Kung mayroon mang relasyon sa mundo na panghabangbuhay, ito ay ang relasyon natin sa ating mga ina.
Kahit ano pa man ang kinahinatnan ng ating buhay, nakasama man natin sila nang matagal o napunta tayo sa ibang pamilya, hindi maiaalis na ang ating buhay ay pinagbigkis ng tadhana simula pa lamang ng unang araw natin sa daigdig.
Walang kapares ang sayang dulot ng pagiging ina. Para sa maraming kababaihan, ito ay katuparan ng kanilang mga pangarap at ang pagkakaroon ng kabuluhan ng kanilang pananatili sa daigdig.
Ang pagbibigay ng buhay sa isa o ilan pang mga supling ay ang misyong ibinigay sa kanilang ng Diyos upang mapanatili ang masaya at mahabang lahi ng isang pamilya.
Para naman sa mga anak, isang napakasayang karanasan ang maaruga ng taong nagsilang sa iyo. Mula sa mga una ng buhay mo—unang araw ng pagsasalita, unang araw ng paglalakad, unang araw sa eskwela, at iba pa—ay isang karanasang walang katumbas na halaga.
Ganito yata talaga ang epekto ng isang samahang pinagbuklod ng tadhana. Ang isang uri ng samahan na anuman ang pagdaanang pagsubok ay mananatiling isang bigkis na hindi mapaghihiwalay ng sinuman.
Isang uri ng relasyon na regalo ng Maykapal sa lahat ng taong marunong umibig at kayang magbigay ng tunay na pagmamahal.