Talambuhay Ni Andres Bonifacio

Kilala natin si Andres Bonifacio bilang siyang Ama ng Himagsikan at Rebolusyong Pilipino. Kilala rin natin siya sa kanyang mga alyas na May Pagasa, Agapito, Bagumbayan, Sinukauan at Supremo.

Ipinanganak si Andres Bonifacio noong Nobyembre 30,1863, sa Tondo, Maynila. Siya ang panganay sa anim na anak ng mag-aasawang Santiago Bonifacio at Catalina de Castro. Mestisa Kastila ang kanyang ina.

Ang Buhay ni Andres Bonifacio

Pagkatapos sa primarya ay huminto na sa pag-aaral si Bonifacio. Ito ay dahil sa maagang pumanaw ang kanyang mga magulang. Sa edad na katorse, siya ang nagtaguyod sa kanyang limang mga kapatid na sina Ciriaco, Procopio, Troadio, Esperidiona at Maxima.

Bihasa sa salitang Kastila at Ingles ang batang si Andres Bonifacio. Naging mensahero siya sa Fleming & Company at kalaunan ay naging bodegero sa Fressel & Company, na kung saan ang mga amo niya ay Aleman. Mahilig siyang magbasa ng mga libro, lalo na yong mga tungkol sa pamamahala sa lipunan at pakikipagdigma.

Dalawa ang naging asawa ni Andres Bonifacio. Ang una ay si Monica Palomar, na kalaunan ay pumanaw din dahil sa sakit na ketong. Sumunod dito ay si Gregoria de Jesus, o mas kilala sa tawag na “Oryang”. Nabiyayayan sila ng isang anak na lalaki ngunit ito ay namatay din dahil sa sakit na bulutong.

Ang Pagkatatag ng KKK

Noong Hulyo 7, 1892 itinatag ni Bonifacio ang Kataas-taasan, Kagalang-galangan na Katipunan ng mga Anak ng Bayan o ang KKK. Ito ay isang lihim na organisasyon ng mga katipunero na ang mithiin ay makamit ang kalayaan sa pamamagitan ng pakikidigma sa mga mananakop na mga Kastila.

Si Bonifacio ang ang ikatlo na naging supremo ng katipunan. Sinundan niya ang liderato nina Deodato Arellano at Roman Basi. Noong una ay lalaki lamang ang kanilang mga kasapi, ngunit sa pagsanib ng kanyang asawang si Oryang, bilang lakambini ng katipunan, ay nagkaroon na rin ng mga babaeng katipunero.

Sa paglipas ng panahon ay nakilala ang katipunan sa Luzon, sa isla ng Panay, Visayas hanggang sa Mindanao. Marami ang umanib at sumama sa kanilang organisasyon. Mayroong mga miyembrong mahihirap at mayroon ring mga prominenteng tao at mga may-kaya sa buhay.

Ang Sigalot sa KKK

Dahi dito nag-umpisa na magkaroon ng paksiyon ang katipunan. Nabuo ang grupo ng mga Magdalo at ang Magdiwang. Nag-umpisa na ang sigalot at hindi pagkakaunawaan sa lider ng dalawang grupo.

Ang Magdalo ay kinabibilangan ng mga may kaya at mayayaman na mga kasapi ng katipunan. Ito ay pinamumunuan ni Emilio Aguinaldo. Ang Magdiwang naman ay grupo ng mga mahihirap at hindi nakapagtapos ng kanilang pag-aaral. Pinamunuan naman ito ni Mariano Alvarez.

Nagkaroon ng halalan ang unang republika ng Pilipinas at si Emilio Aguinaldo ang nahalal bilang pangulo. Si Andres naman ang taga-liham. Naging sunod-sunuran na lamang sina Andres kay Aguinaldo. Dahil dito ay ginamit ni Bonifacio ang kanyang kapangyarihan bilang supremo ng katipunan para ipawalang bisa ang halalan.

Ipinaaresto ni Emilio Aguinaldo si Andres Bonifacio sa salang sedisyon, at pagtataksil sa bagong republika ng Pilipinas. Inakusahan din siya ng pagsunog sa simbahan ng Indang sa Cavite.

Nilitis ang kaso ni Andres Bonifacio sa isang korte militar at siya ay nahatulan ng kamatayan kasama ng kanyang kapatid.

Noong May 10,1897 binaril si Andres Bonifacio at ang kanyang kapatid na si Procopio Bonifacio sa budok ng Buntis sa may Maragondon Cavite.

Karagdagang Talambuhay