Noong bata pa ako, paborito ko talaga ang magpalipad ng saranggola. Tandang-tanda ko pa na ang simple ngunit makulay na saranggolang pinalilipad ko ay ginagawa ng aking ama.
Kahit abala siya noon sa trabaho bilang isang anluwage, lagi siyang may oras para tulungan akong magpalipad ng saranggola.
Masarap sa pakiramdam na makitang ang simple kong saranggola ay malayo ang nararating. Malaya itong nakalilipad sa bughaw na langit. Napakasarap pagmasdan.
Ngunit ang pinakamasarap sa lahat ay ang mensaheng tila nais iparating sa akin ng paglipad ng saranggola—na walang pangarap ang hindi matutupad, kahit gaanoman kasimple ang pamumuhay.
Dahil sa aking pagpapalipad ng saranggola, natuto akong mangarap. Inilibas ko ang aking pagkamalikhain. Ginaya ko ang saranggola at pinalipad ko rin ang aking imahinasyon. Sumali ako nang sumali sa mga patimpalak sa pagsulat.
Ginawa ko itong motibasyon upang mag-aral nang mabuti. Ito rin ang naging pasaporte ko upang makatungtong sa kolehiyo at makapagtapos.
Tulad ng aking simpleng saranggola, walang nakapigil sa aking paglipad. Naging makulay ang buhay ko. Tulad ng isang saranggola, hindi naging madali ang pagtahak ko sa tagumpay. Kung minsan ay bumubulusok din.
Ngunit ang mahalaga, kaya kong bumangon at muling ilipad ang aking sarili dahil walang imposible kung gugustuhin mo lamang. Lahat tayo ay saranggola na maaaring lumipad, kung patuloy na magsusumikap at paliliparin ang ating mga pangarap.