Sanaysay Tungkol Sa SEA Games 2019

Nabalot ng kontrobersiya ang paghahanda ng Pilipinas para sa ika-30 na Southeast Asian (SEA) Games.

Nagkaroon ng pagpuna tungkol sa pagpapatayo ng ilang istruktura, pagtanggap sa mga delegado ng ibang bansa, maging sa mga pagkaing inihain sa mga manlalaro.

Kinuwestiyon ang pagtatayo ng P50M halaga ng kaldero na gagamitin sa pagbubukas ng event. Mayroon namang mga nasabik na ipagamit ang Olympics-certified na New Clark City sa Tarlac kung saan naroon ang Athletes’ Village, Aquatics Center, at Athletic Center.

Gayunman, nang pormal na buksan ang SEA Games sa Philippine Arena, nabuhayan ng loob at pag-asa ang maraming Pilipino kabilang na ang mga atleta upang lumaban para sa bayan. Naging positibo ang mga manonood sa natunghayang opening ceremonies.

Nang mag-umpisa ang medal tally para sa iba’t ibang events, nakuha agad ng Pilipinas ang pangunguna sa pagkakamit ng gintong medalya.

Hindi binigo ng mga pambato ng bansa tulad nina Carlos Yulo, Hidilyn Diaz, Men’s Volleyball team, at Gilas Pilipinas ang mga kapuwa Pilipino sa pag-uuwi ng parangal.

Patunay lamang ito na sa kabila ng pinagdaraanang pagsubok ng mga Pilipino, sa oras na kailangang ibandera ang bansa sa buong mundo, ay handa ang bawat isa na ipakita ang kanilang husay at talento.

Walang makapipigil sa pagpapakita ng pusong palaban ng lahing Pilipino at sa galing na ipagmamalaki sa daigdig.


Maraming salamat sa pag-basa ng aming isinulat na Sanaysay Tungkol Sa SEA Games 2019. Iparinig mo sa lahat ang iyong boses, ang iyong mga ideya – ipaalam mo sakanila na Pilipino ka! :)