Talumpati Tungkol Sa Edukasyon

Marahil ay narinig mo na ang pangaral sa iyo ng iyong ama’t ina na dapat magtapos ng pag-aaral upang magkaroon ng magandang bukas. Gasgas man, ngunit ito ang nananatiling magandang katotohanan ng mundo.

Magandang kinabukasan ang dala ng edukasyon dahil makapagbubukas ito ng magagandang oportunidad sa sinumang seseryosohin ang bagay na ito.

Maraming magagandang oportunidad ang naghihintay kung mayroong diploma ang isang tao at magkakaroon ng magandang edukasyon.

Kinakailangan ng mga kompanya ang mga nakapagtapos ng kolehiyo upang mas maging maganda ang takbo ng kanilang negosyo. Kapalit nito ay maayos na sahod at benepisyong makapag-aahon sa hirap ng iyong pamilya.

Maliban dito, maibibigay din ng edukasyon ang mga kaalamang hindi makukuha sa iyo ng sinuman. Naririnig mo na rin madalas na ‘hindi mananakaw ang edukasyon’ dahil ito ay bagay na ibinibigay mo sa iyong sarili sa pamamagitan ng pagsusumikap at pagbibigay ng oras upang magbasa, mag-aral, at iba pang gawaing makapagpapayaman ng isipan.

Kung mapahahalagahan ang edukasyon, makahaharap ka nang taas noo kahit kanino dahil mayroon kang kompiyansa na makipag-usap at makipagpalitan ng opniyon sa iba pang tao. Malaya ka ring makapagbabahagi ng iyong kaalaman sa iba na magsisilbi ring inspirasyon sa mga ito.

Hindi basta-basta ang taong pinahalagahan ang edukasyon. Sabi nga nila, ang pagiging edukado ay tila isang paghahanda sa isang labanan. Kung nag-aral nang mabuti, masasabing isa kang sundalo na maraming balang dala.

Hindi ka malalamangan ng iba kung nag-aral ka nang mabuti. Hindi ka maaapi ng iba kung alam mo ang pasikot-sikot ng mga salita at pahayag. Hindi ka maliligaw ng landas kung alam mo ang tama at mali, at ang mga wastong bagay na dapat mong gawin.

Kung mahal mo ang iyong sarili, kahit mahirap ang buhay, edukasyon ang kakapitan mo upang maging isang kapaki-pakinabang na tao.

Ang bigyan ng kaalaman ang iyong sarili ay ang pinakamagandang regaling maibibigay mo rito. Kaya naman pahalagahan ang edukasyon upang maging maganda ang bukas.


Ang original na Talumpati Tungkol Sa Edukasyon na ito ay hatid sainyo ng Panitikan.com.ph. Kung nagustuhan po ninyo ito, maaaring i-share ninyo para mas madami pa ang makabasa. Itaguyod natin ang gawang Pinoy! Maraming salamat po! :)