Kung mayroong suliranin na nais malampasan ng bawat tao sa mundo, ito ay ang problema sa pananalapi. Sino ba naman ang may nais na laging iniisip kung saan kukunin ang pambayad sa mga gastusin?
Karaniwan na ring eksena ang paghagilap ng pangtustos para sa araw-araw na pagkain ng pamilya. Idagdag pa ang kinakailangang salapi upang maipagpatuloy ng mga mag-aaral ang kanilang edukasyon.
Ilang dekada nang kinahaharap ng mga mamamayan sa iba’t ibang panig ng mundo ang kahirapan. Ngunit tila hanggang ngayon ay wala pa ring konkretong solusyon pa rito.
May mga pamahalaan naman sa mundo na ginagawa ang lahat upang masugpo ito. Ngunit tial malala na yata kaya hanggang ngayon ay hindi pa rin magamot.
Sa Pilipinas, ang kahirapan ay laganap din. May mga nagsasabi na kailangan daw ng tulong ng pamahalaan. Ngunit ang sigaw naman ng ilan, kailangan nang kalimutan ang katamaran ng mga Pilipino at magbanat ng buto upang makaramdam ng ginhawa sa buhay.
Nagsasanga-sanga kasi ang suliranin kapag walang sariling diskarte ang mga tao sa pagsugpo ng kahirapan. Sabi nga ng ilan, kailangan ding tulungan ng mga mamamayan ang kanilang sarili upang makaahon sa hirap. Hindi pamahalaan lamang ang makapagbabago ng kanilang pamumuhay.
Panahon na siguro upang magtulungan ang bawat isa upang masugpo ang suliranin sa paghihikahos sa buhay. Magiging mabisa kung sama-sama ang pagkilos para sa ikaangat ng ating buhay.