Ekonomiks

Table of Contents hide
3. Sistemang Pang Ekonomiya (Kahulugan)
3.1. Iba’t-ibang Sistemang Pang Ekonomiya

Ano ang ekonomiks? – Isa sa mga makabuluhang pinag-aaralan sa ilalim ng agham panlipunan ay ang ekonomiks. Ito ang aspeto na nagpapaliwanag na ang mga pang araw-araw nating desisyon at pagkilos ay may epekto hindi lamang sa ating sarili, kung hindi na rin sa ating komunidad.

Kahulugan ng Ekonomiks

Saan nagmula ang salitang ekonomiks?

Ang mga Griyegong salita na “oikos,” na ang ibig sabihin ay “estado,” at “nomos,” na ngangahulugang “pamamahala,” ay ipinagsama upang mabuo ang salitang “oikonomia.” Dito nagmula ang tinatawag na natin ngayon bilang ekonomiks.

Kahulugan ng Ekonomiks Bilang Mag-Aaral

Sa madaling salita, ang kahulugan ng ekonomiks mula sa literal na pagkakasalin nito ay “pamamahala ng sambayanan o estado.” Ngunit ang ang konsepto nito ay mas malawak pa. Ekonomiks ang siyang nakatuon sa proseso ng produksyon, distribusyon, at pagse-serbisyo.

Dito rin pinag-aaralan ang konsepto ng suplay at demand, paglalagay ng takdang presyo sa mga produkto at serbisyo, maayos na kalakaran ng pamilihan, at iba pang may kinalaman sa pag-unlad ng ekonomiya ng isang bansa. Layon ng ekonomiks na turuan ang mga tao na magkaroon ng matalinong desisyon ukol sa paggamit ng limitadong yaman upang matugunan ang walang hanggang pangangailangan.

Kahalagahan ng Ekonomiks

TANONG: Ano ang kahalagahan ng ekonomiks?

SAGOT: Ang larangan ng ekonomiks ay tunay na mahalaga bagama’t ito ang tumutulong sa atin upang masusing maunawaan ang proseso ng produksyon, distribusyon, at wastong paggamit ng limitadong yaman. Isa rin sa mga pangunahing dahilan kung bakit mahalaga ang ekonomiks ay iniuugnay nito ang bawat bansa sa buong mundo, sa pamamagitan ng pangangalakal, pandaigdigang merkado, at mga internasyonal na patakarang pang-ekonomiya. Ito ang susi na nagdudulot ng pagbabago, tulad na lamang ng globalisasyon.

Kahalagahan ng Pag-Aaral ng Ekonomiks

TANONG: Bakit mahalagang pag aralan ang ekonomiks?

SAGOT: Sa pamamagitan ng pag-aaral ng ekonomiks, nagkakaroon ng mga epektibong patakaran, prinsipyo, at teorya na nagbibigay direksyon para sa pagpapalakas at pagpapa-unlad ng ekonomiya ng isang bansa. Nagbibigay ito ng impormasyon at rekomendasyon kung paano maipapamahagi nang maayos ang limitadong yaman at matukoy ang mga oportunidad at hamon ng isang bansa upang magkaroon at makaranas nang mas magandang kalagayan sa buhay ang mga mamamayan.

Kahalagahan ng Ekonomiks Bilang Mag-Aaral

Kahit mga estudyante o nag-aaral pa lamang ay naapektuhan na ng larangan ng ekonomiks. Mahalaga ang ekonomiks sa mga mag-aaral dahil may mga pang-ekonomiyang desisyon nang naisasagawa ang isang mag-aaral. Mula sa pagpili ng kakainin sa kantina ng paaralan, sa pagbili ng mga gamit pang-eskuwelahan, at iba pang pakikilahok ng isang mag-aaral sa lipunan ay nakakaapekto sa ekonomiya. Ang ekonomiks ay maaari ring makatulong sa kritikal nap ag-iisip ng mga estudyante.

Kahalagahan ng Pag Aaral ng Ekonomiks Bilang Miyembro ng Pamilya

May mahalagang papel rin na ginagampanan ang ekonomiks sa isang pamilya. Ang bawat miyembro ng pamilya ay apektado nito. Tulad nang nabanggit, ang ekonomiks ay isang agham panlipunan na nagtuturo sa wastong paggamit ng mga limitadong yaman. Bilang isang miyembro ng pamilya, importanteng pag-aralan ang eonomiks bagamat ito rin ang gagabay sa pagpili ng mga tamang desisyon ukol sa pinansyal na aspeto, tulad ng pagkakaroon ng budget, pamahahagi ng pondo, atbp., ng isang pamilya.

Kahalagahan ng Pag Aaral ng Ekonomiks Bilang Mamamayan ng Lipunan

Dahil limitado lamang ang yaman ng mundong ating ginagalawan, napakahalagang pag-aralan ng ekonomiks. Sa pamamagitan nitong ay nakikilala natin ang kaibahan ng pangangailangan at iyong kagustuhan lamang. Tinuturuan tayo ng ekonomiks na maging responsableng mamamayan dahil hindi lamang tayo nabubuhay para sa ating pansariling interes lamang. Bawat desisyon na pinagpapasyahan natin ay maaaring maapektuhan rin ating kapwa at ang lipunan kaya naman sa tulong ng ekonomiks ay magiging matalino tayo sa ating mga desisyon.

Pinakamahalagang Layunin ng Ekonomiks Bilang Isang Agham Panlipunan

Maraming layunin ang larangan ng ekonomiks bilang isang agham panlipunan. Ngunit nangingibabaw sa lahat ng ito ang pangunahing layunin ng ekonomiks na mapabuti ang kalidad ng pamumuhay ng mga tao sa pamamagitan ng pagsusuri ng limitadong yaman, pagkakaroon ng wastong pamamahala ng mga it, at pagtugon sa pangangailangan ng mga tao.

Sistemang Pang Ekonomiya (Kahulugan)

Tinutukoy ng sistemang pang-ekonomiya ang pangunahing istruktura, organisasyon, at mekanismo ng isang lipunan o bansa na sumasailalim sa ugnayan ng produksyon, distribusyon, wastong paggamit ng limitadong yaman, at pamamahala ng mga produkto at serbisyo. Nakatakda dito sa sistemang pang-ekonomiya ang bawat ekonomikong desisyon ng isinasagawa ng isang lipunan at paano tutugunan ang pangangailangan ng bawat mamamayan. Sinasagot rin nito ang mga tanong na: ano-anong mga produkto at serbisyo ang nararapat isagawa, para kanino ang mga produkto at serbisyong ito, at paano maipro-prodyus ang mga produkto at serbisyong ito? Ang sistemang pang-ekonomiya ng isang lipunan ay maaaring magbago anumang oras, depende sa pangangailangan ng mga mamamayan.

Iba’t-ibang Sistemang Pang Ekonomiya

Dahil nga maaaring magbago ang sistemang pang-ekonomiya ng isang bansa depende sa kung anong kinakailangan ng mga tao, narito ang ilan sa mga iba’t-ibang uri ng sistemang pang-ekonomiya ayon sa kanilang tinutugunan na isyu:

Tradisyunal na Ekonomiya

Tradisyunal na ekonomiya ang tawag sa sistemang pang-ekonomiya na kung saan ang mga desisyon na isinasagawa ay batay sa tradisyon, kultura, at nakagawiang pamumuhay na ng isang lipunan o bansa. Madalas ang mga lipunang nakasalalay sa tradisyunal na sistemang pang-ekonomiya na ito ay mga komunidad na umaasa sa larangan ng agrikultura, pangangaso, at pangingisda. Ito ay sa kadahilanan na maaaring konti lamang ang pinagkukuhanang yaman ng isang tao sa mga lugar na ito o hindi naman kaya ay mahirap ang paglalakbay tungo sa mga lugar na ito. Primitibo kung tutuusin ang anyo ng isang pamayanan na may tradisyunal na ekonomiya.

Katangian ng Tradisyunal na Ekonomiya

Ilan sa mga katangian ng isang tradisyunal na ekonomiya ay ang mga sumusunod: una, nakasentro lamang ito sa isang pamilya o tribo. Ikalawa, kadalasan ay nomadiko ang mga naninirahan sa lipunang may tradisyunal na sistemang pang-ekonomiya. Ikatlo, hindi gumagamit ng salapi o pera sa sistemang ito. Sa halip ay mayroon silang barter.

Mga Halimbawa ng Tradisyunal na Ekonomiya
  1. Pananahi ng mga damit gamit ang mga balat ng hayop at iba pang makikita sa kalikasan
  2. Pagtatanim ng mga palay, gulay, atbp. na pwedeng makain sa pang araw-araw
  3. Paggawa ng sandata o armas mula sa bato
Tradisyunal na Ekonomiya: Mga Bansa
  • Pakistan – Agrikultura ang pangunahing kabuhayan sa Pakistan. Ang bansang ito ay dumedepende rin sa ilog ng Indus, kung saan ito malapit, para sa kanyang ekonomiya.
  • Vietnam – Isa rin ito sa mga bansang umaasa sa agrikultura para sa pagpapalago ng ekonomiya nito. Ang kanilang mga pang-ekonomiyang desisyon ay mahigpit na kontrolado ng gobyerno.
  • Sri Lanka – Gaya ng mga naunang bans ana nabanggit, ang ekonomiya ng Sri Lanka ay nagmumula rin sa sektor ng agrikultura at kontrolado rin ito ng kanilang pamahalaan.
Mabuti at Masamang Epekto ng Tradisyonal na Ekonomiya
Mabuti

Ang isang tradisyunal na sistemang pang-ekonomiya, bagamat primitibo, ay may mga magandang dulot naman sa lipunan. Isa na rito ang pagkawala ng kompetisyon. Dahil walang kompetisyon sa merkado, walang gulo o away na nagaganap, at kung meron man ay kalimitan na maliit lamang ito at mabilis maresolba. Mabuting epekto rin nito ang hindi pagkakaroon ng labis sa produksyon.

Masama

Ngunit may masamang epekto rin ang isang tradisyunal na ekonomiya. Kabilang na rin ito ang pagiging limitado ng mga produkto at serbisyo. Mataas rin ang posibilidad na sumailalim sa tag-gutom ang mga taong naninirahan sa lipunang may tradisyunal na sistemang pang-ekonomiya na ganito.

Ekonomiyang Pampamilihan o Market Economy (Kahulugan)

May mekanismo ng malayang pamilihan sa isang ekonomiyang pampamilihan o market economy. Ibig sabihin, ang mga pang-ekonoiyang desisyon ng ginagawa sa isang lipunan na may ganitong sistemang pang-ekonomiya ay batay sa suplay at demand ng merkado. Ang produksyon, distribusyon, at presyo ng mga produkto at serbisyo ay nakatakda mula sa kung gaano karami ang kayang malikha ng prodyuser at kung gaano karami ang kayang bilhin ng isang konsyumer. Mga desisyon ng mga indibidwal o pribadong institusyon ang mas may awtoridad at nagpapatakbo sa sistemang ito. Ang pamahalaan ang siya lamang nagbibigay patakaran pang-proteksyon sa karapatan ng mga nagbebenta at namimili.

Paano Ilarawan ang Market Economy?

Ang ekonomiyang pampamilihan o market economy ay inilalarawan bilang isang sistemang pang-ekonomiya na ang mga may-ari ng negosyo ang may karapatan sa kung anong dapat gawin sa kanyang mga produkto o serbisyo, paano ibenta ang mga ito, at maging bumili ng produkto o serbisyo mula sa mga kakumpitensya sa merkado.

Katangian ng Market Economy

Ilan sa mga katangian ng sistemang pang-ekonomiya na market economy ay ang mga pag-aari sa ilalim ng sistemang ito ay pribado. Ang gobyerno ay may limitadong pangangasiwa at binibigyan rin ng kalayaan na magdesisyon ang mga negosyante. Ngunit ang mga desisyon ng mga negosyanteng ito ay kalimitan na nakatuon sa kanilang pansariling interes. Sa isang market economy, mayroong kumpetisyon.

Mga Halimbawa ng Market Economy
  • Mga iba’t-ibang brand ng selpon gaya ng Apple, Samsung, Huawei, atbp.
  • Mga iba’t-ibang fast food chains tulad ng Mcdonald’s at Jollibee
Mga Bansang Gumagamit ng Market Economy
  • Singapore – Isa ang Singapore sa mga bansang may sistemang pang-ekonomiya na market economy o ekonomiyang pampamilihan. Ang bansang ito ay kilala sa paglatag ng mga sistema ng mga merkado at presyo. Pinahahalagan dito ang paglakas ng mga Negosyo at pagkakaroon ng mga dayuhan na mamumuhunan.
  • Japan – Bilang ang market economy ay nagbibigay ng oportunidad sa mga tao na magtrabaho para sa kanilang sarili, at ito ang sistemang maaaring makita sa bansang ito.
Mabuti at Masamang Epekto ng Market Economy
Mabuti

Hinihikayat ng isang ekonomiyang pampamilihan o market economy ang pagpapanatili ng mababang presyo sa pamamagitan ng pagkakaroon ng kumpetisyon. Isa ito sa mga mabuting epekto ng sistemang ito. Nagbibigay rin ito ng oportunidad na lumago ang mga inobasyon at iba pang pagbabago para sa ikauunlad ng mga mamamayan.

Masama

Pero kahit na ganoon pa man, ang isang market economy ay may masasamang epekto rin sa ekonomiya. Kabilang na rito ang pagkakaroon ng malaking agwat sa pagitan ng mga mayayaman at mahihirap. Maaaring mapag-iwanan ang mga naghihirap. Pwede ring magtamasa ng inflation ang mga produkto at serbisyo sa merkado.

Mixed Economy (Kahulugan)

Kombinasyon o pagsasanib ng dalawang sistemang pang-ekonomiya ang isang mixed economy. Ibig sabihin nito ay sumusunod ito sa aspeto ng isang malayang pamilihan ngunit may mas mahigpit na plano at regulasyon na ito mula sa gobyerno. Kaya naman minsan ay kinikilala ang sistemang pang-ekonomiya na ito sa isa pang ngalan, ito ang dual systems. Maraming mga bansa sa buong mundo ang sumusunod sa sistema ng mixed economy. Ang mga bansang ito ay kung saan karamihan sa kanilang mga industriya, mapa-produkto man o serbisyo, ay pag-aari ng mga pribadong institusyon, habang ang mga pampublikong serbisyo naman ay nasa ilalim ng pamamalakad ng pamahalaan.

Paano Ilarawan ang Mixed Economy?

Isa sa mga pangunahing naglalarawan sa sistemang pang-ekonomiya na mixed economy ay sinusunod nito ang magandang aspeto ng market economy na kung saan Malaya ang pagkilos sa pamilihan. Ngunit meron pa ring mga sektor na kontrolado ng gobyerno, lalo na sa usaping pang-kalusugan at pangangalaga ng mga mamamayan, pang-kalikasan, at pagmamay-ari ng estado.

Katangian ng Mixed Economy

Ang mga katangian na mayroon ang isang mixed economy ay kabilang na, gaya ng nabanggit, ang malaking tungkulin ng gobyerno sa pamilihan bagamat limitado. Malawak ang proteksyon na natatanggap ng mga may pribadong pag-aari sa ilalim ng sistemang ito. Ang suplay at demand rin ang nagtatakda ng pagtaas ng presyo sa sumusunod sa sistemang pang-ekonomiya na mixed economy.

Mga Halimbawa ng Mixed Economy
  • Isang bansa kung saan ang pamahalaan ang siyang may kontrol at nagtatalaga sa militar at pulis para sa kapayapaan ng lipunan.
  • Isang bansa kung saan gobyerno ang nangangasiwa sa pagsasaayos at konstruksiyon ng mga pampublikong daan, ngunit ay maaari ring kumuha ng kontrata mula sa pribadong institusyon.
Mga Bansang Gumagamit ng Mixed Economy
  1. Pilipinas – Maraming mga korporasyon sa bansa ang pribado, ngunit may ilan rin na nasa pangangalaga ng pamahalaan.
  2. Canada – Isa ito sa mga bansang may pinakamalaking pribadong sektor pero hindi rin maikakaila na ang kanilang gobyerno ay may mga pag-aari rin, kabilang na ang sektor na pang-kalusugan at pang-edukasyon.
  3. United States – Sumusunod ang bansang ito sa mixed economy na sistemang pang-ekonomiya dahil pinapanatili nito ang kapayapaan ng mga pribadong institusyon sa bansa ngunit sumasailalim pa rin sa regulasyon ng gobyerno.
Mabuti at Masamang Epekto ng Mixed Economy
Mabuti

Masasabing ang mixed economy ang siyang uri ng sistemang pang-ekonomiya na nagbibigay ng pinakamahusay na output dahil Malaki ang kinikita sa ilalim nito. Nakakapaglaan rin ng ito ng kapital na siyang humihimok sa inobasyon at pag-unlad lang lipunan upang matugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan. Nagbibigay oportunidad rin ito sa gobyerno na maisaayos ang mga patakaran, pang-nasyonal man o internasyonal.

Masama

Subalit ganoon pa man, hindi laging Mabuti ang epekto ng pagkakaroon ng isang mixed economy. Maaaring tumaas ang tax sa ilalim ng sistemang ito. Minsan ay napapabayaan rin ang ibang sektor, pampubliko man o pribado pagmamay-ari.

Bakit Ito Tinawag na Mixed Economy

Ang sistemang pang-ekonomiya na mixed economy, bakit ng aba ito tinawag na mixed economy? Ito ay dahil pinaghalo-halo rito ang mga magagandang aspeto ng market economy, na siyang nabanggit na kanina, at ng comman economy na mamaya ay pag-aaralan rin sa artikulong ito. Sa mixed economy makikita ang pagbabalanse ng impluwesya ng pribadong sektor at ng pamahalaan.

Ano ang Kaibahan ng Command Economy sa Mixed Economy?

Sa isang mixed economy, ang kontrol sa pamilihan ay kombinasyon ng pribadong sektor at pampublikong pamamahala (o ang gobyerno). Ang dalawang ito ang siyang nagpapatakbo sa ekonomiya ng isang bansa. Ngunit sa isang command economy, ang kabuuang awtoridad sa produksyon, distribusyon, at iba pang aspeto ng ekonomiya ay nasa ilalim lamang ng gobyerno.

Command Economy (Kahulugan)

Sa ilalim ng sistemang pang-ekonomiya na command economy, ang mga desisyon at patakarang pang-ekonomiya ay nakabatay lahat sa pamamalakad ng isang sentralisadong pamahalaan. Kadalasan ay tinatawag rin ito bilang planned economy. Mula sa pagpaplano hanggang sa pamamahagi ng limitadong yaman bilang produkto at serbisyo, gobyerno lamang ang tanging nangangasiwa. Gayunpaman, hindi naaapektuhan masyado ang suplay at demand sa mga desisyong ito. Maging sa pagpili ng trabaho at sahod ng mga manggagawa ay may kotrol pa rin ang pamahalaan. Layunin ng isang command economy na mapanatiling pantay-pantay ang distribusyon ng yaman sa mga mamamayan.

Paano Ilarawan ang Command Economy?

Mula sa taguri palang rito, ang command economy ay inilalarawan bilang isang sistemang pang-ekonomiya kung saan ang lahat ng aspetong ekonomiks ay nasa kamay ng gobyerno. Pamahalaan ang nagbibigay mando o utos at nagtatakda ng mga bagay-bagay sa pamilihan. Limitado lamang ang partisipasyon ng mga mamamayan pagdating sa usapang pang-ekonomiya. Halos walang pribadong institusyon sa mga sumasailalim sa sistemang ito.

Katangian ng Command Economy

Bukod sa sentralisadong kapangyarihan ng gobyerno sa pamilihan, ang iba pang katangian ng isang command economy ay tulad ng kakulangan sa kompetisyon. Ito ay sa kadahilanan ng ana limitado o kawalan ng pribadong pamilihan sa isang lipunan na may ganitong uri ng sistemang pang-ekonomiya. Madalas nakikita ang command economy isa isang bansa na may komunistikong pag-iisip at binibigyang prayoridad ang pagkakapantay-pantay ng mga mamamayan.

Mga Halimbawa ng Command Economy
  • Isang bansa kung saan kontrolado ng pamahalaan ang isang partikular at mahalagang yaman, tulad ng ginto at langis.
  • Isang bansa kung saan ang malayang pamilihan ay limitado lamang sa mga espesyal na lugar, tulad ng kabisera.
Mga Bansang Gumagamit ng Command Economy
  • North Korea – Isa ito sa mga pinakakilalang bansa na may command economy. Napakahirap pasukin ng bansang ito at limitado lamang ang pang-ekonomiyang interaksyon nila sa internasyonal.
  • Cuba – Sa loob ng maraming taon, tanging ang pamahalaan lang ang siya may kontrol ng mga aspetong pang-ekonomiya sa bansang ito.
  • China – Umiiral ang command economy sa bansang ito bagamat sila rin isa sa mga tanyag na komunistang estado.
Mabuti at Masamang Epekto ng Command Economy
Mabuti

Isa sa mga mabuting dulot ng pagkakaroon ng command economy ay ang pantay-pantay na distribusyon ng yaman at kalakal sa buong lipunan. Dahil sentralisado rin ang kontrol ng gobyerno, napapanatiling maayos ang regulasyon at pag-ikot ng ekonomiya. Malawak rin ang kakayahan ng pamahalaan na mag-plano sa pagpapa-unlad ng bansa.

Masama

Ngunit sa kabila ng mga ito, ang limitadong Kalayaan sa ilalim ng isang sistemang pang-ekonomiya tulad ng command economy ay lubhang nakakaapekto ng masama sa ekonomiya ng isang bansa. Nagkukulang rin sa inobasyon at pag-usbong ng mga bagong ideya at teknolohiya ang mga lipunan sa command economy bagamat halos walang pribadong sektor dito.

Bakit Ito Tinawag na Command Economy

Tinawag itong command economy dahil pinapakita nito na nagmumula ang mga pangunahing utos o patakaran na pang-ekonomiya mula sa gobyerno. Ang mga desisyon ay isinasagawa ng iilan lamang mga opisyal at ahensya ng isang sentralisadong pamahalaan. Lahat ng aspeto ng ekonomiks ay naka-batay walang iba kung 9ind isa kung sino ang namamahala.

Sa Command Economy Sino ang Nagpaplano ng Ekonomiya?

Tulad ng nabanggit, ang pagpa-plano sa mga patakarang pang-ekonomiya, mga desisyon sa produksyon at distribusyon, paglalatag ng presyo, at iba pang mga aspeto ay nakasalalay sa pamahalaan o gobyerno. Nagiging sentralisadong proseso ang pamilihan sa ilalim ng sistemang pang-ekonomiya na ito. Ito ay nagreresulta sa mataas na kontrol at regulasyon ng gobyerno sa lahat ng mga yugto ng produksyon, distribusyon, at konsumo ng kalakal at serbisyo.

Aling Sistemang Pang Ekonomiya ang Umiiral sa Bansa Natin

Mula sa apat na sistemang pang-ekonomiyang inilahad, ang bansang Pilipinas ay may umiiral na mixed economy. Ito ay sa kadahilanan na kombinasyon ng pribado at pampublikong mga institusyon ang siyang nagpapatakbo sa ekonomiya ng ating bansa. Ang mga sektor ng edukasyon at kalusugan ay pinangangasiwaan ng pamahalaan habang ang ibang mga produkto at serbisyo ay sumusunod lamang sa regulasyon ng gobyerno, ngunit ay pagmamay-ari ng pribadong institusyon.

Dibisyon ng Ekonomiks

Nahahati ang ekonomiks sa iba’t-ibang dibisyon o aspeto. Bawat dibisyon ay nagpapakita at ipinapaliwanag ang magkakaibang paraan ng pagsusuri ng ekonomiya. Ang primaryang dibisyon ng ekonomiks ay nahahati bilang makroekonomiks at maykroekonomiks. Ang batayan ng dalawang sangay ng ekonomiks na ito ay nakadepende sa laki ng sakop nilang sektor. Hinati sa dalawang uri ang ekonomiks upang mas madaling maintindihan at maunawan ang proseso kung paano tutugunin ang walang katapusang pangangailangan ng mga tao lalo na at limitado lamang ang mga yamang materyal na matatagpuan sa buong mundo. Sa pamamagitan ng dalawang dibisyon ng ekonomiks na ito ay mabibigayn solusyon ang limitadong distribusyon ng yaman.

Ano ang Maykroekonomiks?

Isa sa mga nabanggit na sangay ng ekonomiks ay ang maykroekonomiks. It ang ekonomiks na nagsusuri ng maliit na bahagi o unit ng ekonomiya ng isang bansa.

Maykroekonomiks (Kahulugan)

Pinag-aaralan sa maykroekonomiks ang mga aspeto ng ekonomiks tulad ng produksyon, konsumpsyon, at distribusyon. Ngunit ang mga pagsusuri na ito ay nagaganap lamang sa mababang antas o maliit na porsyon ng ekonomiya ng isang bansa. Ito ang nakatuon sa mga indibidwal na mamimili, Negosyo, bahay-kalakal, at iba pang mga maliliit na yugto.

Halimbawa ng Maykroekonomiks

Isang halimbawa ng maykroekonomiks ay ang mga desisyon na isinasagawa sa ng mga miyembro ng pamilya sa isang sambahayan. Ang bawat pagpapasiya nila, tulad ng kung ano lamang ang bibilhin sa pamilihan, ay may epekto sa ekonomiya ng bansa.

Saklaw ng Maykroekonomiks

Saklaw ng maykroekonomiks ay interaksyon ng mga mamimili sa maliliit na yugto ng ekonomiya, tulad ng ngunit hindi limitado sa mga indibidwal, munting mga institusyon, maliliit na Negosyo, at bahay-kalakal.

Ano ang Iyong Sariling Pagkaunawa sa Maykroekonomiks

Sa aking sariling pang-unawa, ang maykroekonomiks ang siyang dibisyon ng ekonomiks na nakatuon ang pansin at pag-aaral sa mga antas ng ekonomiya na hindi kalakihan ang nasasakupan. Sinusuri nito ang bawat desisyon na ginagawa ng mga nasa maliit na yunit na ito upang makita ang proseso ng produksyon, konsumpsyon, at distribusyon, at kung paano nito naaapektuhan ang ekonomiya ng isang bansa o lipunan.

Ano ang Makroekonomiks

Sa kabilang banda naman, ang ikalawang dibisyon ng ekonomiks ay tinatawag bilang makroekonomiks. Pinag-aaralan na rito ang kabuuang ekonomiya ng isang bansa.

Makroekonomiks (Kahulugan)

Makroekonomiks ang sangay ng ekonomiks na siyang nagsusuri ng kabuuang ekonomiya ng isang lipunan. Ang pang-kalahatang aspeto ng ekonomiya, mula produksyon, konsumpsyon, at distribusyon, at mapa-pribado man o pampublikong sektor, ay pinag-aaralang maiigi rito. Kasama na rin rito ang antas ng kita o empleyo, inflasyon at deflasyon, at mga patakarang pampamilihan.

Halimbawa ng Makroekonomiks

Mayroong tinatawag na Gross Domestic Product (GDP) at Gross National Product (GNP) sa ekonomiks kung saan sinusukat ng dalawang ito ang kabuuang kita ng isang bansa. Ito ay halimbawa ng makroekonomiks.

Saklaw ng Makroekonomiks

Tulad ng nabanggit, sakop ng makroekonomiks ang pangkalahatang aspetong pang-ekonomiya ng isang bansa. Pinag-aaralan nito ang antas ng pamumuhay ng mga mamamayan, ang paggamit ng pondo sa ekonomiya, at marami pang iba.

Ano ang Iyong Sariling Pagkaunawa sa Makroekonomiks?

Ayon sa aking sariling pagkaka-intindi sa makroekonomiks, ito ay ang dibisyon ng ekonomiks kung saan saklaw na nito ang bawat galaw at desisyong pang-ekonomiya na ginagawa ng mga indibidwal, pribadong korporasyon, maliit na mga institusyon, at maging ng gobyerno na lubos na nakaka-apekto sa ekonomiya ng bansa.

Dibisyon ng Ekonomiks na Nakatuon sa Kabuuang Ekonomiya

Ang dibisyon ng ekonomiks na nakatuon sa kabuuang ekonomiya ng isang bansa o lipunan ay walang iba kung hindi ang makroekonomiks. Mula sa salitang “makro,” na nangangahulugang “Malaki o malawak,” ay tunay namang malawak ang nasasakupan ng pag-aaral ng makroekonomiks. Pinag-aaralan n anito ang lahat ng aspeto ng ekonomiks na may epekto sa bansa.

Konsepto ng Ekonomiks

Layunin ng ekonomiks na maunawaan at mapag-aralan ang pag-aalok, paggamit, at pamamahagi ng limitadong yaman materyales na mayroon sa mundo, upang matugunan ang pangangailangan at kagustuhan ng mga mamamayan. Kabilang sa pinag-aaralan sa ekonomiks ay ang proseso at pag-ikot ng mga produkto at serbisyo mula sa isang lipunan patungo sa ibang bansa o komunidad. Ang mga konsepto ng ekonomiks na mababanggit mamaya sa artikulong ito ang magbibigay Liwanag at pundasyon para lalong maintindihan natin ang mga aspeto ng ekonomiya, mga desisyong pang-ekonomiya, at kung paano maiu-ugnay ang mga ito sa iba’t-ibang antas ng lipunan.

Mga Mahahalagang Konsepto ng Ekonomiks

Mayroong apat na konsepto ang ekonomiks. Ang mga pangunahing konsepto na ito ay kinabibilangan ng scarcity, opportunity cost, suplay at demand, at incentives na isa-isang ipapaliwanag sa artikulong ito.

Scarcity (kakulangan)

Scarcity o kakulangan ang tawag sa konsepto ng ekonomiks kung saan ipinapakita na may limitasyon ang mga pinagkukunang yaman, tulad ng oras, pondo, at hilaw na materyales. Ibig sabihin nito ay hindi nito matutugunan agad ang pangangailangan ng mga tao. Scarcity ang nagtuturo sa mga mamamayan kung paano ang wastong paggamit ng limitadong yaman at kung paano rin ito maipapamahagi sa kabuuang lipunan.

Mga Halimbawa

Kadalasan makikita ang scarcity sa mga komunidad o lipunan na kulang na kulang ang kanilang pinagkukuhanan ng mga yaman materyales. Ang mga komunidad na ito ay madalas matatagpuan sa mga bahagi ng bansa na mahirap puntahan.

Opportunity Cost

May uganayan ang scarcity at opportunity cost. Opportunity cost ang siyang konsepto na nagpapaliwanag ng halagang nawawala kapag ang isang indibidwal ay namimili o nagde-desisyon sa pagitan ng mga produkto o serbisyo na may kaakibat na benepisyo. Ang konseptong ito ay importante sa pag-aaral ng ekonomiks dahil ito ang nagtuturo sa atin na hindi lamang dapat isipin ang direct na benepisyo ng isang desisyon, kundi pati na rin ang mga oportunidad na maaaring mawala o hindi nakuha dahil dito.

Mga Halimbawa

Isang magandang halimbawa na nagpapakita ng opportunity cost ay ang pagpapasya ng isang maliit na komunidad kung paano gagamitin ang kakarampot na lupa na mayroon sila. Maaaring ito ay gamitin nila sa pagsasaka, upang magkaroon sila ng mapagkukuhanan ng pagkain. Ngunit kung ang lupa ay magiging sakahan, maaari silang mawalan ng espasyo na pagtatayuan ng kanilang tirahan.

Supply and Demand

Ang suplay at demand ay magka-ugnay na konsepto ng ekonomiks na ipinapaliwanag ang pagtatakda ng presyo sa mga kalakal at serbisyo sa isang pamilihan. Suplay ang tumutukoy sa bilang o dami ng isang produkto o serbisyo na inaalok ng mga prodyuser o tindero. Sa kabilang banda, demand naman ang tawag sa bilang o dami ng produkto o serbisyo na kayang bilhin ng mga konsyumer o mamimili.

Mga Halimbawa

Makikita natin ang konsepto ng suplay at demand nitong nangyaring pandemic. Tumaas ang demand sa face masks dahil ito ay nagging pangunahing pangangailangan ng tao, ngunit ang suplay ay hindi naging sapat noong una.

Incentives (insentibo)

Incentives o insentibo ang tawag sa konsepto ng ekonomiks na tumutukoy sa mga pampasigla o motibasyon na ibinibigay ng mga institusyon upang hikayatin ang kanilang mga tauhan na igihan ang pagta-trabaho at mapataas ang kanilang output. Ito rin ay ibinibigay sa mga mamimili upang mas tumaas ang demand nila para sa isang produkto o serbisyo. Sa pamamagitan ng mga incentives, ang mga tao ay nagiging mas mapanagot sa kanilang mga gawaing ekonomiko.

Mga Halimbawa

Ang pag-aalok ng discount o promosyon sa mga produkto ay isang uri ng incentive na nagpapalakas sa mga mamimili na bumili.

Mga Pangunahing Teorya sa Ekonomiks at mga Tagapagtaguyod ng mga Ito

May ilang pangunahing teorya sa ekonomiks na naglalayong magbigay ng paliwanag at unawa sa iba’t ibang aspeto ng ekonomiya. Maraming mga kilalang ekonomista o mga dalubhasa ng ekonomiks mula sa iba’t-ibang panig ng mundo ang bumuo ng mga teoryang ito upang mas maintindihan ang paggalaw at bawat pagdedesisyon na isinasagawa para sa pag-unlad ng ekonomiya ng isang bansa. Ang mga teoryang pang-ekonomiya na ito ay ang mga konsepto at prinsipyo na naglalarawan kung paano gumagana ang iba’t ibang mga ekonomiya. Ang bawat ekonomista ay maaaring magbigay ng teorya na nagpapakita ng iba’t ibang paraan depende sa kanilang partikular na tungkulin.

Ama ng Makabagong Ekonomiks

Nagmula sa bansang Scottland ang tinatawag ngayon bilang Ama ng Makabagong Ekonomiks. Ito ay si Adam Smith. Siya ay isang pilosopo at ekonomista na nagpakilala ng mga konseptong pang-ekonomiya tulad ng malayang pamilihan, kompetisyon, at iba pa. Isinulat nya ang kanyang aklat na “The Wealth Of Nations” noong taong 1776 kung saan kanyang ipinahayag ang kagandahan ng pagkakaroon ng malayang merkado.

Alokasyon

Ang proseso ng pagtatakda at pamamahagi ng limitadong yaman o mapagkukunan sa iba’t ibang pangangailangan at kagustuhan ng lipunan ay tinatawag na alokasyon sa ekonomiks. Ang mga desisyon sa alokasyon ay may kaugnayan sa pagpili kung aling produkto at serbisyo lamang ang bibilhin, paano gagamitin ang oras, kasanayan, at yaman para sa produksyon, at kung paano ipapamahagi ang mga produkto at kita sa mga mamimili. Kinakailangan maging mapanuri at matalino sa pagpili ang mga tao bagamat hindi sapat ang pinagkukunang yaman natin sa mundong ito. Sa pamamagitan ng alokasyon ay nakakasigurado tayo na ang lahat ng mamamayan ay may matatanggap na pangangailangan.

Alokasyon at Sistemang pang Ekonomiya

Malalim ang ugnayan ng alokasyon sa apat na sistemang pang-ekonomiyang ating binanggit kanina sa artikulong ito. Sa pamamagitan ng alokasyon ay nakikita at napag-aaralan natin ang proseso at pagtutok sa wastong paggamit at pamamahagi ng limitadong yaman ayon sa layunin ng bawat sistema. Maaaring nakasalalay ang alokasyon sa suplay at demand ng isang partikular na sistema o hindi naman kaya ay gobyerno ang nagpapasya kung paano ang distribusyon.

Lipunang pang Ekonomiya

Lipunang pang-ekonomiya ang tawag sa bahagi ng lipunan na kinabibilangan ng ekonomiya at may ugnayan sa parehong pribado at pampublikong sektor. Binibigyang diin nito ang mga patakaran, organisasyon, at pagmamahala ng ekonomiya sa isang buong lipunan. Sakop nito ang mga mamamayan, mga negosyo, pamahalaan, at iba pang sektor na may impluwensya sa pag-unlad at pag-andar ng ekonomiya. Sinusuri nito ang mga paraan kung paano ang mga yaman, mapagkukunan, at produksyon ay inaayos, inuugnay, at inaasahan ng mga tao sa isang partikular na bansa.

Ang Ekonomiks ay Isang Agham Panlipunan Sapagkat

Ang ekonomiks ay isang agham panlipunan sapagkat ito ay tumutukoy sa pag-aaral ng mga pangangailangan at kagustuhan ng tao, kung paano ito natutugunan at napapamahagi sa harap ng limitadong yaman at mapagkukunan. Sa ekonomiks ay tinitignan ang mga relasyon ng mga tao sa loob ng lipunan, kung paano sila nagtutulungan, nag-aagawan, o nagkukumpetensya para sa mga produkto at serbisyo. Sinasaliksik nito ang mga pagbabago at pag-unlad ng mga industriya, sektor, at mga ekonomiya sa iba’t ibang bansa.

Suliraning Pang Ekonomiya

Maraming kinakaharap na suliranin ang ekonomiya ng bawat bansa. Isa na rito ang kahirapan, na siyang pinakamalubhang problemang kinakaharap ng ekonomiya ng mga bansa. Ibig sabihin nito ay maraming mga mamamayan ang hindi nakakatanggap ng sapat nilang pangangailangan bagamat limitado lamang ang yamang materyales sa mundo. Dito pumapasok ang konsepto ng scarcity o kakulangan.

Ang pagtaas ng mga presyo ng mga bilihin ay isang ring suliraning pang ekonomiya ang kinakaharap ng maraming bansa ngayon. Nagreresulta ito sa pagbaba ng purchasing power ng mga mamimili at nagiging imbalance rin ang oportunidad para sa lahat.

Bakit Mahalaga na Suriin ang Kasaysayan ng Ekonomiks

Mahalagang suriin at pag-aralan ang kasaysayan ng ekonomiks bagamt ito ang nagpapaliwanag at nagbibigay ng malalim na pang-unawa sa pag0unlad ng ekonomiya ng mga bansa. Mula sa mga konsepto, dibisyon, teorya, at iba pang aspeto sa larangan ng ekonomiks, natutukoy natin ang mga pundamental na prinsipyo at mga polisiya at wastong pagdedesisyon na mas ikakaganda ng ekonomiya ng isang bansa.

Katha Tungkol sa Ekonomiks

Parte ng pang araw-araw na kabuhayan nating ang ekonomiks. Mula sa pagbili sa tindahan, pagbabayad ng pamasahe sa dyip, pagpili sa menu ng isang karinderya, at iba pang mga desisyon na ginagawa natin—lahat ng mga ito ay konektado sa ekonomiks at nakaka-apekto sa ating ekonomiya. Sa pamamagitan ng ekonomiks ay nagagabayan tayo sa pagkakaroon ng maayos na pagpapasya dahil hindi lamang tayo ang gumagalaw sa mundong ito. Bawat aksyon natin ay maaari ring may maging epekto sa ating kapwa at sa ating lipunan. Kailangan natin pahalagahan ang pagsasama-sama at kooperasiyon para sa ekonomiya.

Buod

Bilang isang agham panlipunan, ang ekonomiks ay nagsusulong ng pagsasaliksik, pagsusuri, at pag-intindi sa mga aspeto ng lipunan na may kaugnayan sa produksyon, distribusyon, at konsumpsyon ng limitading yaman. Ito ay naglalayong maunawaan ang mga dahilan sa likas na pagbabago at pag-unlad ng ekonomiya, pati na rin ang mga potensyal na solusyon sa mga suliranin tulad ng kahirapan.

Konklusyon

Tunay na mahalaga ang pag-aaral ng ekonomiks sa ating lipunan. Ito ay hindi lamang nagbibigay-daan upang maunawaan natin ang mga pangunahing prinsipyo ng produksyon, distribusyon, at konsumpsyon, kung hindi nagpapalawak din ng ating kamalayan sa mga suliranin at oportunidad na kinakaharap natin sa ating pang-araw-araw na buhay.