Matalinghagang Salita

Magandag araw! Narito ang 100+ halimbawa ng mga matalinghagang salita na tiyak magbibigay ng gintong aral bata man o matanda. Kumpleto ito sa kahulugan at kahalagahan. Sana po ay magustuhan ninyo. 🙂

Table of Contents show

Tungkol sa pagmamahal

Makipaglaro ng apoy/ Naglalaro ng apoy

Kahulugan: Ito ay may kahulugan na pagtataksil sa asawa o karelasyon o anumang gawain na makapaglalagay sa alanganin ng isang relasyon.

Sinasabing nagmula ang talinhagang ito mula sa konsepto ng init na nararamdaman ng tao kahit sa hindi niya karelasyon. At kapag nangyari na ito, tila isang apoy daw na nakapapaso ito ng relasyon na minsan ay nauuwi pa sa pagkatunaw o pagtatapos.


Kahalagahan: Mahalaga ito dahil maliban sa pagiging isang matalinhagang salita, nagsisilbi rin itong babala sa mga taong nais gumawa ng panloloko sa kanilang kapuwa.

Tandaan na sa maraming pagkakataon ay iniiwasan natin ang apoy dahil ito ay nakapapaso o nakaaabo ng mga ari-arian.

Kabiyak ng puso

Kahulugan: Ito ay nangangahulugang sinisinta, asawa, o sinumang minamahal na nais pakasalan.

Sinasabing kabiyak ng puso ang isang minamahal dahil magkasama na sila sa mga desisyon sa buhay at iisa na ang tinitibok ng kanilang puso.

Kahalagahan: Nakikita ang halaga ng matalinhagang salitang ito bilang salita na ginagamit sa mga tula, sanaysay, o iba pang sulatin na tumutukoy sa damdamin.

Sinasabi rin nito ang tunay na anyo ng pagmamahal ay nakikita sa itinitibok ng puso at maaaring magkaroon ng maganda at maayos na koneskisyon sa isa’t isa.

Pag-iisang Dibdib

Kahulugan: Ito ay nangangahulugan ng kasal o wagas na pagsasama ng magkasintahan. Nagmula ang talinhaga na ito dahil sa sermonyang idinaraos upang pag-isahin ang dalawang taong nag-iibigan na tinatawag na kasal.

Ipinakakahulugan nito na ang dalawang nagmamahalan ay dapat iisa na lamang sa maraming bagay sa kanilang buhay.

Naniningalang Pugad

Kahulugan: Ito ay pantukoy sa isang taong nag-uumpisa nang magparamdam ng kanyang damdamin sa napupusuan niya. Sa madaling sabi, siya ay nanliligaw na o nanunuyo na para maging kaniyang nobya.

Nagmula ang katagang ito sa paghango sa gawain ng mga ibon. Ang pugad ng isang ibon ay karaniwang nasa taas ng puno na hinahanap naman ng ilang lalaking ibon upang lahian at doon makapangitlog.


Kahalagahan: Ang anumang salitang ginagamit para sa pagpapakita ng pagmamahal ay mahalaga, lalo na sa mga pagkakataong nag-uumpisa pa lamang ipakita ng isang tao ang kaniyang damdamin.

Mas mainam na gamitin ang mga ganitong uri ng salita upang isalarawan ang namumuo pa lamang na pagmamahalan at hindi magambala ang anumang sumisibol sa pagitan ng dalawang tao.

Haba ng buhok

Kahulugan: Ito ay nangangahulugan na ang isang tao ay mayroong nararanasan na nagbibigay sa kaniya ng pakiramdam na siya ay maganda o espesyal.

Nag-ugat ito sa paniniwala ng mga Pilipino na ang mga dugong bughaw na kakababaihan ay maganda tulad ng mga prinsesa at reyna. Kaya naman kapaga sinabihan kang mahaba ang buhok ibig sabihin ay espesyal ka.

Kahalagahan: Ito ay mahalaga sapagkat sinasalamin ng idyomang ito ang isang makulay na kultura ng mga Pilipino kabilang ang pagkilala sa mga nasa kapangyarihan.

Ang isang tao na mayroong mahabang buhok ay isang espesyal na tao na pinagtitibay ng mga tala ng kasaysayan.

Namamangka sa dalawang ilog

Kahulugan: Tumutukoy ang talinhagang ito sa isang tao na mayroong ginagawang pagtataksil sa kaniyang minamahal o pinagsasabay niya ang dalawang karelasyon.

Nagmula ang idyomang ito sa isa pang talinhaga ng mga Pilipino na ang pagmamahal ay parang pamamangka sa ilog. Ngunit kapag nagtataksil ay namamangka rin ang isang tao sa dalawang ilog.

Kahalagahan: Ito ay may kahalagahan sa ating panitikan dahil ito ay ginagamit upang mahusgahan ang katapatan ng isang tao.

Madalas din itong magamit sa mga akdang pampanitikan tulad ng tula, sanaysay, dagli, nobela, at iba pa.

Lumagay sa tahimik

Kahulugan: Ito ay tumutukoy sa dalawang tao o magkasintahan na magpapakasal o mag-aasawa na.

Nagmula ang salitang ito sa paniniwala ng mga nakatatanda na kapag nag-asawa ang isang tao ay iiwan na nito ang mga hindi niya magandang gawain at mas magiging responasable na.

Kahalagahan: Madalas na ginagamit ang idyomang ito upang tukuyin ang pagpapakasal ng dalawang tao.

Ipinababatid rin nito ang pagpapahalaga ng mga Pilipino sa konsepto ng pagpapakasal na kayang baguhin ang takbo ng buhay ng isang tao.

Panakip-butas

Kahulugan: Ito ay tumutukoy sa isang tao na ipinagpalit lamang o ginawang kahalili ng isang tao o bagay.

Karaniwan kasing may naiiwang butas o espasyo sa atin kapag may nawala, kaya ang ilan ay gumagawa ng paraan upang kalimutan ang masakit na nangyari.

Kahalagahan: Ito ay nagagamit sa mga pagkakataong nararamdaman ng isang tao na mababa ang kaniyang halaga o ginagamit lamang siya ng isang tao.

Mababasa o maririnig ang mga salitang ito sa mga normal na usapan lalo na kapag pag-ibig o relasyon ang paksa.

Tungkol sa ina

Ilaw ng tahanan

Kahulugan: Isang pamosong matalinhagang salita ang ilaw ng tahanan sa kulturang Pilipino. Kapag sinabing ilaw ng tahanan, ito ay tumutukoy sa isang ina o nanay ng isang pamilya.

Sinasabing ilaw ng tahanan ang isang ina dahil ito ang gumagabay sa lahat ng miyembro ng pamilya. Ito ang nagsisilbing tanglaw upang matuto ng maraming bagay lalo na ang mga anak.


Kahalagahan: Mahalaga ang gamit ng talinhangang ito dahil bawat pamilya sa bansa ay mayroong ina. Hindi magkakaroon ng pamilya kung wala ang mga ina o kababaihang nagsisilang ng anak.

Mahalaga rin ito sa panitikan ng Pilipinas dahil lagi itong ginagamit ng mga manunulat upang isalarawan ang kahalagahan ng isang ina.

Isang paa sa hukay

Kahulugan: Tumutukoy naman ang talinhagang ito sa lagay ng isang ina tuwing manganganak ito o magsisilang ng sanggol. Nakalagay ang isang paa sa hukay dahil sa panganganak ay maaaring yumao ang isang ina.

Delikado o maselan ang panganganak kaya naman nauso ang katagang ito. Ito ay pagpapakita na maaaring maging kabayaran ng isang bagong buhay ay ang buhay ng kaniyang ina.

Kahalagahan: Isang nakatatakot na idyoma ang isang paa sa hukay dahil mayroon itong kinalaman sa kamatayan. Ngunit pagpapakita rin ito ng kadakilaan ng isang ina para sa kanilang pamilya.

Isa rin itong pagbibigay pugay sa kadakilaan ng mga ina na magbuhos ng kanilang kaligtasan para lamang makapagbigay ng buhay sa isang sanggol.

Tungkol sa pamilya

Itim na Tupa

Kahulugan: Ito ay nangangahulugan na ang isang anak, kapatid, o miyembro ng pamilya ay suwail o mayroong mga hindi ginagawang mabuti.

Isang English na talinhaga ang pinaghanguan nito. Ayon sa mga eksperto sa wika, sa mga ipinanganganak na tupa raw, siguradong may isang itim ang balat. At ang may itim na balat ay hindi kaaya-aya sa iba dahil hindi ito maaaring kulayan pa.


Kahalagahan: Ito ay isang pagpapahiwatig na ang paglikha ng talinhaga ay isinasaalang-alang din ang pamilya at ang mga kahinaan nito.

Maaari din itong iugnay sa pagnenegosyo o paghahayupan dahil sa pinagmulan ng talinhagang ito.

Lukso ng Dugo

Kahulugan: Tumutukoy naman ito sa nararamdaman ng isang tao sa kaniyang kapuwa na nakapalagayan niya ng loob.

Maaari din itong tumukoy sa isang tao na bago pa lamang nakausap o nakilala ay may pakiramdam kang parang matagal mo na siyang kilala o mayroon kayong espesyal na koneksiyon.

Kahalagahan: Ito ay mahalagang bahagi ng panitikang Pilipino. Sa mga teleserye na ang paksa ay karaniwang nawawalan ng anak, ang lukso ng dugo ang isa sa mga sanggunian ng kanilang koneksiyon.

Pagpapakita rin ito ng isang mahalagang pag-aaral patungkol sa anatomiya o agham.

Hating kapatid

Kahulugan: Pantay na hatian ng magkapatid, magkamaga-anak, o magkaibigan ang kahulugan nito.

Ito ay nagmula sa pagpapahalaga ng mga Pilipino sa pantay na hatian ng mga magkakapatid sa pamilya. Sana yang maraming Pilipino sa malaking bilang ng anak kaya naman kahit ano ang mayroon sa hapag ay sapat at tapat dapat ang hatian nito.

Kahalagahan: Ito ay pagpapakita ng pagpapahalaga ng Pilipino sa bawat miyembro ng kanilang pamilya. Ang talinhaga ay nangangahulugan mismo ng pagiging patas.

Mahalaga ang pagiging patas dahil ito ang nagpapatibay ng anumang relasyon kasama ang pamilya, kaibigan, trabaho, o kalaro man.

Dapit-hapon ng buhay

Kahulugan: Tumutukoy naman ito sa bahagi ng pamilya na nasa katandaan na o malapit nang pumanaw. Tumutukoy din ito sa mga lolo o lola na ang hantungan din ay kamatayan dahil sa labis na katandaan.

Literal ang pagpapakahulugan sa idyomang ito. Kapag sinabing dapit-hapon ay ang pagtatapos ng umaga at pagdating ng gabi, tulad ng buhay ng isang taong darating din sa pagwawakas.

Kahalagahan: Maging matatanda ay malaking bahagi ng ating panitikan. Kaya naman mayroon ding isang talinhaga na para sa kanila.

Paalala ito na ang buhay ng tao ay talaga humantong sa pagwawakas. Kaya naman kapag nasa dapit-hapon na ng buhay ang isang tao ay dapat itong bigyan ng halaga at pagmamahal.

Putok sa buho

Kahulugan: Ito ay tumutukoy sa isang tao na walang katiyakan ang pinagmulan. Maaaring hindi batid kung sino ang tunay na magulang o hindi kilala ang mga kaanak. Maaari din itong pantukoy sa isang anak sa labas.

Nagmula ang talinhagang ito sa isang alamat na pinagmulan daw ng unang tao na si Adan at Eba. Galing daw silang pareho sa isang buho o kawayan.

Kahalagahan: Ang talinhagang ito ay patunay na ang mga wika natin ay nakaayon din sa mga alamat at mahalagang kuwento.

Nagagamit ang terminong ito sa ilang madramang akda tulad ng sanaysay, tula, dula, maikling kuwento, at iba pa.

Pinagbiyak na bunga

Kahulugan: Ito ay may kahulugan na ang dalawang tao ay lubhang magkamukha o magkatulad ng gawi o pag-uugali.

Sinasabing ang dalawang tao na ‘pinagbiyak na bunga’ dahil sa pagkakatulad nila ay mula lamang sila sa iisang bunga o puno at pinaghiwalay lamang kaya naging dalawa.

Kahalagahan: Ito ay ginagamit na pantukoy sa mga magkakanukha at ginagamit hindi lamang sa mahahalagang akdang pampanitikan ngunit maging sa araw-araw na pag-uusap.

Mahalaga ang talinhagang ito dahil binibigyan nito ng pagkilala ang pagkakatulad ng bawat miyembro ng pamilya.

Tungkol sa kaibigan

Kaututang-dila

Kahulugan: Ito ay tumutukoy sa isang taong madalas mong kasama, kausap, o sa madaling sabi ay isang kaibigan.

Ito ay bilang pagkilala sa magandang samahan ng magkaibigan na komportable na sa pakikipag-usap sa isa’t isa anuman ang kanilang paksa. Magandang kahulugan din nito na napakakalma ng isang kaibigan ang kaniyang kapuwa sa pamamagitan ng pag-uusap.


Kahalagahan: Ito ay madalas gamitin ng mga manunulat upang ilabas ang hiwaga ng pagkakaibigan. Ito rin ay pakahulugan na mahalagang bahagi ng pagkakaibigan ang komunikasyon.

Kung literal na kahulugan ng kaututang dila ay kaibigan, sinasabi nito na magandang gawi na laging buksan ang tainga at puso para sa isang kaibigang may nais ibulalas ang dila.

Nagdilang anghel

Kahulugan: Ito ay tumutukoy naman sa isang taong nagiging totoo ang sinasambit na salita na animo’y isang taong nakakikita ng mangyayari sa hinaharap.

Nagmula ito sa ilang kasulatan mula sa Bibliya kung saan ang mga anghel ang nagdadala nang mabuting balita sa mga nilalang. Tulad ni Maria na sinabihan ng isang anghel na magkakaanak siya.

Kahalagahan: Mahalaga ito sa panitikang Pilipino dahil sa masining na paraan ng pagpapakita ng isang abilidad ng tao na makapgsabi ng maganda para sa kapuwa.

Positibo rin itong paalala para sa ilan na ang Langit ay handang tuparin ang tanging mga hiling at may mga anghel na itinatalaga ang Diyos para gawing masaya ang ating buhay.

Balat-sibuyas

Kahulugan: Nangangahulugan ito na pagiging sensitibo o madamdamin ng isang taom kakilala, o kaibigan.

Nagmula ang talinhagang ito dahil sa katangian ng isang sibuyas na napakanipis at madaling balatan. Ganito rin daw ang taong madamdamin na mabilis na ilabas ang emosyon.

Kahalagahan: Mahalaga ang salitang balat-sibuyas dahil marami ang gumagamit nito lalo na ang mga manunulat sa kanilang akda. Isang mabisang paraan kasi ito upang pag-isipin din ang mga mambabasa at hindi lamang ibigay ang tunay na impormasyon kaagad.

Nakikita rin sa paggamit ng ganitong talinhaga ang pagiging mapagmasid ng isang tao sa mga sangkap na ginagamit sa pagluluto. Nababatid ng isang tao ang katangian ng mga sangkap na maaari din palang magamit hindi lamang sa pagluluto.

Bukas-palad

Kahulugan: Nangangahulugan itong ang isang tao ay laging nakahanda na tumulong sa iba. Ginagamit din itong pantukoy sa isang taong matulungin o may malasakit sa kaniyang kapuwa.

Nagmula ang talinhagang ito sa isang pagkakataon na kailangan ng isang tao ang kamay ng kapuwa nang minsang mahuhulog ito sa bangin. Nang buksan ng isa ang kaniyang kamay, may nakapitan ang taong nasa alanganin at muling nakabangon.

Kahalagahan: Mahalaga ang idyomang ito dahil sa positibo nitong nais ipahiwatig. Kung literal na pakikinggan at uunawain ang talinhagang, masasabing madali lang ang tumulong—kailangan lamang ibukas ang mga palad.

At dahil madali ang paggawa ng mabuti at pagtulong sa kapuwa dahil sa pahiwatig ng idyoma, marami ang mahihikayat na tumulong sa iba.

Sanggang-dikit

Kahulugan: Ito ay nangangahulugan na ang dalawang tao ay matalik na magkaibigan. Literal na mayroong kahulugan ang sanggang-dikit na hindi mapaghiwalay o laging nagkakasundo.

Maaari din kasing tumukoy ang talinhagang ito sa dalawa o maraming bilang ng tao na magkakaalyado, partikular sa politika.

Kahalagahan: Ito ay mahalaga sa panitikan dahil ito ay tumutukoy sa magandang relasyon ng magkakaibigan.

Ito rin ay isang simbolo ng samahan, sa trabaho man o sa politka na walang makatatalo o makatitibag kapag tapat at totoo ang pagkakaibigan.

Pusong mamon

Kahulugan: Tumutukoy ito sa isang taong madaling maawa at mabilis na makaramdam ng maganda o pagkahabag sa kaniyang kapuwa.

Ito rin ay maaaring tumukoy sa isang bata na madaling magdamdam o mabilis na masaktang ang kaniyang damdamin.

Kahalagahan: Ito ay nagmula sa paghahambing ng mga Pilipino sa isang paboritong tinapay na mamon. Sobrang lambot nito na tulad raw ng mga taong mabilis maawa o magdamdam.

Nagagamit ito sa paggawa ng mga akdang pampanitikan. Ginagamit din ito sa araw-araw na usapan at maging sa ilang patalastas.

Parang aso’t pusa

Kahulugan: Nangangahulugan ito na ang dalawang tao ay madalas mag-away o hindi magkasundo.

Hindi kasi nagkakasundo ang mga hayop na aso at pusa. Hindi maipaliwanag ngunit madalas na makitang nagbabangayan ang dalawang uri ng hayop.

Kahalagahan: Maituturing ito na isa sa pinakasikat na matalinhagang salita sa bansa na nagagamit sa iba’t ibang pagkakataon.

Nagagamit ito bilang paglalarawan sa mga di magkasundong magkaibigan, magkaklase, magkapatid, magkapamilya, at iba pang relasyon.

Tungkol sa ama

Haligi ng tahanan

Kahulugan: Ito ay mayroong kahulugang ama o tatay ng isang pamilya. Isang taguri sa mga ama ang pagiging haligi ng tahanan dahil sa pangunahing layunin ng mga ito: ang proteksyunan sa anumang kapahamakan ang pamilya.

Inihalintulad sa isang haligi ang ama dahil sa katangian nito na matatag, matapang, at handang ipagtanggol ang pamilya at kayanin ang anumang unos na daraanan kasama ang mga mahal sa buhay.


Kahalagahan: Mahalaga ang talinhagang ito dahil ito ay nagsisilbing pagkilala sa malaking papel ng mga ama para sa kanilang mga pamilya. Ang haligi ay hindi birong papel dahil ito ang pundasyon ng isang tahanan.

Ginagamit din madalas ng mga manunulat at eksperto sa wika ang talinhagang ito upang pamalit sa normal na salitang ginagamit na pantukoy sa mga padre de pamilya.

Under da Saya

Kahulugan: Tumutukoy naman ito sa isang lalaki o mister na takot sa kaniyang asawa o hindi makabuo ng sariling desisyon dahil si misis ang laging nasusunod.

Nagmula ang talinhagang ito sa kultura ng mga Pilipino na saya ang laging suot ng mga babae. At kapag takot sa misis ay sinasabing sakop si mister ng suot na saya ni misis at dala niya ito saanman o kailanman.

Kahalagahan: Ito ay isang kultura ng mga Pilipino na nagmula sa mga kababaihang hindi nagpapadaig sa kanilang mga mister at patuloy na nahahawakan sa leeg ang mga asawa.

Ngunit ang kulturang ito at kataga ay naging mainit na usapin din dahil anyo ito ng pang-aabuso sa karapatan at pagkatao ng isang lalaki at mister.

Tungkol sa pangarap

Pasan ang Daigdig

Kahulugan: Tumutukoy ito sa isang taong maraming dinadala sa buhay, para man sa sarili o sa iba. Ang taong pasan ang daigdig ay sinasabing problemado rin at tila hindi maubos ang mga iniintindi.

Nagmula ang idyomang ito mula pagtanaw sa isang tao na tila pasan sa balikat ang mabigat at magulong mundo na puno rin ng suliranin.

Kahalagahan: Marami ang naantig sa talinhagang ito. Marami kasi sa atin ang mayroon talagang hinaharap na problema kaya dama sa bawat akda na ginagamit ang idyomang ito ang paghihirap.

Mahalaga rin ito sa panitikang Pilipino dahil isang malikhaing paraan ito ng pagpapahayag ng damdamin ng isang tao o isang manunulat.

Aabutin ang Bituin

Kahulugan: Ito ay nangangahulugan na aabutin ng isang tao ang kaniyang pangarap gaano man ito kaimposible.

Masyado kasing malayo ang mga bituin sa atin at kung minsan ay hanggang tanaw na lang tayo. Ngunit kapag sinabing aabutin ang bituin, katumbas nito ang pagsasabi na gagawin niya ang lahat para sa kanyang minimithi.

Kahalagahan: Para sa normal na tao o kahit sinuman, isang pagsubok ang maabot ang langit. Ngunit nagpapakita lamang ito ng pagiging masikap ng isang tao. Na kahit minsan, kahit walang liwanag an gating mga ambisyon ay handa pa rin tayong abutin ang bituin gaano man ito kataas.

Mahalaga rin ito sa panitikan dahil marami sa atin ang may pangarap. Nagsisilbi itong motibasyon sa lahat. Simpleng salita man ngunit malalim ang kahulugan para sa marami.

Harangan man ng sibat

Kahulugan: Tumutukoy naman ito sa isang taong determinadong maabot ang kaniyang nais anumang balakid ang kaniyang harapin.

Sa sinuang Pilipinas, sibat ang sandatang ginagamit ng mga ninuno lalo na kung may kaaway. Kaya naman sibat din ang naging simbolo ng balakid o anumang harang sa pangarap ng isang tao.

Kahalagahan: Isang magandang katangian ang nais ipahiwatig ng talinhagang ito. Isang magandang katangian ng mga Pilipino na handa nilang suungin ang anumang harang basta matupad ang gusto.

Paalala rin ito sa atin na walang anumang sandata ang mas titibay at mas bibisa pa sa sandatang nais makamtan ang mga pangarap.

Natutulog sa pansitan

Kahulugan: Ito ay tumutukoy naman sa isang taong tamad at tila walang balak na kumilos o magsipag.

Nagmula ang talinhagang ito dahil daw sa mga taong namamahinga sa taniman ng pansit-pansitan. Malamig daw kasi ito sa katawan kaya naman napapawi ang pagod at nakapagpapahinga ang isang tao.

Kahalagahan: Ang idyomang ito ay sumasalamin sa dalawang bagay: ang pagiging mabulaklak magsalita at kaalaman sa paghahalaman.

Kaalaman sa halaman ang maituturo nito dahil mabubunyag na hindi pala pansit na lutuin ang ibig sabihin nito kung hindi isang uri ng halaman. At sa pagkamalikhain ng mga Pilipino ay naging talinhaga pa ito.

Tungkol sa buhay

Anak-pawis

Kahulugan: Ito ay kumakatawan sa isang taong hikahos sa buhay o isang manggagawa na mayroong napakaliit na kita.

Nakuha ang terminong anak-pawis dahil ipinahihiwatig nito na kailangan pa ng isang taong mahirap na ibuhos ang kaniyang pawis o pagod para lamang kumita ng pera at makaraos sa buhay.

Kahalagahan: Mahalaga ang talinhangang anak-pawis sa isang bansang tulad ng Pilipinas dahil maraming hikahos sa buhay sa bansang ito. Nagiging kinatawan ito ng paghihirap ng mga simpleng Pilipinong manggagawa.

Nagsisilbi rin itong simbolo ng kasipagan ng maraming Pilipino na kumakayod para sa kanilang pamilya. Mananatiling mahalaga ito hangga’t hindi natutugunan ng pamahalaan ang kanilang pangangailangan.

Makapal ang bulsa

Kahulugan: Ito ay mayroong kahulugan na maraming pera o mayaman ang isang tao. Kung literal na kahulugan ang titignan, makapal ang bulsa ng isang taong mayaman dahil marami itong lamang pera.

Maaari din itong tumukoy sa isang taong makapal ang pitaka dahil maraming salaping nakapaloob dito. Hindi rin kailangang literal na dapat ay may nakaumbok sa bulsa ng isang mayamang tao. Maaari kasing nakatago ang kaniyang yaman yung lahad na siya ay may marangyang buhay.

Bahag ang buntot

Kahulugan: Ito ay nangangahulugang ang isang tao ay duwag o hindi kayang ipagtanggol ang sarili o kapuwa sa iba.

Nagmula ang talinhagang ito sa pagkukumpara sa hayop katulad ng isang aso. Kapag ang aso kasi ay agresibo, nakataas ang buntot nito habang kung maamo naman ay nakabahag lamang ito.

Kahalagahan: Mahalaga ito sa panitikang Pilipino dahil isa itong malikhaing paraan upang tukuyin ang isang taong walang sapat na tapang sa sarili.

Isa rin itong uri ng pagkilala sa katangian ng mga alaga nating hayop. Nagbibigay impormasyon din ito kung kailan mabangis o maamo ang isang hayop lalo na ang mga aso’t pusa.

Malaking isda

Kahulugan: Ito ay tumutukoy sa mga kilalang personalidad na mayroong malalaking pangalan sa kinabibilangang industriya.

Tumutukoy din ito sa isang politiko na mayroong katiwaliang ginagawa. Malaking isda ang tawag dito dahil kailangan itong mahuli upang maiwaksi ang masamang ginagawa nila na kumikitil sa ibang maliliit na nilalang.

Kahalagahan: Sa mundo ng pagsusulat, hindi pinahihintulutan ang mga tahasang pagpapangalan sa mga abusadong kawani ng pamahalaan. Maaaring makasuhan ang isang manunulat kung direkta niyang sasabihing magnanakaw ito o tiwali.

Kaya naman mahalaga ang talinhagang ito upang maiparating sa isang tao o mga mambabasa ang masamang katangian nito nang walang masyadong ginagamit na paninira.

Kapit sa Patalim

Kahulugan: Tumutukoy naman ito sa gawain ng isang tao na labag sa batas o isang uri ng kriminalidad. Ginagawa niya ang bagay na ito para sa kaniyang sariling kapakanan.

Nagmula ang katagang ito sa dalawang salaysay. Una ay sinasabing humahawak ng punyal o kutsilyo ang isang tao kapag gagawa ng krimen tulad ng pagnanakaw. Ikalawa, kung literal na kahulugan ang titignan, ang paghawak sa talas ng patalim ay nakasusugat at nakapapahamak, tulad ng paggawa ng krimen.

Kahalagahan: Isang krimen ang nais ipahiwatig ng talinhagang ito. Masakit man ngunit kabahagi na ng ating pamumuhay ang mga taong gagawin ang lahat upang maisakatuparan ang nais kahit ikapahamak pa ng iba.

Isang negatibong gawain man ang pagkapit sa patalim ay mahalagang bahagi pa rin ito ng wika upang ipakita sa isang mas malikhaing paraan ang maling gawi ng iba.

Lumaki ang ulo

Kahulugan: Ito ay may kahulugang ay isang tao ay nagbabago na at mayroon nang kayabangang taglay. Ramdam na rin ng isang taong may ‘malaking ulo’ ang kaniyang pagiging espesyal at iba na ang turing sa kapuwa.

Nagmula ang talinhagang ito sa pagtukoy sa isang taong ipinapasok sa ulo ang lahat ng nararating. Kapag daw kasi sa ulo mo ipinasok ang iyong tagumpay at hindi sa puso, ang resulta raw nito ay pangmamaliit sa iba.

Kahalagahan: Isa itong mahalagang paalala sa bawat isa na ang tagumpay ay isinasapuso at hindi inilalagay sa ulo. Kapag iniligay ang hangin sa ating ulo, maaari tayong tangayin nito at hindi magustuhan ng iba.

Maaaring ilagay ang tagumpay sa puso at damdamin, upang lalong masariwa kung gaano ito kasarap at kasaya. Maging ang ibang tao ay makikidiwang kasama mo.

Naglalakad sa buwan

Kahulugan: Tumutukoy naman ito sa isang taong mabagal maglakad at tila hindi nagmamadali.

Kaalaman naman sa astronomiya ang pinagmulan nito. Ang mga unang tao kasi sa buwan ay napakabagal maglakad dahil walang gravity sa buwan kaya naman hirap silang ilapat ang kanilang paa sa ibaba.

Kahalagahan: Ito ay pagpapakita ng kaalaman sa larangan ng agham, maliban sa pagiging matalas sa wika. Tanging ang mga marunong lang sa astronomiya ang makakukuha ng kahulugan ng idyomang ito.

Sinasabi lamang ng talinhagang ito na kailangan nating seryosohin ang pag-aaral ng ibang aralin sa eskwela tulad ng agham.

Krus sa Balikat

Kahulugan: Nangangahulugan naman itong ang isang tao ay isang pabigat o pasanin ng kaniyang pamilya at mga mahal sa buhay.

Nagmula ang talinhagang ito sa paghahalintulad sa isang tao sa krus na pinasan ni Hesus patungo sa Kalbaryo. Ang krus na iyon ay sinasabing ang kabayaran ng kasalanan ng sanlibutan na lahat ay pinasan ng Anak ng Diyos.

Kahalagahan: Ang matalinhagang salitang ito ay salamin ng pagpapakita natin ng halaga sa ating pananampalataya.

Sa bawat paggamit natin ng idyomang ito ay nasasariwa natin ang ginawang pagsasakripisyo ni Hesus para sa sanlibutan.

Maitim ang budhi

Kahulugan: May kahulugan ang talinhagang ito na ang isang tao ay may kasamaan o kasakimang taglay.

Sinasabing ang taong mabuti ang loob ay maputi o malinis ang konsensya, habang kabaligtaran naman nito ang taong masama kaya naging maitim ang kulay ng kanyang budhi.

Kahalagahan: Mahalaga ito upang ipabatid na maging sa masasamang nilalang ay may taguri ang ating wika.

Naipakikita nito na kailangan nating linisin ang ating mga sarili upang hindi tayo mabansagan na mayroong masamang ugali o maitim na budhi.

Gintong Kutsara

Kahulugan: Nangangahulugan ang talinhagang ito na ang isang tao ay mayaman o mula sa may kayang pamilya.

Sa isang bansa tulad ng Pilipinas na maraming hikahos, ang pag-aari ng ginto ay isa lamang prebilehiyo, lalo na ang magkaroon ng gintong kutsara na ginagamit lamang sa pagkain.

Kahalagahan: Simple man ang idyomang ito ngunit mayroon naman itong malaking pahiwatig na nais sabihin lalo sa kulturang Pilipino.

Naipakikita nito ang malaking kaibihan ng buhay ng mahihirap at mayayaman. Ang ginto na pang-alahas na sa ilang kapos-palad, ay panggawa lang ng kubyertos ng mayayaman.

Kumukulo ang tiyan

Kahulugan: Kapag sinabing kumukulo ang tiyan ng isang tao, nangangahulugan ito na gutom o ito o wala nang makain.

Kapag walang laman ang tiyan natin, may asido sa ating sikmura na patuloy na nagtatrabaho kahit wala namang natutunaw na pagkain. Ito ang nagbibigay sa atin ng ilusyon na kumulo ito.

Kahalagahan: Mahalaga ang idyomang ito dahil ipinababatid nito sa atin na kailangan nating alamin at pag-aralan nang husto ang ating mga katawan.

Sa eskwela, sa asignaturang agham, kung makikinig nang maigi ay malalaman ang tunay na kahulugan ng pagkulo o pagkalam ng tiyan ng isang tao.

Agaw-buhay

Kahulugan: Ito ay nangangahulugan na ang isang tao ay nasa kritikal na kondisyon o naghihingalo na.

Literal ang pagpapakahulugan sa talinhagang ito. Ibig sabihin ay nag-aagaw ang kamatayan o pagkabuhay sa isang tao.

Kahalagahan: Maraming manunulat ang gumagamit ng katagang ito sa halip na gamiting kritikal o naghihingalo ang isang tao.

Sa pananaw kasi ng mga manunulat, mas may damdamin ang talinhagang ito kaysa sa normal na pagsasabing malapit nang pumanaw ang isang tao.

Mabigat ang kamay

Kahulugan: Dalawa ang maaaring kahulugan ng idyomang ito. Una ay maaaring ang isang tao ay mahilig manakit ng kaniyang kapuwa.

Maaari din ang pakahulugan nito ay ang isang tao ay ayaw kumilos o magtrabaho. Sa madaling sabi, siya ay tamad.

Kahalagahan: Naipakikita ng talinghagang ito ang katangian ng mga Pilipino na nakapipinsala sa kanilang buhay at sa kapuwa.

Paalala ito na ang ating mga kamay ay ibinigay ng Diyos upang gawing produktibo ang bawat isa hindi para manakit o maging tamad lamang.

Lantang gulay

Kahulugan: Ito ay may kahulugan na ang isang tao o hayop ay may karamdamang iniinda na nagiging sanhi ng kaniyang panghihina.

Maaari din itong magpakahulugan sa isang tao na walang sapat na enerhiya o mayroong kalamyaang taglay.

Kahalagahan: Ginagamit ang sawikain na ito upang ilarawan ang mga taong kulang sa enerhiya.

Batid nating ang mga gulay ang pampalakas. Ngunit kapag ito ay hindi na sariwa, maaaring mawala na ang nutrisyon nito.

Kalapating Mababa ang Lipad

Kahulugan: Ito ay tumutukoy sa isang babae na nagbebenta ng aliw. Sa madaling salita, siya ay isang bayarang babae o nagtatrabaho sa isang bahay-aliwan.

Ito ay may kahulugan na ang isang babae ay may mababang pangarap. Normal kasi sa mga kalapati ang mataas ang lipad kaya naman naihalintulad ito sa babaeng bayaran.

Kahalagahan: Ito ay madalas gamitin bilang isang mas katanggap-tanggap na pantukoy sa isang tao na mayroong hindi kaaya-ayang trabaho na pagbibigay ng aliw.

Nagagamit ito sa ilang nobela, pagbabalita, tula, sanaysay, at iba pang akda na nagtatampok ng isang taong may trabaho sa aliwan tuwing gabi.

Palamuning baboy

Kahulugan: Nangangahulugan ito na ang isang tao ay pabigat at walang silbi sa kaniyang mga nakakasalamuha, partikular na ang mga magulang at kaanak.

Gawain ng isang baboy na kumain lang nang kumain at magpahinga. Wala na itong ibang dulot hindi tulad ng kalabaw o kambing o iba pang hayop sa bukid.

Kahalagahan: Nagagamit ito bilang mas maayos na pantukoy sa isang taong walang silbi. Isang malikhaing paraan ito upang ibulalas ang pagkadismaya sa isang taong tamad.

Karaniwang ginagamit ito sa ilang pang-araw-araw na usapan o di kaya naman ay sa mga sulating tulad ng tula at kuwento.

Amoy tsiko

Kahulugan: Ito ay tumutukoy sa isang tao na nakainom o nasa ilalim ng impluwensiya ng alak.

Kapag kasi nasobrahan sa inom ang isang tao, nagkakaroon ito ng kakaibang na amoy na malapit daw sa amoy ng isang tsiko.

Kahalagahan: Ito ay ginagamit na pantukoy sa isang taong may bisyo na inilalarawan hindi lamang ang kanyang kondisyon maging ang kaniyang amoy.

Napakaganda ng wika natin na kaya nitong tumukoy sa dalawang magkaibang bagay gamit lamang ang iilang salita.

Parang Biyernes Santo ang Mukha

Kahulugan: Nangangahulugan ito na ang isang tao ay may pinagdaraanan at kita ang lungkot sa kaniyang mga mata at mukha.

Ito ay inihango sa pagkilala ng mga Pilipino sa Biyernes Santo kung saan pinaniniwalaang yumao ang Panginoong Hesus.

Kahalagahan: Ang talinhagang ito ay ginagamit sa iba’t ibang akdang pampanitikan tulad ng nobela, tula, at mga kuwento. Ginagamit din ito madalas sa mga usapan.

Ito rin ay pagpapakita ng pananampalataya ng mga Pilipino sa Panginoon at pakikiisa sa kalungkutan ng pagyao ni Hesus sa kalbaryo.

May sariling mundo

Kahulugan: Ito nangangahulugan na ang isang tao ay may kakaibang ikinikilos o walang konsiderasyon sa iba.

Karaniwan din itong pantukoy sa isang tao na mayroong pinagdaraanang pagsubok sa kalusugang mental na kung minsan ay kinakausap ang sarili o hindi pinapansin ang mga nasa paligid niya.

Kahlagahan: Ito ay ginagamit sa maraming uri ng panitikan o akda. Mababasa o maririnig ang mga ito sa mga nobela, dula, tula, sanaysay, o sa simpleng usapan lamang. Ginagamit din itong pantukoy sa isang kondisyong medical ng mga taong may pinagdaraang pagsubok sa pag-iisip.

Ipinakikita rin ng talinhagang ito na batid ng mga Pilipino ang seryosong kondisyon ng ilan na may nabubuo silang sariling mundo na kailangang solusyunan.

Naghihintay ng Pasko

Kahulugan: Ito ay tumutukoy naman sa mga taong mabagal at tila hindi iniintindi ang oras. Maaari din itong tumukoy sa isang petsa na pinakahihintay mo at inip-inip ka na sa pagdating nito.

Nagmula ang talinhagang ito sa paghihintay ng mga Pilipino sa Pasko na nagaganap sa ikatlong linggo pa ng Disymebre o isang linggo bago matapos ang isang taon.

Kahalagahan: Ginagamit ito karaniwan sa mga pag-uusap na di pormal. Ang mga tao ay likas na mainipin kaya naman nabuo ang termino ng matagal na paghihintay. Labis-labis man ang pagkokompara, naging mabisa naman ito upang ipahayag ang konsepto ng pagkainip.

Pagpapakita rin ito ng pagpapahalaga ng mga Pilipino sa tradisyon ng Pasko. Isa kasi ito sa pinakahihintay na okasyon ng maraming Pilipino ngunit nagaganap pa bago matapos ang taon.

Butas ang bulsa

Kahulugan: Tumutukoy ito sa isang taong walang sapat na pera o mahirap lamang. Ito rin ay maaaring tumukoy sa isang tao na walang sapat na salapi sa kasalukuyan ngunit hindi naman talaga ganoon naghihikahos.

Naging isang talinhaga ito dahil sa literal na kahulugang kapag butas ang bulsa mo ay hindi ito maaaring lagyan ng pera. Maaari din itong iugnay sa paglalagay ng pera sa butas na bulsa na hindi mo maitatago o maiipon dahil mawawala na lamang ito.

Kahalagahan: Ito ay ginagamit madalas sa mga akdang pampanitikan. Nababasa ang terminong ito sa mga tula, dula, sanaysay, at iba pa. Ito rin ay madalas na ginagamit sa mga usapan.

Pagpapakita rin ito ng pagkamalikhain ng mga Pilipino na nakagawa ng termino para sa mga kapos sa badyet. Ito ay paalala sa atin na kailangan nating magsikap para matahi natin ang butas na bulsa.

Buto’t balat

Kahulugan: Nangangahulugan ito na ang isang tao ay napakapayat. Maaari din ito tumukoy sa isang tao na kulang sa nutrisyon.

Kapag kasi payat ang isang tao may karamdaman, kapansin-pansin na hindi na nagkakaroon ng ganoong laman ang isang tao kaya sinasabing pagkatapos ng balat ay buto agad.

Kahalagahan: Ito ay gingamit sa pantukoy sa isang tao na mayroong mapayat na pangangatawan. Naging bahagi na ito ng panunudyo o pang-aasar ng mga Pilipino sa mga taong may kapayatan.

Gayunman, may mas malalim na mensahe ang talinhagang ito. Kailangan na maging maalaga tayo sa ating nutrisyon at kalusugan.

Pantay ang paa

Kahulugan: Sinasabing pantay na ang paa ng isang tao kapag yumao o wala na itong buhay.

Ayon kasi sa siyensiya, mahirap na iposisyon nang pantay ang paa ng tao kapag buhay pa ito. Ngunit sa oras na mawalan ka ng buhay ay madali na itong iayos. Maaari din itong tumukoy sa paraan natin ng paglalamay o paglalagay ng bangkay sa kabaong na magkapantay ang paa at ulo ng isang yumao.

Kahalagahan: Ito ay nagpapakita ng pagkatuto ng mga Pilipino sa agham na kanilang nailagay din sa mga matatalinhagang salita.

Ginagamit ang idyomang ito sa mga sulating katulad ng tula, dula, sanaysay, at iba pang akdang pampanitikan.

Kape at Gatas

Kahulugan: Ito ay tumutukoy sa dalawang tao na mayroong magkaibang kulay ng balat, na karaniwang maitim at maputi.

Hinango ito sa kulay ng mga nasabing inumin. Maitim kapag kape at maputi naman ang kulay na inihahambing sa gatas.

Kahalagahan: Mahilig magkompara ang mga Pilipino kaya naman maging sa paghahambing ay nakalikha sila ng isang mabisang termino.

Mabilis na matutukoy ang pagkakaiba ng kulay kapag ginamit sa mga akda ang talinhagang ito dahil malaking bahagi ng buhay natin ang mga nasabing inumin.

Bilang na ang araw

Kahulugan: Tumutukoy naman ito sa isang bagay o tao na malapit na ang katapusan. Maaari din itong tumukoy sa isang tao na malapit nang pumanaw at alam nang hindi siya magtatagal.

Nagmula ang talinhagang ito sa tradisyon ng paggamit natin ng kalendaryo. Bawat buwan ay mayroong katapusan at bawat tao ay napapalitan din.

Kahalagahan: Ginagamit ito madalas sa mga eksena sa pelikula, telebisyon, at mga dula. Naging tatak pa nga ito ng ilang linya sa mga panoorin, aksyon man o drama ang paksa ng panoorin.

Maaari din itong gamitin sa mga usapan kung saan maaaring sabihin na malapit na ang petsa ng katapusan o deadline sa English. Maaari din itong gamitin sa mga biruan o seryosong usapan.

Basag-ulo

Kahulugan: Ito ay may kahulugan na ang isang tao ay mahilig makipag-away o sa laging nasasangkot sa mga gulo. Maaari din itong mismo na gamitin na pantukoy sa kaguluhan o problema.

Literal kasing maaaring mabasag ang ulo o mapinsala ang anumang bahagi ng katawan sa mga kaguluhan at away. Kaya naman ang basag-ulo na ang naging kataga sa mga away dahil madali na itong maunawaan ng mga makaririnig o makababasa.

Kahalagahan: Ito ay madalas gamitin ng mga matatanda o mga nasa lalawigan. Ito na ang nakasanayan nilang termino sa mga kaguluhan.

Mababasa rin kung minsan ang talinghagang ito sa mga tula, dula, kuwento, sanaysay, o iba pang sulatin.

Bukod na pinagpala

Kahulugan: Ito ay nangangahulugan na ang isang tao ay maraming biyayang natatanggap o maraming magandang bagay na nangyayari sa kaniyang buhay.

Ito ay nagmula sa Bibliya na makailang ulit na nabanggit ang ilang tauhan na bukod na pinagpala sa lahat tulad ng Birheng Maria.

Kahalagahan: Ito ay madalas na gamitin sa mga pormal na usapan o uri ng sulatin. Isang talinghaga ito na binibigyang pansin ang kagandahan ng kaganapan sa buhay ng isang tao.

Maaari din naman itong gamitin sa normal na usapan. Nagiging biruan pa nga ito madalas ng mga magkakaibigan na mayroong magandang takbo ng buhay.

Guhit ng tadhana

Kahulugan: Tumutukoy naman ito sa kapalarang nangyayari sa isang tao. Ito ay maaari ding tumukoy sa nakatakdang buhay o harapin ng isang tao.

Sinasabi kasing ang kapalaran ng tao ay nakaguhit na at wala na tayong magagawa rito kaya naman kailangan na nating harapin ito.

Kahalagahan: Madalas itong mabasa sa mga pormal na babasahin tulad ng tula, sanaysay, o mga maikling kuwento.

Nagagamit din ito sa mga panoorin sa telebisyon at pelikula na karaniwang mayroong paksa tungkol sa madrama at maaksiyong buhay ng tao.

Hampas-lupa

Kahulugan: Ito ay nangangahulagan na ang isang tao ay may estado sa buhay na may kahirapan. Maaari din itong sumalamin sa isang taong busabos o palaboy-laboy na lamang sa lansangan.

Nagmula ang terminong ito dahil sa paniniwalang ang mga mahihirap ay nasa lupa o nasa ilalim lamang habang ang mga mayayaman ay nasa langit.

Kahalagahan: Ito ay madalas na marinig sa mga palabas sa telebisyon o sinehan. Mababasa rin ito sa mga nobela upang ipabatid ang pagkakaiba ng estado ng buhay ng mga tauhan.

Nagagamit din ito minsan sa mga usapan na ang paksa ay tungkol sa kalagayan ng buhay ng isang tao.

Hindi madapuan ng langaw

Kahulugan: Tumutukoy naman ito sa isang tao na lubos na inaalagaan o pinoprotektahan. Ito rin ay maaaring gamitin sa mga tao na labis na minamahal o ayaw mapagod o kumilos man lang.

Nagmula ang terminong ito dahil itinuturing na peste ang isang langaw. Madumi ito at kapag dumapo sa isang tao ay maaari siyang magkasakit. Maaari ding nagmula ito sa pagprotekta natin sa mga ulam o pagkain laban sa mga hayop at langaw.

Kahalagahan: Ito ay madalas gamitin sa mga akdang pamapanitikan tulad ng mga tula, kuwento, at sanaysay.

Maririnig din ito sa mga usapan lalo na ng mga matatanda na tradisyonal ang pagpili ng mga salitang ginagamit.

Tungkol sa pag-aaral

Nagsusunog ng kilay

Kahulugan: Ito ay may kahulugan na pag-aaral nang mabuti o pagtutok sa mga aralin sa maraming oras upang makakuha nang mataas na grado.

Nagmula raw ang kasabihang ito dahil noong panahon na hindi pa laganap ang teknolohiya, lampara at gasera lamang ang ginagamit ng mga nagbabasa sa gabi. Dahil sa pagtutok sa binabasa at paglapit sa liwanag, halos magkadikit na ang kilay at ang gasera.

Kahalagahan: Mahalaga ito dahil ito ay pagtukoy at pagkilala sa lahat ng sakripisyo at pagpapakapagod ng isang mag-aaral upang magkaroon ng magandang marka sa paaralan.

Sa bansang tulad ng Pilipinas, mahalaga ang edukasyon dahil kailangan ito ng maraming pamilya upang lubos na makaahon sa kahirapan.

Ikrus sa noo

Kahulugan: Nangangahulugan ang idyomang ito na tandaan o itanim sa isip kung anuman ang bilin o sinasabi. Maaari din itong tumukoy sa mga aralin na dapat tandaan kapag nasa eskwela upang magkaroon ng mataas na marka.

Nag-ugat ang katagang ito sa pagiging Katolikong bansa ng Pilipinas. Kapag kasi nilagyan ng krus ang isang bagay, ibig sabihin ay mahalaga o sinasanto ito. Kaya naman kapag ikinrus sa ulo, ay ibig sabihin ay mahalaga at huwag kalimutan.

Kahalagahan: Isang mahalagang paalala ang talinhagang ito na may mga bagay na dapat tayong tandaan at ilagay sa ulo. Ito ay mahahalagang bagay tulad ng mga bilin at leksiyon sa paaralan.

Salamin din ito ng pagpapahalaga ng mga Pilipino sa ating pananampalataya. Maging sa larangan ng panitikan at salita ay ginagamit natin ang mahahalagang simbolismo ng pananalig.

Mataba ang utak

Kahulugan: Tumutukoy naman ito sa isang taong mahusay mag-isip o may angking katalinuhan.

Ang bahagi ng katawan ng tao na nagtatanda at naglalabas ng lahat ng kaalaman ay ang utak. Kaya naman sinasabing mataba ang utak ng isang taong matalino at mabilis mag-isip.

Kahalagahan: Mahalagang pantukoy sa mga mag-aaral o taong matalino ang idyomang ito. Ito ay patunay na kinikilala ng ating wika ang kahusayan ng mga mag-aaral na nagtutuon ng oras at panahon sa pag-aaral.

Isang paalala rin ito sa atin na dapat ay pagyamanin natin ang ating mga utak at sarili. Katulad ng katawan, kailangan din nating patabain ang ating utak.

Makitid ang isip

Kahulugan: Ito naman ay mayroong kahulugan na ang isang tao ay hindi makaunawa o mayroong kaunting nalalaman lamang.

Kung ang idyomang “mataba ang utak” ay sumasalamin sa taong maraming alam, kapag naman makitid ang isip mo ay tila walang mapagsidlan ng bagong impormasyon sa iyo.

Kahalagahan: Ito ay isang pagtanaw na ang mga Pilipino ay nakararanas din ng suliranin sa mga taong sarado ang isip sa bagong impormasyon.

Paalala ang idyomang ito na kailangang buksan at lawakan ang ating pag-iisip para mas maraming impormasyon at kaalaman tayong maipasok sa ating isip.

Mapurol ang utak

Kahulugan: Nangangahulugan ang talinghagang ito na ang isang tao ay hindi makapag-isip nang maayos.

Maaari din itong pantukoy sa isang tao na walang likas na kakayahang mag-isip o mayroong kamangmangang taglay.

Kahalagahan: Nagmula ang idyomang ito sa mga metalikong bagay na hindi ginagamit na kalaunan ay nagiging kalawangin o mapurol.

Maliban sa pagiging isang matalinhagang salita, patunay din ito na kailangan nating gamitin ang ating utak nang mas madalas at pagyamanin ito upang hindi pumurol o mangalawang.

Tungkol sa kapaligiran

Sumasayaw ang mga puno

Kahulugan: Ito ay tumutukoy sa paggalaw ng mga puno o anumang halaman dahil sa malakas na ihip ng hangin. Karaniwang sumasabay ang isang puno o halaman kapag nadaraanan ito ng hangin gaano man kalakas.

Naihalintulad ang puno sa isang taong sumasayaw dahil nagsisilbing tila musika sa isang puno o halaman ang hangin para ito ay sandaliang gumalaw o sumuray sa hangin kahit hindi naman ito nakahahakbang.

Kahalagahan: Mahalaga ito upang gawing pantukoy na kahit nakapirmi lang ang puno sa kinatatayuan nito ay mayroon pa rin itong pagkilos na ginagawa.

Maaari ding indikasyon ng isang malaking panganib ang pagsayaw ng mga puno. Maaaring mayroong lindol o bagyo na nagiging dahilan ng paggalaw nito.

Banta ng Inang Kalikasan

Kahulugan: Ito ay nanganaghulugang mayroong masamang sakuna o pangyayari na may kinalaman ang kalikasan o kapaligiran.

Hindi man nakapagsasalita ang ‘Inang Kalikasan,’ nagbibigay naman siya ng banta o mga babala sa pamamagitan ng iba’t ibang sakuna o kalamidad tulad ng bagyo, pagbabago ng klima, lindol, buhawi, at iba pa.

Kahalagahan: Madalas na gamitin sa mga tula, sanaysay, o kuwento ang talinhagang ito. Mababasa ito sa mga kuwentong may kinalaman sa mga sakuna at kalamidad.

Ngunit maliban sa pagiging isang talinhaga, magandang paalala rin ito sa atin bilang nilalang na tayo ay may obligasyon sa Inang Kalikasan at kung maging pabaya, maaaring makaranas tayo ng mga paghihirap.

Hitik sa bunga

Kahulugan: Ito ay nanganaghulugang isang taong mayroong maraming biyayang natatanggap sa kaniyang buhay na bunga ng kaniyang pagsusumikap.

Ito ay hango sa isang puno na hitik sa bunga dahil maganda ang pag-aalaga at lumaki ito nang maayos. Ganoon din daw sa tao, kapag nagbuhos ng panahon at oras, tiyak na dadami ang bunga.

Kahalagahan: Ito ay isang patunay na sa isang matalinhagang salita ay magsisilbi ring motibasyon para sa mga mambabasa o sumasalita ng ating wika.

Simpleng pakahulugan lamang nito na kung gusto ng isang tao na maging hitik sa bunga ay kailangang tulungan niya ang kaniyang sarili na paunlarin ito.

Masama ang panahon

Kahulugan: Nangangahulugan ito na mayroong kalamidad, partikular na malakas na ulan o bagyo na kinahaharap ang isang bansa.

Bagaman natural na bahagi ng panahon ang pagkakaroon ng bagyo, itinuturing pa rin itong ‘masama’ dahil sa pinsalang maaari nitong idulot.

Kahalagahan: Nagagamit ang terminong ito sa pagbibigay ng ulat tungkol sa panahon. Kapag sinabing masama ang panahon, batid na nila na hindi ito isang biro at dapat paghandaan.

Nagagamit ang terminong ito sa pagbabalita, pagsulat ng mga sanaysay, tula, at iba pang akdang pampanitikan.

Agaw-dilim

Kahulugan: Ito ay tumutukoy sa oras sa isang araw kung saan malapit na ang pagdilim o pagdating ng gabi.

Makikita kasi sa kalangitan ang paglalaban o pag-aagawan ng liwanag at dilim. Sa bandang huli, dilim ang mananaig dahil kailangan naman talaga gumabi.

Kahalagahan: Ito ay madalas gamitin kapag magbibigay ng ulat o lagay ng panahon. Nagagamit din ito madalas sa mga akdang pampanitikan lalo na sa mga tula.

Pagpapakita rin ito na ang mga Pilipino ay mapagmasid sa kapaligiran at nabigyan pa ng matalinhagang pagpapakahulugan ang pagpapalit ng umaga at gabi.

Karagdagang Matalinhagang Salita (General Topic)

Balat-kalabaw

Kahulugan: Nangangahulugan ang talinhagang ito na ang isang tao ay makapal ang mukha o hindi marunong tablan ng hiya.

Nagmula ang idyomang ito mula sa pagsasalarawan sa balat ng kalabaw. Hindi naman ‘walang hiya’ ang isang kalabaw ngunit literal na makapal lamang ang balat nito at kung sa tao ay hindi na tatablan ng hiya dahil sa kapal.

Kahalagahan: Pinaghalong kaalaman sa salita at paghahayupan ang naging pagkakatuklas sa talinhagang ito. Naipababatid nito sa isang katangian ng mga tao na kung minsan ay wala nang konsiderasyon.

Sa kabilang banda, maisasalarawan din nito ang katangian ng isang hayop, ang kalabaw na palagi nating maaasahan sa mga gawain sa bukid.

Kuwentong Barbero

Kahulugan: Ito ay tumutukoy naman sa mga balita o kuwentong hindi tiyak kung totoo. May pagdududa ang ilan kapag sinabing kuwentong barbero dahil maaaring tsismis lamang ito o pinalalang kuwento.

Nagmula ang talinhagang ito sa gawain ng mga tao sa barberya habang nakatambay. Dito daw kasi nagpapasalin-salin ang iba’t ibang kuwento kabilang ang mga tsismis na naipapasa naman ng barbero sa kanyang mga ginugupitan.

Kahalagahan: Ito ay salamin ng isa sa mga kulturang Pilipino. Hindi man kaaya-aya ang pagkakalat ng hindi totoong balita, naging bahagi na ito ng ating pamumuhay.

Isa itong pagkilala na sa mga ginagawa natin sa araw-araw ay nakabubuo tayo ng mga konseptong nagiging mahalagang bahagi n gating panitikan.

Di makabasang pinggan

Kahulugan: May kahulugan ang talinhagang ito na ang isang tao ay mahinhin at maayos kumilos.

Nagmula ang terminong ito sa paghahalintulad sa isang taong sobrang ingat na kahit ang mga babasaging kubyertos gaya ng plato ay hindi mababasag o magkakasira.

Kahalagahan: Sumasalamin ang talinhagang ito sa isang magandang pag-uugali ng mga Pilipino, lalo na ang mga sinaunang kababaihan. Ang mga Maria Clara ay talaga namang maingat sa kanilang kilos at salita.

Kaya naman ang idyomang di makabasag pinggan ay isang patunay na mayroong naiwang magandang legasiya ang lumang panahon at nagsisilbi ring paalala hanggang sa mga bagong henerasyon.

Ilista sa tubig

Kahulugan: Tumutukoy naman ang idyoma na ito sa isang pangako o usapang nalimot na lamang.

Hindi kasi nasusulatan ang tubig. Kaya naman kapag nangako at hindi na natupad, maaaring sabihing nailista ito sa tubig dahil walang nagpaalala, at tinangay na lamang ng agos.

Kahalagahan: Ito ay isang negatibong katangian na patuloy na ipinapaala ng isang matalinhagang salita. Patunay lamang ito na kinikilala ng ating wika at panitikan ang mga hindi kagandahang ugali ng isang tao.

Nagsisilbi rin itong mensahe sa bawat isa na hindi dapat natin sa tubig inililista ang isang pangako o gawain upang hindi natin ito malimot.

Tinamaan ng lintik

Kahulugan: Nangangahulugan ito na ang isang tao ay mayroong kamalasang nakamit o nagawa. Maaari din na ang pakahulugan nito ay ang tao ay humaharap sa isang pagsubok na mabigat na animo’y isinumpa.

Nagmula ito sa paniniwala ng mga Pilipino sa konsepto ng lintik o kidlat. Ayon kasi sa kanila, bibihirang tatama sa tao ang kidlat at kapag nangyari ito, ikaw ay sobrang malas na.

Kahalagahan: Isang patunay ito na ang kasabihan o katagang nililikha ng mga Pilipino ay mayroong basehan, partikular na ang agham.

Kailangan kasing maalam ang isang tao sa agham upang lubos na maunawaan ang kahulugan ng talinhagang ito.

Itaga sa bato

Kahulugan: Nangangahulugan ito na ang isang tao ay nangangako o sinasabi sa kausap na tandaan at asahan ang kaniyang sinasabi.

Nagmula kasi ito sa literal na kahulugan na hindi basta-basta natataga ang isang bato dahil sa tigas at tibay nito. Kaya naman kapag naitaga sa bato ang isang pangako, ibig sabihin nito ay gagawin niya at tutuparin niya ang kanyang sinabi.

Kahalagahan: Ito ay pagpapatunay na sa kulturang Pilipino ay mahalaga ang isang salita. Kailangang tumupad sa pangako upang mapanatili ang magandang samahan.

Paalala rin ang idyomang ito na sa buhay ng tao, kailangan nating mangako at tuparin ito upang hindi mabahiran ng anumang dungis ang ating pangalan.

Daga sa dibdib

Kahulugan: Nangangahulugan ang talinhagang ito na ang isang tao ay nakararanas ng takot o matinding kaba.

Makabog at mabilis ang tibok ng puso ng isang taong kinakabahan o natatakot. Kaya naman ang sinasabing may daga o anumang makulit na hayop na nagpapanatili ng aktibidad sa ating dibdib o puso.

Kahalagahan: Ito ay may kinalaman sa kahusayan ng mga Pilipino pagdating sa agham. Kailangang alam ng isang tao na ang puso ay ang isa sa mga bagay na naaapektuhan kapag tayo ay takot o kabado.

Napatunay ng agham na ang “daga” o labis na pagtibok ng dibdib ay isa talagang senyales na kinakabahan o takot ang isang tao.

Nasa loob ang kulo

Kahulugan: Nangangahulugan ito na ang kasamaan ng tao ay hindi pa niya nilalabas.

Ayon sa mga eksperto sa wika, inihalintulad raw ito sa isang bulkan. Kapag daw kasi nasa loo bang kulo (magma), mapinsala ito kapag sumabog na o lumabas. Parang galit o ugali raw ng tao. Akala mo’y bulking tahimik ngunit may itinatago palang bangis.

Kahalagahan: Maliban sa pagiging isa sa mga pinakaginagamit na idyoma sa bansa, ang salitang ito rin ay isang patunay na binibigyang pansin natin ang pag-aaral sa kalikasan.

Nagamit pa kasi nating paghahambing sa isang tao ang aktibidad ng isang bulkan. Siguro ay makailang beses na rin tayong nabiktima ng mga ito na kahapon ay tahimik pa at nagngangalit na ngayon.

May bulsa sa balat

Kahulugan: Ito ay ginagamit na pantukoy sa isang taong kuripot o lubhang matipid sa pera na ayaw gumastos kahit kailangan.

Sinasabing may bulsa sa balat ang taong kuripot dahil sa husay nitong magtago ng pera na akala mo’y kailangan pa ng operasyon upang mabuksan ang balat at makagastos.

Kahalagahan: Ito ay pagkilala sa isang kultura ng mga Pilipino na pagiging mahigpit sa pera. Sa isang bansang tulad ng Pilipinas na mahirap lamang, marami ang nagtitipid.

Pagpapatunay din ito na kailangan ng bawat isa sa atin na mag-impok upang mayroong magamit sa kinabukasan.

Usad pagong

Kahulugan: Tumutukoy ito sa isang bagay o tao na mabagal ang kilos o pagdaloy. Karaniwang ginagamit ito sa pantukoy sa napakabagal na daloy ng trapiko o mga sasakyan sa lansangan.

Ito ay literal na pagsasalarawan sa pagkilos o paggalaw ng isang pagong. Kilala ang mga pagong sa mabagal na paglakad dahil sa mabigat sa sisidlan sa kanilang likod.

Kahalagahan: Ito ay isang patunay na ang mga Pilipino ay mapagmasid at may pagpapahalaga sa biyaya ng Maykapal katulad ng mga pagong na batid natin ang kabagalan sa pagkilos.

Negatibo man ang idyomang ito, pagpapakita naman ito na nabibigyang pansin natin ang mga bagay na kailangang bigyan ng solusyon tulad ng suliranin sa trapiko na madalas gamitan ng salitang usad pagong.

Tinik sa lalamunan

Kahulugan: Ito ay tumutukoy sa isang tao, bagay, o pangyayari na nagiging suliranin o hadlang sa nais gawin ng isang tao.

Ito ay nagmula sa karanasan ng ilan na matinik ng kinaing isda. Nagiging balakid kasi ito upang makakain sila. Masakit at hindi rin komportable sa pakiramdam ang magkaroon ng tinik sa lalamunan kaya simbolo rin ito ng problema ng isang tao.

Kahalagahan: Madalas na gamitin ang mga ito sa mga akdang pampanitikan na mayroong kalaliman ang pananalita. Isa itong malikhaing paraan upang sabihing ang isang tao o pagkakataon ay isang malaking hadlang.

Pagpapatunay din ito na batid ng mga Pilipino ang peligro na dulot ng pagkakaroon ng literal na bara sa kanilang mga lalamunan.

Nakahiga sa salapi

Kahulugan: Tumutukoy naman ito sa isang tao na mayroong karangyaang taglay o mayaman at maraming pera.

Sinasabing kapag mayaman ang isang tao, dahil sa dami ng salapi nila ay wala na silang magawa rito at hinihigaan na lamang nila.

Kahalagahan: Ginagamit ang salitang ito sa pagtukoy sa mga taong mayaman. Kadalasang mababasa ang mga ito sa mga akda tulad ng kuwento, nobela, sanaysay, o tula.

Mahalagang gumagamit ng ganitong uri ng salita upang maipakita ang pagkamalikhain sa pagtukoy ng mga mararangyang tao.

Abot-tanaw

Kahulugan: Ito ay nangangahulugang ang isang bagay ay malapit na lamang o naaabot na ng paningin.

Literal ang pinagmulan ng idyomang ito na kapag nakikita na ng ating mga mata ay kaya na natin itong abutin.

Kahalagahan: Ginagamit ito sa mga tula, sanaysay, o iba pang akda na mayroong positibong disposisyon sa buhay.

Pahiwatig kasi ito na ang isang bagay ay posibleng maabot o makamtan lalo na kapag natatanaw na natin. Simbolo ito na laging may natatanaw na pag-asa para sa bawat isa.

Di mahulugan ng karayom

Kahulugan: Ito ay may kahulugan na ang isang lugar ay napakaraming tao. Maaari din itong tumukoy sa lugar na masikip at siksikan.

Literal ang kahulugan nito na kapag ang isang lugar ay dinagsa ng mga tao, kahit napakanipis na karayom ay hindi na makasisingit pa.

Kahalagahan: Ito ay madalas na gamitin ng mga manunulat at mamamahayag sa kanilang mga ulat.

Mas mabisang paraan kasi ito ng pagsasabi na ang isang lugar ay talaga namang napakaraming tao at dapat nang iwasang puntahan ng sinuman upang hindi na magkaroon pa ng anumang aberya.

Ginintuang tinig

Kahulugan: Tumutukoy ito sa isang tao na mayroong magandang boses o likas na talento sa pag-awit.

Nagmula ito sa paniniwala ng mga Pilipino na ang magandang tinig ay nakapagbibigay tagumpay sa isang tao.

Kahalagahan: Ito ay pagpapatunay na ang isang tao ay mayroong talento tulad ng ginintuang tinig na maaari niyang magamit sa kaniyang sariling kabutihan.

Kaya madalas itong gamitin sa mga tula, sanaysay, o anumang akda ay para ipaalala sa atin na ang ating talento ay isang yamang bigay sa atin ng Maykapal.

Mababaw ang luha

Kahulugan: Ito ay tumutukoy sa isang tao na madaling umiyak at magpakita ng kaniyang emosyon.

Sinasabing mababaw ang luha ng ganitong tao dahil karaniwan ay naiiyak tayo kapag may mabigat na pinagdaraanan. Ngunit sa mabilas maiyak, tila nakaabang na lang daw sa talukap ang luha at tutulo anumang oras.

Kahalagahan: Ito ay pagpapatunay na ang wikang Pilipino ay mayaman sa mga salitang tutukoy sa katangian ng isang tao.

Ginagamit ang mga ito sa paglalarawan ng isang tao na may malambot na damdamin. Karaniwang mababasa ito sa mga tula, sanaysay, kuwento, dula, at iba pa.

Matalas ang tainga

Kahulugan: Ito ay ginagamit naman sa paglalarawan o pagtukoy sa isang tao na mabilis makasagap ng balita.

Tainga ang pinanggagamit natin sa pakikinig. Kaya naman kung mabilis kang sumagap ng balita, sinasabing mahusay at gumagana nang maayos ang iyong tainga o pandinig.

Kahalagahan: Kabahagi ng hindi magandang kultura ng mga Pilipino ang tsismis o pagkakalat ng balitang hindi kumpirmado.

At dahil sa kulturang ito, nakalikha na rin ang wika ng talinhaga para sa mga ganitong uri ng tao na matalas ang pandinig sa mga bali-balita.

Ibaon sa hukay

Kahulugan: Ito ay tumutukoy sa isang bagay na dapat na lamang kalimutan at wag nang balikan pa.

Nagmula ito sa konsepto ng buhay na kapag namatay ang isang tao ay inilalagay sa hukay. Ganito rin daw sa ibang bagay na dapat kalimutan at ilagay na lamang sa hukay.

Kahalagahan: Ito ay isang malikhaing paraan upang kalimutan ang isang bagay. Ginagamit ito sa iba’t ibang akdang pampanitikan.

Pagpapahalaga rin ito sa realidad ng kamatayan na kapag yumao na ang tao ay dapat tayong magpatuloy sa buhay at kalimutan ang lungkot ngunit hindi ang mga alaala.

Dinilaan ng baka

Kahulugan: Ito naman ay tumutukoy sa isang bagay na sobrang tuwid at pagkaaayos. Karaniwang tinutukoy nito ay ang buhok ng isang tao.

Makapal at malaki kasi ang dila ng baka. Karaniwan ding naglalaway ito kaya naman pag dinilaan ka nito ay tiyak na mababasa ka at matutuwid ang anumang lukot.

Kahalagahan: Nagagamit ang salitang ito madalas sa mga biruan. Kapag sinabing dinilaan ng baka, partikular ang buhok, ay unat na unat o ayos na ayos ito.

Isang makihaing paraan din ito ng pagsasabi kung gaano ba kaayos o nag-ayos ng kanyang sarili ang isang tao.

Mainit ang dugo

Kahulugan: Ito ay tumutukoy sa damdaming ang isang tao ay may nararamdamang inis o galit sa kaniyang kapuwa.

Kapag kasi mainit daw ang dugo ng tao, dito siya nagkakaroon ng mataas na presyon o high blood na sanhi ng kaniyang galit na nararamdaman.

Kahalagahan: Ginagamit ang talinhagang ito sa pagtukoy sa pagkainis o hindi magandang damdamin.

Maliban dito, pahiwatig din ito sa lagay ng damdamin o kalusagan ng isang tao na dapat niyang tutukan tuwing nagagalit siya.

Malikot ang kamay

Kahulugan: Tumutukoy naman ito sa isang tao na mayroong gawing hindi maganda na kumuha ng hindi sa kaniya. Sa madaling salita, siya ay magnanakaw.

Literal ang ibig sabihin ng malikot ng kamay dahil ang taong magnanakaw daw ay hindi mapakali ang kamay at kumukuha nang hindi niya pagmamay-ari.

Kahalagahan: Ginagamit ito bilang pantukoy sa isang taong kumumuhang hindi sa kaniya. Mas katanggap-tanggap ito kaysa sa tahasang sabihing magnanakaw ang isang tao.

Ginagamit ito sa mga akdang pampanitikan tulad ng tula, sanaysay, at iba pang sulatin.

Bumangga sa pader

Kahulugan: Tumutukoy ito sa paglaban o pagtuligsa sa isang taong mayaman, makapangyarihan, o maimpluwensiya.

Maituturing na isang pader ang kilala at makapangyarihang tao na hindi basta-basta matitibag ninuman kaya nabuo ang talinhagang ito.

Kahalagahan: Ito ay madalas na gamitin sa pagsusulat ng mga sanaysay, balita, editoryal, o anumang aritkulo sa isang peryodiko.

Ito ay pagpapakita rin ng pagkakaiba ng estado ng buhay ng tao. Maituturing na pader ang mayayaman na hindi kayang banggain minsan ng mahihirap.

Lumuha ng bato

Kahulugan: Ito ay nangangahulugan na ang isang tao ay hindi mabibigyan ng pagpapatawad anuman ang gawin niya.

Alam naman nating imposibleng lumuha ng bato ang isang tao kaya naman ibig sabihin ay hindi siya kailanman nito mapapatawad.

Kahalagahan: Ginagamit ang katagang ito sa pagpapakita ng damdamin ng isa tao. May mga bagay na hindi madaling kalimutan at mapatawad kaya nagagamit ang salitang ito.

Mababasa o maririnig ang mga ito sa mga usapan, mga script ng mga dula o serye, o sa mga kuwento o sanaysay.

Lahing Kuwago o Lahing aswang

Kahulugan: Sinasabing lahing kuwago o lahing aswang ang isang tao kapag lagi itong gising kapag gabi at namamahinga naman kung umaga.

Ang mga kuwago ay mga hayop na nocturnal o sa gabi lamang gising. Habang ang mga aswang o multo naman ay sa gabi daw madalas na umatake.

Kahalagahan: Ginagamit ang idyomang ito sa mga usapang nangyayari araw-araw. Madalang lamang itong gamitin sa mga babasahin at mas sinasalita kaysa isinusulat.

Pagpapakita rin ito na ang kultura ng Pilipinas ay naniniwala sa mga kuwentong kababalaghan tulad ng mga multo at aswang.

Maaliwalas ang mukha

Kahulugan: Tumuukoy ang idyomang ito sa isang tao na masiyahin, palangiti, at mayroong magandang disposisyon sa buhay.

Kapag daw kasi masaya at magiliw ang isang tao ay lumalabas ito sa kaniyang mukha at awra kaya naman nagiging maaliwalas ito.

Kahalagahan: Ito ay ginagamit sa mga usapan at pantukoy sa isang positibong tao. Nagagamit din ito sa mga sulating pormal at di pormal gaya ng mga tula, sanaysay, o kuwento.

Isang paalala rin ito na dapat ay magkaroon tayo ng magandang disposiyon sa buhay upang makuha natin ang ginhawa at aliwalas na gusto natin.

Mahina ang loob

Kahulugan: Ito ay tumutukoy sa isang tao na mayroong duwag na personalidad at hindi buo ang damdamin at abilidad sa paggawa ng desisyon.

Kahinaan ang tingin ng marami sa mga duwag na tao. At kapag mahina ang isang tao, sinasabing lahat o ang kabuuan nito ay mahina kabilang ang kalamnan nito.

Kahalagahan: Nagagamit ito madalas sa mga usapan. Kapag duwag ang isang tao, karaniwang ginagamit ang idyoma upang hindi naman ganoon kainsulto ang pagsasabi ng kahinaan ng isang tao.

Madalas din na magamit ang idyomang ito sa mga akdang pampanitikan tulad ng mga tula, sanaysay, at marami pang iba.

Nagbibilang ng poste

Kahulugan: Ito ay tumutukoy sa isang taong masigasig na naghahanap ng trabaho o hanapbuhay.

Nagmula ang idyomang ito sa mga taong masugid na naghahanap ng trabaho sa bawat kanto. Sinusuong nila ang mga lugar na ito at sa bawat kanto ay may poste kaya naman naturingan silang nagbibilang ng poste.

Kahalagahan: Ito ay madalas na gamitin sa mga akdang pampanitikan kaysa sa mga usapan. Madalas itong mabasa sa mga akdang matatanda na o klasiko dahil hindi na ito masyadong nagagamit sa kasalukuyan.

Ito rin ay nagsisilbing paalala sa atin na dapat nating sipagan sa paghahanap ng trabaho kahit bilangin pa natin ang bawat poste at pasukin ang bawat kanto para lamang sa inaasam na trabaho.

Parang kiti-kiti

Kahulugan: Ito ay tumutukoy sa isang tao na malikot o hindi mapigilan ang paggalaw. Maaari din itong tumukoy sa isang taong makulit o galawgaw.

Nakuha ang talinhagang ito sa isang uri ng insekto na nagiging lamok kalaunan. Madalas makita ang mga kiti-kiti sa tubig na walang humpay ang paggalaw kaya naman naikumpara ang mga ito sa mga makukulit at galaw nang galaw.

Kahulugan: Ito ay isang matalinghagang salita na ginagamit sa pagtukoy sa isang tao na makulit partikular na sa mga bata. Madalas itong sambitin ng mga ina, guro, o sinumang nag-aalaga ng bata dahil likas ang mga ito na makukulit.

Nagagamit din ang mga ito kung minsan sa mga akdang pampanitikan at iba’t ibang uri pa ng babasahin.

Galit sa pera

Kahulugan: Ito ay nangangahulugan na ang isang tao ay mahilig gumastos at hindi mapakali kapag mayroong salapi sa kamay.

Sinasabing galit siya sa pera dahil tila hindi sila magkasundo ng salapi at nais niyang ihiwalay sa kaniya ang pera o salapi.

Kahalagahan: Ito ay ginagamit ng ilan sa mga panulat at akdang pampanitikan tulad ng mga tula, sanaysay, at maikling kuwento.

Madalas din itong gamitin sa pag-uusap at pagsesermon. Bahagi ito ng pangaral ng mga ina, kaibigan, o sinuman tungkol sa isang tao na hindi maayos sa paggasta ng pera.

Hawak sa leeg

Kahulugan: Ito ay tumutukoy sa isang tao na alila o sunod-sunuran sa kaniyang asawa, boss, o kung sinumang kasalamuhan niya.

Sinasabi kasing hawak sa leeg ang isang tao dahil kapag hawak sa leeg ang isang tao, hawak niya na rin ang buhay nito. Pati ang paggalaw ay nakokontrol nito.

Kahalagahan: Ginagamit ito sa mga sulatin at iba’t ibang akdang pampanitikan. Mababasa ito madalas sa mga komentaryo at editoryal, mga kuwento, at iba pang babasahin.

Maririnig din ito madalas sa mga pagtatalo ng mga kakilala, kaibigan, mag-asawa, o magkasintahan na nakikitaang sunod-sunuran sa kanilang mga karelasyon o kasama.

Laman ng lansangan

Kahulugan: Ito ay nangangahulugan na ang isang tao ay laging nakalagi sa kalye o kanto. Sa kolokyal na termino ng mga Pinoy, ang isang tao ay isang istambay o tambay lamang.

Laman ng lansangan ang naging tuaguri sa kanila dahil sila na lang ang laging nakikita sa lansangan na tila ‘lamang loob’ ng lansangang inihahalintulad sa isang katawan.

Kahalagahan: Ito ay sumasalamin sa isang kultura ng mga Pilipino sa pagkakaroon ng hilig sa paglagi sa kalsada upang magpalipas oras.

Madalas na marinig ito sa mga ulat, dokumentaryo, editoryal, at iba pang babasahin sa peryodiko o panoorin sa telebsiyon.

Lawit ang dila

Kahulugan: Tumutukoy naman ito sa isang tao na sobra ang nararamdamang pagod sa kanyang ginawa.

Ito ay paghahalintulad sa mga aso na madalas humangos na nakalabas ang dila matapos ang pagtakbo o anumang aktibidad na ginawa nila.

Kahalagahan: Ito ay madalas gamitin at mabasa sa mga akdang pampanitikan tulad ng mga tula, sanaysay, at maikling kuwento.

Ito ay pagpapatunay din na ang mga Pilipino ay mayroong mapagmatiyag na ugali at naniniwala sa mga impormasyon ng agham at paghahayupan.

Luha ng buwaya

Kahulugan: Ito ay nangangahulugan namang ang ipinakikitang pagkaawa o dalamhati ng tao ay hindi totoo. Sa madaling sabi, siya ay nagpapakitang tao lamang.

Ito ay nakaayon sa isang siyentipikong paniniwala. Lumuluha raw kasi ang isang buwaya kapag kinakain nito ang nahuli niyang hayop. Kaya naman nasasabing hindi totoo ang ipinakikita nitong awa, luha, at emosyon dahil nananatiling mabangis ang buwaya.

Kahalagahan: Sa panahon ngayon, tila sa matatanda o lumang teksto na lamang madalas mabasa at magamit ang idyomang ito. Marami na rin kasi itong kasing kahulugan ngayon tulad ng ‘pekeng balita,’ o ang gay linggo na ‘echosera.’

Ngunit gayunman, mahalaga pa rin naman itong bahagi ng ating panitikan dahil maging sa ibang bansa ay mayroon itong salin sa English at ginagamit nang may katulad na kahulugan.

Inaapoy ng lagnat

Kahulugan: Ito ay nangangahulugan na ang isang tao ay mayroong mataas na lagnat o temperatura. Karaniwan ding maysakit ang pakahulugan ng mga gumagamit nito kabilang ang pagkakaroon ng trangkaso.

Kapag kasi may lagnat o sakit ang isang tao, talagang tumataas ang temperatura nito. Hindi man kasing taas nang sa apoy ngunit sapat nang ikompara dito dahil mapapaso ka kapag hinipo mo ang isang maysakit.

Kahalagahan: Ito ay laging ginagamit ng mga magulang, doktor, o sinumang tumitingin sa isang taong may lagnat. Sapat na itong indikasyon na mayroong seryosong kondisyon ang isang tao na dapat tugunan.

Maaari din itong gamitin sa mga ulat lalo na ang may kinalaman sa kalusugan. Mababasa rin ito sa iba pang akdang pampanitikan tulad ng dula, tula, sanaysay, at kuwento.

Maraming salamat sa pagtangkilik ng aming mahigit 100 na halimbawa ng matalinghagang salita. Pakay namin ang makatulong sa pagpalawak ng kaalaman ng aming mga kapwa Pilipino. Maraming salamat po! 🙂