Mabisa ang sanaysay bilang lunsaran ng damdamin at pagbibigay ng kaalaman. Dahil isa ito sa pinakamahahalagang akdang pampanitikan na mayroon tayo, may mga hakbang na kinakailangang isakatuparan upang makasulat at makabuo nang maayos at masinop na sanaysay.
Mahalagang matutuhan ang wastong pagsulat ng sanaysay dahil ginagamit ito sa paaralan, maging sa propesyonal na larangan.
Alamin Ang Pakay Sa Pagsusulat
Dahil ang isa sa mga layunin ng pagsulat ng sanaysay ay ang magbigay ng kaalaman at opinyon, marapat lamang na alamin ang adhikain sa pagsulat. Tukuyin kung nais mo lamang bang magkuwento o magbahagi ng iyong damdamin. Alamin kung nais mo bang magbigay ng impormasyon o tanging misyon mo ay ang aliwin ang iyong mambabasa.
Magsaliksik Patungkol Sa Paksa
Mahalaga ang kredibilidad ng isang nagsusulat kaya naman ang pagsasaliksik ay isang mahalagang aspekto. Ayon sa eksperto sa pagsulat, mas nagiging mabisa ang isang sanaysay kung kapupulutan ito nang wastong impormasyon ng mga bumabasa, at magagawa lamang ito ng manunulat kung mayroon siyang sapat na kaalaman at impormasyon patungkol sa paksa.
Gumawa Ng Balangkas Para Sa Maayos Na Daloy Ng Kaisipan
Ang mabisang sanaysay ay sinusunod ang pagkakabuo nito na simula, katawan, at wakas. Magiging maayos ang daloy kung gagawa ng balangkas o outline kung saan ilalagay ang isang impormasyon. Sa ganitong paraan ay hindi mawawala sa landas ang magbabasa ng iyong sanaysay, maging ikaw na sumusulat ay alam ang daloy nito at makasusulat nang maayos at tuloy-tuloy.
Maging Maingat Sa Mga Salita At Balarila
Dahil nakasulat ang isang sanaysay, kitang-kita ang mga maling pagbaybay at hindi wastong gamit ng mga salita. Makatutulong sa pagbuo ng kredibilidad ng piyesa ang wastong paggamit ng balarila. Maaaring gumamit ng diksiyonaryo kung hindi sigurado sa baybay, at maaari ding humanap ng sanggunian sa Internet upang makasiguro sa wastong salitang ilalagay sa sanaysay.
Basahing Muli At Iwasto
Kapag naisulat na nang buo ang sanaysay, basahin ito nang ilang ulit para makita ang mga pagkakamali o mga nais baguhin o idagdag na kaalaman. Mahirap mahanap ang mali kapag sariling gawa ang iwinawasto ngunit maaaring makakita pa rin ng ilang mali kung paulit-ulit itong babasahin.