkang papel ay nagbabalik sa aking gunita ang isang batang lalaki. Isang batang lalaking gumawa ng tatlong malalaking bangkang papel na hindi niya napalutang kailanman…” – batang bida sa kuwento na ngayon ay binata na

Gintong Aral

Maliban sa pagmamahal na ibinibigay sa atin ng ating mga magulang, makikita rin ang pagmamahal ng ating mga nanay at tatay sa trabahong nagbibigay ng kabuhayan sa kanilang pamilya. Katulad ng sundalo sa kuwento na hindi man laging napapadama sa pamilya ang pag-aruga, ipinamalas naman ang pagmamahal sa bayan.


« #2 Banaag at Sikat #4 Ang Kwento ni Mabuti »