Talambuhay Ni Emilio Aguinaldo (Buod)

Isinilang si Emilio Famy Aguinaldo noong Marso 22, 1869 sa Cavite el Viejo (Kawit), Cavite. Anak siya nina Carlos Jamir Aguinaldo at Trinidad Famy. Dahil na rin sa impluwensiya ng kaniyang pamilya, sumabak si Emilio sa politika at kalaunan ay naging pangulo ng bansa.

Nag-aral si Emilio sa Colegio de San Juan de Letran ngunit yumao ang kaniyang ama at nahinto siya sa pag-aaral. Nagtrabaho siya sa kanilang taniman. Una siyang naging cabeza de barangay sa edad na 17 at naging capitan municipal ng Kawit noong 1895.

Kalaunan ay naging Katipunero naman si Emilio at pinamunuan ang buong Cavite. Dahil sa angking tapang at talino, ilang beses mang subukang pabagsakin ng mga Kastila sa kanilang bayan ay lagi silang naiisahan ng mga ito.

Naging mainit naman ang tunggalian ng dalawang Katipunero na sina Emilio at Andres Bonifacio nang maganap ang kombensiyon sa Tejeros nong Marso 1897. Si Emilio din ang nahalal na bagong pangulo ng samahan kahit hindi siya nakadalo.

Bilang bahagi ng Katipunan, naging matagumpay ang pamumuno ni Emilio nang ideklara nila ang kasarinlan ng Pilipinas noong Hunyo 12, 1898. Ilang araw matapos ipagdiwang ang kasarinlan ng Pilipinas, pinalitan niya ang pamahalaan at tinawag na rebolusyunaryong gobyerno kung saan siya na ang unang pangulo ng bansa.

Pormal na ring isinagawa ni Emilio ang Unang Republika ng Pilipinas sa pamamagitan ng Malolos Constitution noong Enero 21 1899. Matapos nito ay nasakop naman ng mga Amerikano ang bansa at nagdeklara ng giyera laban sa mga ito.

Matapos ang ilang taon ng pakikidigma sa mga Amerikano, nadakip si Emilio noong Marso 23, 1901 at kalaunan ay nanumpa ng katapatan sa Estados Unidos.

Binawian ng buhay si Emilio noong Pebrero 6, 1964. Bilang pagkilala sa mga naging ambag ni Emilio sa ating bansa, binigyang-pugay siya sa pamamagitan ng paglalagay ng kaniyang mukha sa limang pisong papel at barya.