Noli Me Tangere Buod (1000 Words)

Ang Noli Me Tangere ay hango sa dalawang salitang Latin na ibig sabihin ay huwag mo akong salingin or huwag mo akong hawakan.

Related: Maikling Buod (300 words)

Isa ang Noli sa mga obra maestra ng ating pambansang bayani si Dr. Jose Rizal. Ang nasabing nobela ang siyang nagmulat sa kaisipan at nagpa-alab ng damdamin ng mga Pilipino noong mga panahon ng Kastila.

Hanggang ngayon, ito ay isa sa mga pinakamahalagang literatura sa larangan ng pagsusulat.

Sa pananaw ng mga Kastila, ang Noli Me Tangere ay isang subersibong babasahin. Ito ay patagong sinulat at inilimbag ni Dr. Jose Rizal. Ito ay sumikat hindi lamang sa ating bansa, kundi pati na rin sa mga banyagang bansa kung saan nakatira ang mga kaibigan at taga suporta ng ating dakilang pambansang bayani.

Introduksyon sa kwento

Sa unang kabanata pa lamang ng nobela ay makikita na ang diskriminasyon sa pagitan ng mga mayayaman at maralita. Makikita ito sa deskripsyon ng uri ng mga damit ng bisita sa salo-salo sa loob ng bahay nila Kapitan Tiago.

Ang naturang kwento ay umikot sa kwento nila Crisostomo Ibarra, Maria Clara, Padre Damaso, Kapitan Tiago, Sisa, Crispin at Basilio.

Ang nobela ay mayroong animnapu’t apat na kabanata. Ito ay inilathala noong 1887 sa Berlin, Germany.

Buod

Si Crisostomo Ibarra, isang binatang Pilipino na matagal na nag-pakadalubhasa sa Europa ay nagpasyang umuwi sa kanyang bayang sinilangan.

Nang siya ay nakauwi sa Pilipinas, nalaman niya na ang kanyang ama ay namatay sa kulungan dahil sa kagagawan ng isang Pransiskanong prayle na nag-ngangalang Padre Damaso.

Ayon kay Tinyente Gueverra, pinaratangan diumano ni Padre Damaso si Don Rafael na isang Erehe at Pilibustero. Dahil dito ay siya ay itiniwalag ng simbahan at ibinilanggo.

Nagkasakit ang matanda at namatay. Dahil hindi pa nakuntento sa pagmamalabis si Padre Damaso, inutusan niyang hukayin ang mga labi ni Don Rafael upang ipalipat sa libingan ng mga Intsik.

Sa kasamaang palad dahil sa bigat ng bangkay at s amalakas na ulan, hindi na nila ito tuluyan pang nadala sa sementeryo. Bagkus, napagpasyahan nilang itapon na lamang ito sa lawa.

Bagamat kasuklam-suklam ang mga nalaman ni Crisostomo mula kay Tinyente, mas pinili nitong manahimik at ipagpatuloy ang kanyang adhikain na makapagpatayo ng isang paaralan.

Nagbago ang lahat nang nagkita silang muli ni Padre Damaso sa isang salu-salo.

Nagpasaring ang Pransiskanong pari sa binata ng makailang ulit.

Bagamat sinubukan niyang magkibit-balikat na lamang sa nangyari sa kanyang ama, hindi rin niya naitago ang kanyang tunay na damdamin. Hindi siya nakapagpigil, kaya tinangka niyang saksakin ang pari.

Mabuti na lamang at sinuway siya ni Maria Clara.

Dahil sa pangyayari, itiniwalag ng simbahan si Ibarra. Sinamantala naman ito ng kontrabidang si Padre Damaso upang udyukan si Kapitan Tiago na ipawalang bisa ang nakatakda sanang pag-iisang dibdib ni Maria Clara at ni Ibarra.

Ginawa ito ni Padre Damaso dahil nais niyang makasal si Maria Clara kay Linares, isang kastilang binatilyo na kararating lamang noon sa bansa.

Kahit na tinanggap ni Maria Clara ang hatol ng pari at ng kanyang ama, hindi siya naging masaya sa kinahinatnan ng kanyang tadhana. Dahil rito, siya ay nagkasakit.

Pasikreto siyang ipinadalhan ng gamot ni Ibarra upang siya ay gumaling agad.

Mapapawalang bisa na sana ang pagkakatiwalag kay Ibarra ngunit sinalakay ang kwartel ng mga Gwardya Sibil. Napagbintangan si Ibarra na kasama sa pag-atake kaya siya ay dinakip at muling inilagak sa kulungan.

Sinubukang patunayan ni Ibarra na wala siyang kinalaman sa pag atake sa kwartel ngunit siya ay napahamak dahil sa liham na ibinigay ni Maria Clara sa kanya. Dahil dito ay tuluyan na siyang ibinilango.

Ang pagtakas ni Elias at Ibarra

Isang gabi, nakatakas si Ibarra sa kulungan, habang sila Kapitan Tiago naman ay may selebrasyon sa kanilang tahanan. Noong gabing iyon ang ipinahayag ang kasunduan ng pag-iisang dibdib ni Linares at Maria Clara.

Bago tuluyang lumisan si Ibarra ay nagawa nitong makipagkita ng palihim kay Maria Clara. Sinabi sa kanya ni Ibarra pinapalaya na niya siya. Ipinaliwanag ni Maria Clara na si Padre Damaso ay ang kanyang tunay na ama ayon sa mga nabasa niyang liham na nasa mga kamay ni Padre Salvi.

Sinabi niya na kailangan niyang protektahan ang karangalan ng kanyang yumaong ina kaya ito ay magpapakasal sa Kastilang si Linares.

Isinumpa rin ni Maria Clara na magpakailanman ay hindi magbabago ang kanyang pag-ibig sa binata, kahit ano pa man ang mangyari sa kanila.

Sa tulong ni Elias, tuluyang tumakas si Ibarra. Sumakay sila ng bangka at tinunton nila ng palihim ang ilog Pasig hanggang sa makalabas sa may Lawa ng Bay.

Ang malagim at malungkot na pagtatapos

Sa kasamaang palad, nakita sila ng mga awtoridad na humahabol sa kanila. Upang mailigtas si Ibarra, iniligaw ni Elias ang mga tumutugis sa kanila. Lumundag siya sa tubig at lumangoy papalayo.

Pinaputukan siya ng mga gwardya sibil hanggang sa napuno ng dugo ang tubig.

Narinig ni Maria Clara ang balita na si Ibarra ay pinaslang ng mga Sibil. Dahil rito, hiniling niya kay Padre Damaso na ipasok siya sa kumbento. Walang nagawa ang pari kundi umoo dahil pinagbantaan ni Maria Clara ang sarili niyang buhay.

Nagwakas ang kwento sa eksena kung saan nakarating si Elias sa kagubatang ng mga Ibarra. Siya ay lubhang sugatan noon nang kanyang matagpuan si Basilio, na siya nama’y kasama ang kanyang inang pumanaw na.

Bago tuluyang namatay si Elias, sinabi niyang hindi man lang niya napagmasdan ang pamimitak ng araw sa kanyang mahal na bayan. Hiniling niya na sana ay hindi malimutan ang mga taong namatay upang maipagtanggol ang bayang sinilangan.

Puno ng talinhaga at simbolismo

Marami ang naniniwalang hindi basta-basta ang pag-iintindi sa mga nakasulat sa Noli Me Tangere dahil ito ay punong-puno ng simbolismo at mga matatalinhagang mga kataga.

Halimbawa na lamang nito ay si Maria Clara, na siyang sumasalamin sa ating bansang Pilipinas na nilapastangan ng mga dayuhan at si Sisa, na bagamat nawala sa katinuan ay siyang sumisimbolo sa mga ulirang ina na ginagawa ang lahat para sa mga anak.

Sa huli, ang nobelang ito ay sumalamin sa masalimuot na sitwasyon na sinapit ng mga Pilipino noong mga panahon ng mga Kastila. Ipinakita nito ang kalupitan ng mga prayle at kung papaano kagiting at kadakila ang ating mga bayani.

Nawa’y makapaglaan kayo ng oras upang magbasa ng mga obra tulad ng Noli Me Tangere. Dahil, bagamat ito ay isang lumang obra, taglay nito ang napakaraming aral na iyong magagamit sa makabagong panahon.