Kuwento ng tatlong magkakapatid na naghahanap ng lunas sa karamdaman ng ama ang koridong Ibong Adarna.
Hindi na magamot pa ng mga mediko si Haring Fernando kaya naman sinabi ng isang manggagamot na ang tanging solusyon sa karamdaman ng hari ay ang awit ng mahiwagang Ibong Adarna.
Matatagpuan daw ito sa mahiwagang puno ng pierdas platas sa bundok ng Tabor. Kinakailangang makuha ng magkakapatid ang mahiwagang ibon kahit batid nilang mapanganib at may kakaibang kapangyarihan ang ibon.
Ang unang sumubok sina Don Diego at Don Pedro. Ngunit magkatulad na nabigo ang dalawang kuya ni Don Juan. Parehas silang naging bato nang awitan at iputan ng mahiwaga at makapangyarihang ibon.
Ang natitirang pag-asa ng kaharian ng Berbanya ay ang bunsong si Don Juan. Buo ang loob ni Don Juan na hindi siya matutulad sa sinapit ng kaniyang mga kapatid at matagumpay na makukuha ang lunas sa sakit ng kaniyang ama.
Nang papunta sa bundok Tabor, nakasalubong ni Don Juan ang isang matandang ermetanyo na kaniyang tinulungan.
Bilang kapalit, binigay nito ang paraan upang mahuli ang mailap na ibon. Naibalik din niya ang buhay ng kaniyang mga kapatid.
Matagumpay na sanang nakuha ni Don Juan ang ibon ngunit tinaksil siya ng dalawang kapatid. Inagaw nila ang ibon at muntik nang makitil ang sariling kapatid. Napadpad ang kaawa-awang si Don Juan sa Reino delos Cristales.
Dito ay napaibig niya ang magkakapatid na Donya Leonora, Donya Juana, at Donya Maria. Binigyan siya ng pagsubok ng hari at kung mapagtagumpayan ay makapamimili ng donya na kaniyang mapakakasalan. Nagwagi ito at pinili niya si Donya Maria na nagligtas sa kaniya noon sa kapahamakan.
Samantala, sa Berbanya naman, umawit ang Ibong Adarna at nalunasan ang sakit ng hari. Gayunman, hindi naging bida ang magkapatid na Diego at Pedro sapagkat ibinulgar ng mahiwagang ibon ang kataksilang ginawa nila sa kanilang sariling kapatid.