Talumpati Tungkol Sa Pag-ibig

“Para sa Nag-iisa Kong Ikaw”

by: www.Panitikan.com.ph

Para sa nag-iisa kong ikaw. Ikaw na nagpaintindi sa akin kung paano ang umibig. Maligaya akong nakilala kita dahil nalaman ko kung paano ang magbigay ng pagmamahal. Nalaman kong kaya ko pala ang magpahalaga at maging isang bahagi ng relasyon.

Para sa nag-iisa kong ikaw na nagturo sa akin ng daan patungo sa maligayang mundo. Salamat sa iyo dahil nalaman kong napakasayang sundin ang aking puso at di makinig sa iba.


Dahil sa iyo ay narating ko ang tunay na kaligayahan. Ikaw ang dahilan kung bakit naipakita ko sa mundo ang tunay na ngiti at halakhak.

Para sa nag-iisa kong ikaw na lagi kong kasangga. Kakaiba ka kasi ikaw ang nagsilbi kong pagkakapitan sa mga panahong ako ay mahina.

Salamat dahil pinabatid mo sa akin ang pag-ibig ay gamot sa anumang suliranin at minulat ako sa katotohanang hindi ako nag-iisa.

Para sa nag-iisa kong ikaw na wala na ngayon, sana ay masaya ka sa piling ng pinili mo. Batid kong marami akong pagkukulang at sapat na ito upang ako ay iyong iwan. Ikaw pa rin ang nag-iisa kong ikaw kahit sakit ang nararamdaman ko ngayon.

Wala nang makatutumbas sa iyo, hindi na yata makahahanap pa ng ibang katulad mo. Para sa nag-iisa kong ikaw, kahit hindi ako ang nag-iisa sa puso mo.


Ang original na Talumpati Tungkol Sa Pag-ibig na ito ay hatid sainyo ng Panitikan.com.ph. Kung nagustuhan po ninyo ito, maaaring i-share ninyo para mas madami pa ang makabasa. Itaguyod natin ang gawang Pinoy! Maraming salamat po! :)