Isinulat ni Jose Rizal ang El FIlibusterismo na kinatatampukan ng mga tauhang sumasalamin sa iba’t ibang uri at antas ng mamamayan noong panahon ng pananakop ng mga Kastila.
Simoun
Tanyag na mag-aalahas si Simoun. Mayaman ito at may suot na salamin. Kilala rin siya ng lahat bilang tagapayo ng kapitan heneral.
Ngunit nagpapanggap lamang si Simoun na isang alahero dahil siya talaga si Crisostomo Ibarra na ikala ng lahat na yumao na dahil sa nangyaring engkuwentro sa Ilog Pasig. Nagpapanggap siya upang makapaghigante sa mga Espanyol at sa mga Prayle.
Basilio
Isa siya sa dalawang anak ni Sisa. Nang pumanaw ang kaniyang ina at kapatid, kinupkop siya ni Kapitan Tiyago at nag-aaral ng medisina.
Naging mapait ang kapalaran ni Basilio dahil napagbintangan siya sa isang kasalanang di niya ginawa. Nang makalaya ay sumama siya sa plano ni Simoun. Kasintahan si Basilio ni Juli.
Juli
Anak ni Kabesang Tales na nakaranas ng paghihirap dahil sa panggigipit ng mga Espanyol. Mabuting dalaga si Juli na napilitang mamasukan bilang tagapagsilbi sa malupit na si Hermana Penchang.
Upang makalaya ang kasintahang si Basilio, humingi siya ng tulong kay Padre Camorra. Ngunit imbes na tulungan ay pinagsamantalahan siya nito. Nagpatiwakal si Juli dahil hindi matanggap ang nangyari.
Isagani
Matalik na kaibigan ni Basilio at kasamahan sa paaralan na nagsusulong na magkaroon ng pag-aaral ng wikang Espanyol sa mga eskwelahan sa kanilang lugar. Pamangkin siya ni Padre Florentino at kasintahan ni Paulita Gomez.
Ngunit hindi sila naikasal ni Paulita dahil ipangkasundo ang dalaga kay Juanito Pelaez. Sa araw ng kasal nila, si Isagani ang nagligtas sa kanila sa kapahamakan.
Kabesang Tales
Masipag na magsasaka si Kabesang Tales na papaunlad na sana ang kabuhayan. Gayunman, nakaranas siya ng panggigipit mula sa mga Kastila at inangkin ang lupain nito. Dahil dito ay nakulong siya at tuluyang nawala ang kabuhayan.
Paulita Gomez
Pamangkin ni Donya Victorina at isang dalagang umiibig kay Isagani. Mapusok ito at hindi pa ganoon katrikal mag-isip.
Ngunit nang makulong si Isagani dahil sa hangarin nito para sa akademya, natapos na rin ang relasyon nila. Dahil dito, naitakda ang kasal niya kay Juanito Pelaez na magiging paraan upang isakatuparan ang plano ni Simoun.
Padre Salvi
Siya ang kura ng bayan ng San Diego na pinalitan si Padre Damaso. Siya ay isang padreng Pransiskano.
Dahil sa kompetisyong mayroon sila ng alperes, gumawa ito ng plano upang mapabagsak si Ibarra na kalaunan ay mapababagsak naman ni Simoun.
Padre Camorra
Isa sa mga pari sa bayan ng San Diego na mainitin ang ulo at laging nakatalo ng mamamahayag na si Ben Zayb. Kilala rin si Padre Camorra na humahanga sa magagandang babae kahit bawal ito bilang isang pari, Dahil dito, madalas siyang kumilos na animo ay hindi isang pari. Hanggang sa hindi na niya napigilan ang sarili at ginawa ang panghahalay sa kaawa-awang si Juli.
Don Custodio
Kilala rin sa taguring Buena Tinta, siya ang nagpapasya sa pagkakaroon ng akademya sa wikang Kastila na kailanman ay hindi niya pinahintulutan at naging sanhi rin ng pagkakakulong ng mga estudyanteng nagsusulong rito.
Juanito Pelaez
Anak ni Timoteo Peleaz si Juanito. Dahil sa matagumpay na negosyo ng ama ay naging tanyag ang kanilang pangalan. Naging sutil namang mag-aaral si Juanito at laging pinaglalaruan ang kaniyang mga kamag-aral.
Estudyante siya sa UST at naikasal kay Paulita dahil sa mabangong pangalan nito na agad na pinayagan ni Donya Victorina.
Donya Victorina
Asawa ng huwad na medikong si Don Tiburcio de Espedaña. Ugali niyang ayusan nang maigi ang sarili, kabilang ang pananamit at paglalagay ng mga kolorete upang magmukha siyang Kastila. Siya ang tumatayong ina ni Paulita at tinatawag niyang Tiya Torina.
Ben Zayb
Laging kadikit ng mga kilalang tao ang mamamahayag na si Ben Zayb upang makahanap ng kaniyang isusulat para sa pahayagan.
Gayunman, may reputasyon siyang magsulat ng mga kuwentong hindi totoo upang maiangat o mapagtakpan ang mga kamaliang nagawa ng mga taong malalapit sa kaniya lalo na ang mga nasa kapangyarihan tulad ng mga prayle.
Placido Penitente
Mula sa Batangas ang mahusay at masipag na mag-aaral na si Placido. Likas ang talino ni Placido na kung minsan ay nagagawa niyang mapahiya ang mga guro dahil sa labis na katalinuhan.
Nagiging dahilan din ito upang matawag siyang sobersibo ng mga prayle. Dahil sa mga kaguluhan, nawalan ng ganang mag-aral si Placido na hindi naman pinahintulutan ng kaniyang inang si Cabesang Andang dahil kailangan daw nitong maging abogado na ipinangako nito sa ama ni Placido.
Quiroga
Isang Intsik na negosyanteng gagawin ang lahat para sa ikauunlad ng kaniyang mga negosyo. Nais niyang magkaroon ng konsulado sa Pilipinas na naging dahilan ng ilang pagpupulong sa kaniyang bahay.
Sa bodega niya rin inimbak ang mga armas na dala ni Simoun bilang bayad nito sa utang niya sa alahero. Tutol man ay wala ring nagawa si Quiroga dahil mahalaga sa kaniya ang pera.
Sinong
Isang kutsero na naging matalik na kaibigan ni Basilio. Dahil sa pagnanais nitong makawala sa mga Kastila, maging ang bayani sa epiko na si Bernardo Carpio ay pinaniniwalaan na rin niyang darating upang iligtas sila.
Siya rin ang isa sa masugid na dalaw ni Basilio nang nakakulong ito at nagbibigay sa kaniya ng balita sa mga nagaganap sa labas.
Mr. Leeds
Isang Amerikano na nagtatanghal sa isang perya sa Quiapo. Kilala siya dahil sa isang natatanging pagtatanghal na gumagamit ng isang ulong nagsasaluta.
Naging dahilan ang ulong iyon sa pagkahimatay ng paring si Salvi nang minsang manood ito.
Padre Florentino
Isang Indio na naging isang ganap na pari. Kaiba ng mga prayleng Espanyol,. Kilala si Padre Florentino bilang isang masiyahing pari at magiliw sa mga nagsisimba.
Sinasabing kaya siya pumasok sa pagpapari dahil nabigo ito sa minamahal niyang babae. Siya rin ang kumopkop sa sugatang si Simoun na kalaunan ay binawian din ng buhay.
Padre Irene
Isa sa mga pari na kaanib ng mga mag-aaral sa pagtatayo ng akademya para sa wikang Espanyol. Kilala ang paring ito na malapit sa iba’t ibang tauhan sa nobela at karaniwang nagbibigay ng impormasyon kung kani-kanino na kung minsan ay nagiging dahilan ng mga kaguluhan.
Macaraig
Kilala bilang mayaman at palabang mag-aaral. Isa sa mga nagsusulong na magkaroon ng akademya para sa wikang Kastila. Ngunit nang mag-umpisa ang kaguluhan, bigla na lamang itong nawala at hindi na mahagilap.