Si ka-Bien o Dr. Bienvenido Lumbera ang kauna-unahang aktibistang buhay na ginawaran ng Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan noong 2006.
Ipinanganak si Lumbera noong April 11, 1932 sa Lipa, Batangas. Siya ang bunso sa dalawang anak ni Timoteo at Carmen Lumbera. Labing-tatlong taon lamang ang batang Bienvenido noong siya at ang kanyang ate ay lubusang naulila. Kinupkop at inaruga sila ng kanilang kamag-anak na sina Enrique at Amanda Lumbera.
Ang makulay na buhay ni Bienvenido Lumbera
Sa pamantasan ng Unibersidad ng Sto. Tomas ginugol at natapos ni Bienvenido ang kanyang kursong Literature. Mula sa Pilipinas ay lumipad siya ng Amerika kung saan naman siya ay nagpaka dalubhasa sa Unibersidad ng Virginia.
Hindi lingid sa lahat na si Beinvenido Lumbera ay isang mahigpit na kritiko ng pamahalaan noong rehiming Marcos. Dahil dito ay isa siya sa mga naging biktima ng opresyon noong ibinaba ang Batas Militar. Inaresto at nakulong siya noong Enero 1974, ngunit sa kalaunan ay nakalaya rin.
Mula noon ay naging aktibo na siya sa pakikibaka gamit ang kanyang papel, lapis at ng kanyang mga kapatid sa panulat. Katunayan ay isa siya sa mga tumulong upang mapababa sa posisyon ang noon ay Presidente Marcos. Hindi lang siya isang alagad ng sining isa rin siyang mamamayang makabayan na lumalaban para sa tama at katotohanan.
Kontribusyon ni Bienvenido Lumbera
Naging aktibo si Beinvenido hindi lamang sa pagsusulat. Binuo at itinaguyod niya ang samahan ng mga alagad ng sining. Ito ang Concerned Artist of the Philippine o CAP kung saan siya ang hinirang na chairman.
Bilang isang ganap na Professor Emeritus ng Unibersidad ng Pilipinas ay malapit din ang kanyang puso sa kapwa niya mga guro. Patunay dito ay pinangunahan niya bilang isang presidente ang grupo ng mga guro, ang Alliance of Concerned Teachers o ACT.
Dahil sa marami niyang kontribusyon sa panitikan, panulat, pelikula at pag-aaral ng kultura, si Beinvenido Lumbera ay tinanghal bilang isa sa mga haligi ng sining sa Pilipinas.
Bilang pasasalamat ay ginawaran siya ng pamahalaan ng iba’t-ibang karangalan, kabilang dito ay ang mga:
- Philippines National Artist Award
- National Award for Cultural Research
- Ramon Magsaysay Award for Journalist, Literature and Creative Communication.
Isang huwarang Pilipino
Hindi naging hadlang para kay Lumbera ang kanyang edad (mahigit 80) upang patuloy na ipaalala sa kanyang mga kapwa manunulat ang pagmamahal sa bayan at sa sining ng panitikan.
Malaki ang paniniwala niya na ang isang manunulat ay mayroong napakalaking tungkulin upang ang makamit ng tao ang isang magandang kalidad ng gobyerno.
Ayon sa kanya, ang pagiging isang alagad ng sining ay hindi lamang isang karangalan at katanyagan na dapat ipagmalaki. Bagkus, ito ay mayroong kaakibat na malaking responsibilidad para sa bayan lalo na sa mga mamamayan.
Para sa kanya, ang pagmamahal at hindi paglimot sa ating nakaraan ang magbibigay sa atin upang lagi natin maalala kung sino at ano tayo. Lagi niyang pinapaalala na mahalin natin ang ating sariling pagkakakilanlan at kailanman ay huwag iwawaglit.
Tunay nga na isang kayamanan na hindi basta matatagpuan ang katalinuhan at busilak na puso ni Beinvenido Lumbera. Isang taong hindi lamang nagmamahal sa sining ng panitikan, ngunit pati na rin sa Inang Bayan.