Regalo sa Sarili
Bilang mga nilalang, nais natin lagi ay may biyaya,
pagpapalang madalas ay mula sa ating Lumikha.
Ngunit mayroon din tayong regalo na dapat ibigay sa sarili,
ito ay ang pangalang malinis, igalang ng nakararami.
Bawat isa sa atin ay may imaheng dapat pangalagaan,
mga karapatan at pagpapahalagang dapat ingatan.
Dapat ito ay mag-umpisa sa ating bawat kilos at paniniwala,
siguruhing magiging patas at kabutihan ang ipakikita.
Alamin ang halaga ng wastong pagkilos na nakahahanga,
igalang anumang antas ng pamumuhay ng iyong kasalamuha.
Kapag nakita nilang ikaw ay marunong gumalang sa kapuwa,
siguradong dignidad mo sa iba ay natatangi at ubod ng ganda.
Regalo natin sa ating sarli ang paggalang sa iba,
regalo na rin natin ang paggalang na sa kapuwa’y nakukuha.
Humarap sa mga tao nang mayroong karangalan,
magandang pagtingin ng iba ay walang anumang kabayaran.
Kahulugan at Paliwanag
Ipinakikita ng tula ang paggalang at dangal ay bunga ng dignidad ng isang tao. Ang taong may dignidad ay isang magandang halimbawa sa iba at nagsisilbing huwaran sa mga ito. Nakukuha ang dignidad ng tao sa pagkilos nang maayos, disiplina, at paggalang sa kapuwa.
Maituturing na regalo sa sarili ang pagkakaroon ng dignidad. Hindi kasi ito kusang ibinibigay o nabubuo. Ito ay pinaghihirapan at pinatutunayan sa iba.