Kilala si Virgilio Senadrin Almario bilang magaling na guro, kritiko ng panitikan, makata, mananaliksik, tagasalin, tagapatnugot, cultural heritage leader, at higit sa lahat ay ang pagiging matapang na taga-taguyod ng pambansang wika.
Mula sa lugar ng Camias, San Miguel de Mayumo Bulacan ay isinilang si Virgilio Senadrin Almario noong Marso 9, 1944. Anak siya ng mag-asawang Ricardo Almario at Feliciana Senadrin. Ang batang Almario ay lumaki at namuhay sa isang lugar na kung saan ay payak at simple ang pamumuhay.
Dahil sa kanyang angking katalinuhan, siya ay naging skolar ng bayan sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman. Dito niya tinapos ang kursong A.B. Political Science at ang kanyang Master of Arts in Filipino Studies.
Isang magaling na guro at mapusong aktibista
Bilang pagpakita ng kanyang pagmamahal sa bayang sinilangan, piniling magturo ni Virgilio Almario sa San Miguel National High School sa bayan ng Bulacan. Dito niya ipinamahagi ang kanyang natutunan sa pamamagitan ng pagtuturo ng asignaturang Araling Panlipunan o Social Studies.
Maliban sa pagiging isang pampublikong guro, siya rin ay isang tanyag na aktibista. Naging aktibo siya sa pangangalampag at pakikibaka sa kalsada noong dekada 70. Kasama siya sa mga grupo ng lantarang lumalaban at bumabatikos sa pamahalaang diktadorya ng dating pangulong Ferdinand Marcos.
Sumapit ang taong 1972 at idineklara ang Batas Militar, isa si Virgilio Almario sa maraming alagad ng sining na dumanas at nakalasap ng hagupit ng batas na ito. Tinanggalan siya ng karapatan bilang isang guro at tuluyang pinaalis sa kanyang trabaho.
Hindi nagpatinag si Almario sa kanyang sinapit sa buhay, sa halip ay ginugol niya ang kanyang oras sa pagsasaliksik sa panitikang Filipino, dito rin niya inumpisahan ang pagsasalin ng mga nobelang gawa ng kanyang kapwa alagad ng sining.
Mula sa kanyang taglay na pagkamalikhain, gumamit si Virgilio Almario ng kanyang alyas sa pagsusulat na “Rio Alma”. Ito ay hango sa pabaliktad na baybay ng kanyang apelyido na Almario.
Naging makulay ang buhay at propesyon ni Virgilio Almario. Nakilala siyang primyadong manunulat dahil sa adbokasiya niya at pagmamahal sa wikang pambansa. Pinangunahan din niya ang mga iba’t-ibang sangay ng pamahalaan na mayroong mga isyu sa tungkol sa pagpapapahalaga sa pamanang kultura at kasaysayan ng bayan.
Dahil sa pagkilala sa kanyang dedikasyon at gawain sa bayan ay ginawaran siya ng maraming mga parangal dito sa Pilipinas at maging sa buong Asya. Hanggang ngayon ay aktibo pa rin siyang umiikot sa mga unibersidad upang maging panauhing pandangal at tagapag-salita tungkol sa wikang pambansa.
Patuloy pa rin niyang pinapalaganap ang mga isyu na sadyang napakalapit sa kanyang puso, ang pambansang wika at ang kultura na pamana ng lahi.
Kontribusyon at Legasiya ni Virgilio Almario
Sadyang napakaraming naibahagi ni Virgilio Almario sa bansang Pilipinas at sa mga Pilipino. Ating tignan mabuti ang kanyang mga ginampanan magmula noon hanggang ngayon.
Guro
Bilang isang dating guro, professor at dekano ng Unibersidad ng Pilipinas, masidhing tinututulan ni Virgilio Almario ang kautusan ng Commission on Higher Education (CHED) na tanggalin sa kurikulum ng kolehiyo ang asignaturang Filipino.
Ayon sa kanya ay hindi sapat na pinag-aaralan lamang ang wikang pambansa, bagkus ay dapat itong panatilihin sa akademiya. Hiniling din niya na kapag ito ay tuluyang tatanggalin, bigyan sana ng kalayaan ang mga unibersidad na patuloy pa rin itong ituro ayon na rin sa kanilang kagustuhan.
Cultural Heritage Leader
Si Almario ang Chairman ng Komisyon ng Wikang Filipino. Isa itong organisasyon na kinikilala ng konstitusyon ng Pilipinas na ang layunin ay i-preseba, linangin, pag-aralan, at patuloy na gamitin ang wikang pambansa kasama ng mga iba pang diyalekto sa bansa.
Siya rin ang hinirang na pangulo ng National Commission for the Culture and Arts o NCCA. Sa panahon ng kayang liderato ay naitulak niya na gawaran ng parangal ang pinakamatandang mambabatok na si Apo Whang-Od. Sa pamumuno ni Almario ay naigawad Ang Dangal Haraya Award for Intagible Cultural Heritage sa kinikilalang alamat ng mga taga Ifugao.
Itinatag din ni Almario ang LIRA o ang Linangon sa Imahen, Retorika at Anyo. Ito ay isang eksklusibong samahan ng mga manunulat na ang tanging gamit sa panulat ay wikang pambansa lamang.
Tagasalin
Dahil sa hangad niya na lubos na maunawaan at maialapit sa tao ang mga dakilang obra ng kanyang kapwa manunulat, isinalin niya ang mga ito gamit ang pambansang wika. Halimbawa dito ay ang likha ng kapwa Pilipino na si Nick Joaquin. Mula sa wikang Ingles ay sinalin niya ito sa wikang Filipino.
Binigyan buhay din niya at isinalin ang mga dula na isinulat sa lenggwaheng banyaga. Kabilang dito ay ang Euripides na isang Griyekong wika, Maxim Gorki na hango naman sa salitang Russo, at ang dula na sa sinulat sa wikang German ang Bertolt Brecht.
Higit sa lahat ng kanyang sinalin ang lubos na napamahal at tinangkilik ng lahing kayumanggi ay ang kanyang obra maesta na pagsalin ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo sa wikang Filipino.
Tagapatnugot/Tagapaglathala
Mataba at sadyang napakalawak ng imahinasyon at utak ni Virgilio Almario. Bilang patunay dito ay ang mga libro na kanyang isinulat. Mula sa kanyang kathang-isip ay nagawa niya ang Ibong Adarna, Si Langgam at si Tipaklong, Si Pilandok sa Pulo ng Pawikan, at Sundalong Patpat.
Bukod sa mga pambatang kuwento ay gumawa din siya ng mga tula tungkol sa pag-ibig, lungkot at paglimot. Mayroon din siyang ginawang obra alay sa kanyang mga kapatid sa Anak Pawis.
Mga gawad parangal kay Virgilio Almario:
Dahil sa kanyang ipinakita na dedikasyon sa kayang propesyon at gawain sa lipunan siya ay ginawaran ng mga parangal bilang pagkilala sa kanyang natatanging kontribusyon sa larangan ng sining, paglilingkod at akademiya.
Hinirang siyang National Artist of the Philippines for Literature noong Hunyo 25, 2013. Pinarangalan din siya ng Manila Critic Circle dahil sa kanyang komprehensibong pagsasalin ng mga dulang banyaga gamit ang wikang pambansa.
Ibinigay din ng Cultural Center of the Philippines ang Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature kay Almario para sa kanyang mga natatanging kuwento. Ginawaran din siya ng karangalan sa Bangkok, ang Southeast Asian Writer Award.
Malayo na nga ang narating at marami na ang nai-ambag ni Virgilio Senadrin sa lipunan. Ngunit sa kabila nito ay hindi pa rin siya nagsasawa at tumitigil upang patuloy na iparating ang nilalaman at isinisigaw ng kanyang puso at isipan. Ito ay ang walang kamatayan na pagmamahal sa wikang pambansa.