Tuloy Kayo at Malinang!
Tuloy kayo at malinang, lalong tumalino,
pagpasok n’yo rito kayo ay matututo.
Basta lagi lamang makinig sa iyong guro,
tiyak na maraming papasok sa iyong ulo.
Tuloy kayo at malinang, lalong maging talentado,
sa gabay ng mga guro, lalong magiging bibo.
Sayaw, awit, sining, ano man ang iyong talento,
siguradong mahuhubog, gagaling dito.
Tuloy kayo at malinang, lalong bubuti sa kapuwa,
malaman ang wastong paraan ng pakikisalamuha.
Matutuklasan disiplina at magagalang na salita,
tiyak na lahat sila sa iyo ay mapapahanga.
Tuloy kayo at malinang, tara sa ikalawang tahanan.
Dito kung saan marami kang matututuhan.
Makakikilala rin ng mga bagong kaibigan,
lagi tayong pumasok sa ating minamahal na paaralan.
Kahulugan at Paliwanag
Ang tula ay isang masayang paanyaya sa mga bata na dapat pumasok sa eskwela. Ipinakita ang ganda at matututuhan sa loob ng paaralan. Hindi lamang mga leksiyon ang malalaman kung hindi malilinang din ang mga talento.