Ani para sa Bayan
Mahirap man o mayaman, sa kanila ay umaasa,
sila ang dahilan kung bakit sa pagkain tayo ay sagana.
Ang bawat patak ng pawis nila ay ating kabusugan,
sa ating lipunan talaga naman nating silang kailangan.
Ngunit ang nakalulungkot na balita, sila raw ay nagugutuman?
Dahil sila raw ay wala naman sapat na pagkakakitaan.
Sigaw nila, ang kanilang hirap ay hindi naman napahahalagahan,
tila walang sapat na tulong na nakukuha mula sa pamahalaan.
Mga pananim ng iba ay ipinagbibili nang palugi,
lalo na ang mga nagtatanim at nagpapatubo ng palay.
Marami na raw kasing angkat at sa ibang bansa bumibili,
kaya industriya ng pagtatanim sa bansa ay tumatamlay.
Sana naman ay bigyan ng sapat na oportunidad,
mga magsasaka ng bansa ay kailangan din ng pag-unlad.
Huwag nang hintaying sila ay hindi na magtanim pa,
at dumating sa puntong kakalam lahat ng ating mga sikmura.
Kahulugan at Paliwanag
Ang tulang ito ay tungkol sa mga magsasaka. Mahalagang sektor ng ekonomiya ng Pilipinas ang pagsasaka hanggang sa makaramdam ang mga ito ng pagkalugi dahil sa labis na pag-aangkat.
Ipinababatid ng tula ang maaaring maging mas malalim na suliranin kung tuluyang malulugi at hihina ang kita ng mga magsasaka sa bansa.