Talumpati Tungkol Sa Terorismo

Noong 2017, mayroong di inaasahang bisita ang mga taga-Marawi. Ang kanilang payapang pamayanan ay nagulantang ng mga bala at kanyon.

Ang dating lungsod na maingay ng tawanan at mga pangarap ng kabataan ay napalitan ng ingay ng mga baril at pampasabog. May di inaasahang bisita sa Marawi na mahirap paalisin.

Terorismo raw ang ugat sabi ng mga nasa pamahalaan. Ang mga bisitang dumating ay kabilang sa grupong ISIS na kilalang terorista sa mundo. Nagsisilbing bisita ang mga terorista sa iba’t ibang bansa kung saan nila nais maghasik ng lagim.

Hindi batid ang tunay nilang pakay sa pagpapalaganap ng karahasan. Ngunit maaaring dulot ito ng galit sa mundong ginagalawan. Maaari din na bunga lamang ito ng pagsalungat sa pagpapalakad ng mga nasa kapangyarihan. O simpleng nais lamang na magpalaganap ng kasamaan sa mundo.

Anuman ang dahilan ng mga ‘bisitang’ ito, ang tiyak lamang ay maraming buhay ang kanilang nasisira. Maraming kabuhayan ang nalalagay sa alanganin Maraming kinabukasan ang agad na natutuldukan at di na inaabutan ng mga susunod na panahon.

Ang mas nakapangangamba, hindi lamang ang Pilipinas ang minsang binisita ng mga ito. Maging ang makakapangyarihang bansa ay di nakaiwas sa pamemerwisyo ng mga bisita.

Sino ba naman ang makalilimot sa madugong 9-11 attack sa Estados Unidos noong 2001? Pinatumba ng mga bisitang ito ang World Trade Center at sumira sa libo-libong pangarap.

Paano nga ba maitataboy ang mga bisitang ito? Paano nga ba sila mapipigilang dumalaw pa sa mga bansang nanahimik? Paano nga ba sila mapapahinto sa pagsira ng mga pangarap at buhay?

Sa ngayon, karahasan din ang solusyon ng pamahalaan. Wala silang ibang pagpipilian kung hindi ang makipagsabayan sa pasabog ng mga bisita. Wala silang ibang magagawa kung hindi salubungin ang mga bisita sa paraang gusto nilang salubungin sila.

Sa mga ganitong pagkakataon, isang himala ng dasal na lamang ang pag-asa para magising sa katotohanang hindi na dapat pa binibisita ng mga terorista ang mga komunidad na payapa at wala namang ginagawang masama sa kanila.


Ang original na Talumpati Tungkol Sa Terorismo na ito ay hatid sainyo ng Panitikan.com.ph. Kung nagustuhan po ninyo ito, maaaring i-share ninyo para mas madami pa ang makabasa. Itaguyod natin ang gawang Pinoy! Maraming salamat po! :)