Talumpati Tungkol Sa Pamilya

Magandang araw po sainyong lahat! Ang usapang pamilya ay napaka personal para sa atin lahat. Gaano man kaliit o kalaki ang ating pamilya, hindi maipagkakait na kung nasaan ang pamilya ay nandoon din ang tahanan.

Ang mga sumusunod ay iilan sa mga halimbawa ng talumpati tungkol sa pamilya.

“Pinag-isa ng Daloy ng Dugo”

by: www.Panitikan.com.ph

May isang English na kasabihan, “blood is thicker than water.” Ibig sabihin nito ay mas nananaig ang dugo sa anumang klase ng likido sa mundo.

Sa pamamagitan kasi ng pulang likido na ito sa loob ng ating katawan, nalalaman kung sino ang magkakaanak at magkakapamilya.


Ito rin marahil ang dahilan kung bakit walang katulad ang samahan ng pamilya. Mula sa mga nilalang na nagsasama-sama sa loob ng iisang bubong, hanggang sa ibang kaanak na nasa ibang lugar o lalawigan, ay madalas na nakikita natin ang mga kasangga natin sa anumang hamong kinahaharap natin.

Sa mga kapamilya natin nakikita ang wagas na pagmamahal. Mula sa mga magulang na napakalaki ng sakripisyo para sa ating buhay, hanggang sa iba pang kaanak katulad ng mga pinsan na nagiging matalik naman nating kaibigan at sandalan sa oras ng pangangailangan.

Bagaman mayroong mga pagsubok na nararanasan ang bawat pamilya, hindi naman ito dahilan upang talikuran at kalimutan ang lahat ng pagmamahal na nakukuha natin sa bawat miyembro.

Bilang tao, tayo ay mayroong pagkukulang na nagagawa. Ang mahalaga, kaya nating bawiin ang mga pagkakamaling ito at ituwid para na rin sa ikabubuti ng ating mga kaanak.

Ganito tayo pinag-iisa ng dugong nananalaytay sa ating mga ugat. Ganito tayo pinasasaya ng ating mga kaanak na ating kalahi.


“Sa Iisang Bubong”

by: www.Panitikan.com.ph

“Bahay kubo… kahit munti…” Tama, kahit munti, ang aming kubo ay hindi matitibag. Hindi matitibag hindi dahil sa matibay ang pagkakabuo nito, kung hindi dahil matibay ang samahan ng mga taong naninirahan dito.

Ang bubong na sinisilungan naming ay nagsisilbi ring buklod sa aming magkakapamilya. Sa ilalim ng bubong na ito ay napag-uusapan namin ang aming magandang kinabukasan.


Sa ilalim ng iisang bubong naming natatalakay ang aming mga suliranin. Sa loob ng bubong at mga dingding ay napatitibay namin ang aming samahan.

Ganito ang isang pamilya. Anuman ang pagdaanan, gaano man kabigat ang mga hamon ng buhay, mananatiling matatag ang bawat isa dahil pinagbuklod kami sa iisang bubong at iisang adhikain.


Ang original na Talumpati Tungkol Sa Pamilya na ito ay hatid sainyo ng Panitikan.com.ph. Kung nagustuhan po ninyo ito, maaaring i-share ninyo para mas madami pa ang makabasa. Itaguyod natin ang gawang Pinoy! Maraming salamat po! :)