Dahil sa nakamamatay na COVID-19, maraming bagay ang nagbago, kabilang na ang sistema ng edukasyon sa bansa.
Ayaw namang ihinto muna ang pasukan ngayong taon kaya naman humanap na lamang ng alternatibo ang pamahalaan upang kahit papaano ay may matutuhan pa rin ang mga mag-aaral.
Ngunit ang biglaang transisyon mula sa face to face classes mula sa blended learning—gamit ang mga modyuls at online classes—ay nagturo ng aral hindi lamang sa mga mag-aaral kung hindi sa buong sistemang pang-edukasyon sa bansa.
Tinuro ng pangyayaring ito na maraming bahagi ng akademya ang tila hindi naging handa. Mukhang mas marami ang nasanay na sa kalidad ng edukasyon na mayroon na lamang sa bansa.
Lumabas na maging ang Department of Education ay hindi handa sa mga ganitong kaganapan. Patunay nito ay ang mga kamailan sa modules at sa mga materyales at bidyo na ginagawa ng DepEd na napuna rin ng maraming mag-aaral at magulang.
Napagtatakang maraming mali sa mga konseptong itinuturo kahit na dapat ay bihasa na ang mga ito sa usaping ito dahil lagi naman nilang itinuturo sa kanilang mga mag-aaral.
Talaga namang maraming aral ang ibinigay ng pandemya at bagong sistema ng edukasyon sa bansa sa ating lahat. Dapat laging maging handa at laging ibigay ang kahusayan sa edukasyon, may pandemya man o wala.