Paano Gumawa Ng Talumpati

Nagiging mabisa ang isang talumpati kung maayos ang pagkakasulat at pagkakabigkas rito. Ang isang mahusay na manunulat ng talumpati ay hindi lamang mahusay sa paggamit ng mga salita kung hindi masinop din sa pagsusulat ng kaniyang saloobin at pagsuporta ng mga impormasyon at kaalaman.

Narito ang ilang bagay na dapat gawin sa pagsusulat nang maayos at epektibong talumpati.

Alamin Ang Layunin At Paksa Ng Isusulat

Kinakailangang may sapat na kaalaman sa isusulat na paksa, Kasama sa dapat alamin ay ang layunin ng gagawing talumpati: sino ang makikinig at saan itatanghal ang isusulat na piyesa. Kailangan din na magbasa ng mga epektibo at makabuluhang sanggunian upang masuportahan ang mga isusulat na opinyon at kaalaman.

Gumawa Ng Balangkas O Outline Ng Talumpati

Mahalaga na maayos at sistematiko ang pagkakagawa ng talumpati. Magagawa lamang ito kung makasusulat ang isang tao ng talumpati na mayroong maayos na introduksiyon sa paksa, may malinaw na pahayag sa kabuuan ng talumpati, at makapag-iiwan ng hamon sa mga tagapakinig upang mahikayat din sila na kumilos patungkol sa paksang napili.

Gumamit Ng Mga Sanggunian At Kasabihan

Karaniwan na sa mga epektibo at magagandang talumpati ang mayroong mga sanggunian at mga kasabihan na mula sa mga sikat na personalidad. Nagbibigay ito ng impresyon sa mga manonood na maraming nalalaman ang isang nagtatalumpati. Mabisang paraan din ito upang makapag-iwan ng aral sa mga nakikinig sa iyong talumpati.

Basahing Muli Ang Kabuuan Pagkatapos Isulat

Kapag naisulat na nang buo ang talumpati, basahin ito nang ilang ulit upang makita ang mga kamalian at mga nais baguhin. Sa ganitong paraan ay magiging masinop ang kabuuan ng talumpati.

Subukang Bigkasin Ang Talumpati

Bahagi ng pagtitiyak na maayos at masinop ang talumpati ay ang pagbigkas nito. Minsan kasi, mayroong mga katagang magandang isulat, ngunit hindi ganoon kaaya-ayang pakinggan. Dahil sinasalita ang mga talumpati, marapat lamang na bigkasin muna ito upang malaman kung maayos na at handa na itong iparinig sa madla.

NEXT: Ano Ang Talumpati »

Ang original na Paano Gumawa Ng Talumpati na ito ay hatid sainyo ng Panitikan.com.ph. Kung nagustuhan po ninyo ito, maaaring i-share ninyo para mas madami pa ang makabasa. Itaguyod natin ang gawang Pinoy! Maraming salamat po! :)