Iabot ang Kamay
Iabot ang kamay sa iyong kapitbahay,
sa oras na kailangan ng saklolo, ika’y gumabay.
Daan ito sa mapayapang pamumuhay,
pagkakaisang dadalhin mo habambuhay.
Iabot ang kamay sa iyong kaibigan,
sa panahon ng suliranin kayo’y laging magtulugan.
Ipakita ang suporta saanman, kailanman,
upang magtagal at lalong tumibay ang samahan.
Iabot ang kamay kahit di mo kakilala,
walang pinipili ang pagpapakita nang maganda.
Matagal mang kilala o bago lang sa ‘yong mata,
‘wag kalimutang sila rin ay mayroong halaga.
Iabot ang kamay kahit kanino sa iyong kapuwa,
ito ang susi sa damdaming payapa at maligaya.
Balang araw ikaw naman ang kailangan ng ayuda,
at siguradong kabutihan sa iyo ri’y ipadarama.
Kahulugan at Paliwanag
Paliwanag: Ang tula ay tungkol sa kahalagahan ng pakikipagkapuwa. Ang pagtulong sa iyong kapuwa ay pagpapakita ng pagmamahal at pagbuo nang magagandang relasyon na kailangan ng isang tao para sa mapayapang buhay.
Ang pagmamahal at pagtulong sa kapuwa ay walang pinipiling anyo, panahon, o sitwasyon. Basta mayroong may kailangan ng iyong saklolo, dapat mo itong tulungan.