Alamat Ng Durian (Buod)

Kinatatakutan sa kanilang lugar ang matandang si Tandang During. Masungit ito sa bawat taong makakausap at makikita. Naging ganito ang ugali ng ale nang mamatay ang kaniyang asawa at anak.

Naninirahan din siya sa paanan ng bundok kung saan siya ay makapag-iisa. Malawak ang kaniyang bakuran kahit siya lamang ang nakatira doon.

Dahil sa pagiging ilap ng matanda ay kumalat ang bali-balita lalo na sa mga kabataan na si Tandang During ay isang mangkukulam.

Gayunman, nasanay na lang ang matanda sa taguri sa kaniya. Dahil dito ay lalo itong naging masungit at mailap. Isang araw, isang masangsang na amoy ang kumalat sa kanilang komunidad.

Bawat araw ay tumitindi ang amoy na iyon. Hanggang sa hindi na matiis ng mga residente at hinanap na ang pinagmumulan. Dinala sila ng amoy sa kubo ni Tandang During. Hinanap nila ang matanda ngunit hindi nila ito nakita.

Bagkus ay natuon ang kanilang atensiyon sa mabahong amoy. Nakita nila ang puno na may bungang bilog, malaki, at puno ng parang tinik sa balat. Masangsang man ang amoy ay nagustuhan naman nila ang lasa kaya kinuha nila ang bunga.

Nang minsang may nagtanong sa isang ale na may dala ng bunga, sinabi nitong “Bunga ng tanim ni Tandang During ‘yan.” Dito nagmula ang pangalang durian.

Sana ay nagustuhan ninyo ang buod ng Alamat Ng Durian. Check ninyo ang mga iba pa naming posts, marami pa kaming mga buod. Salamat!