Nakasabay ko ang isang bata na bumibili ng kalahating kilong bigas, isang instant noodles, at isang itlog sa may tindahan. Kilala ko ang batang iyon. Lima silang anak habang ang nanay na lamang nilang streetsweeper ang bumubuhay sa kanila.
Iniisip ko, kung paanong kakasya ang pananghaliang iyon sa laki ng pamilya nila. Nakatulala ako nang iabot sa akin ng kahera ang sukli sa binili kong isang pekete ng powdered orange juice. Nasa bente pesos na pala ang isang pakete. Nabigla ako!
Hindi makakailang laganap pa rin ang kaharapan hanggang sa kasalukuyan. Parang habang naglalaon ang panahon ay mas nalulubog ang maraming Pilipino sa kahirapan.
Imbes na makatulong ang mga batas na ipinapasa ay lalong nagiging pasanin ito para sa mga mamamayang matagal nang kuba sa mga suliraning dala ng kahirapan.
Patuloy kasing nagsasanga-sanga ang bunga ng kahirapan. Kung mahirap ang isang pamilya, siguradong mahihirapan ang bawat miyembro nito, lalo na ang mga anak, na makapagtapos ng pag-aaral.
Kung hindi makapag-aaral nang wasto, walang makukuhang maayos na hanapbuhay. Kung ganito ang mangyayari, panigurado ring patuloy na malulugmok ang pamilya at mababaon sa utang upang makaraos lamang sa araw-araw.
Ang kawalan din nang maayos na edukasyon at kabuhayan ay nagdudulot sa maagang pagbuo ng pamilya ng ilan. Upang takasan ang kahirapan, mas pinipili ng iba na mag-asawa na lamang. Ngunit ang naiisip nilang solusyon ay mas magdudulot pa pala ng problema.
Dahil hindi handa, walang sapat na kabuhayan ang mag-asawa upang tustusan ang kanilang pamilya na magbubunga naman ngayon ng problema sa kalusugan na mas magiging pasanin ng pamilya.
Kailangang masolusyunan ang kahirapan. Hindi naman kinakailangang maging labis na marangya ang buhay ng bawat Pilipino.
Ang maiangat lamang ang antas ng kanilang pamumuhay ay malaking tulong na upang maramdaman naman nila ang ginahawa at magkaroon ng pagkakaton na mabago ang takbo ng kanilang buhay.
Kailangang magtulungan ng pamahalaan at ng mga mamamayan upang mapuksa ang kahirapan.