Kahalagahan ng Wika

Isang mahalagang yaman ng isang bansa ang wika. Ito ang nagsisilbing salamin ng kultura, kasaysayan, at pagpapahalaga ng isang bansa. Maliban dito, napatunayan na rin ang halaga ng wika upang mas mapaunlad pa ang pamumuhay ng mga mamamayan. Dahil kasi sa wika, maayos ang palitan ng mga ideya na mahalaga naman upang mapanatili ang pag-unlad.

Kalaunan, ang wika ay naging isang mahalagang paksa na rin ng pag-aaral sa mundo. Iba-ibang mga kurso, samahan, organisasyon, at proyekto ang binuo upang mas mapalawig ang kaalaman natin sa wika at kung paano pa mas magiging mabisang sandata ito upang mas mapaunlad pa ang ating mundo.

Ano Ang Wika?

Kahulugan: ang wika ay ang salita o lipon ng mga salitang ginagamit sa pakikipag-usap sa kapuwa. Ito ang isa sa mga mabisang paraan ng komunikasyon ng mga tao upang maayos na mailahad ang kanilang damdamin.

Tinatawag din bilang “lengguwahe,” ang wika ay sinasabing tunog na nililikha ng dila. Ito rin ang pinagmulan ng salitang lengguwahe, na “lingua” ang ibig sabihin ay “dila.”

Mahalagang bahagi ng buhay ang wika dahil dito nabubuo ang mas mabisang unawaan ng mga tao. At upang magkaroon nang maayos na buhay, kinakailangan ng pagkakaisa at komunikasyon na nagiging posible dahil sa wikang ginagamit. Nakapaglalahad ng ideya at opinyon, nakapagpapalitan ng saloobin at damdamin, at nagkakaroon ng kaayusan sa pagpapatupad ng mga bagay dahil sa wika.

Kahalagahan ng Wikang Pambansa

Sa Pilipinas, mayroong itinatag na wikang Pambansa. Sinumulan ito ni Dating Pangulong Manuel L. Quezon at idineklara ang Tagalog bilang wikang pambansa. Kalaunan ay ginawang Filipino ang wikang pambansa.

Itinatag ang wikang pambansa dahil ang Pilipinas, bilang isang archipelago, ay nahahati sa iba’t ibang komunidad. May iba-iba ring wikang sinasalita ang mga ito kaya hindi magkakaunawaan ang iba’t ibang wika.

Kaya naman bilang solusyon, ginawang pambansang wika ang Filipino upang maging batayan ng pakikipag-usap ng bawat mamamayan sa bansa. Ang wikang Filipino ang nagsisilbing tulay sa bawat Pilipino upang magkaunawaan pa rin, iba man ang kinalakihang wikang sinasalita…

Tuwing Agosto, upang hindi malimot ang wikang Pambansa at iba pang wika sa bansa, ipinagdiriwang ang Buwan ng Wika. Pinangungunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang nasabing pagdiriwang.

Kahalagahan ng Wikang Filipino sa Kasalukuyang Panahon


Iba-iba ang kahalagahan ng wika lalo na sa nagbabagong panahon. Mayroong mga dulot ang wika na nananatili kung paano ito ilang daantaon man ang lumipas. Mayroon ding mga bagong kahalagahan ang wika na natutuklasan na sumasalamin sa pagbabago ng mundo.

Una sa mga kahalagahan ng wika sa kasalukuyang panahon ay ang bisa nito sa komunikasyon. Mahalaga pa rin ang wika at komunikasyon sa pagpapatupad ng maraming proyekto sa mundo na susi rin sa ikauunlad ng ekonomiya. Wika ang ginagamit ng iba’t ibang bansa upang mas palakasin ang kanilang relasyon at samahan. Ito rin ang nagiging tuloy upang mailatag ang magagandang plano para sa kapakinabangan ng mga mamamayan.

Maliban dito, ang wika rin ang salamin ng pagbabago sa mundo. Maraming wika ang nagbabago ang kahulugan dahil na rin sa pagbabago ng mundo dulot ng teknolohiya. May mga bagong salitang tuklas na niyayakap naman ng makabagong henerasyon bilang bahagi ng kanilang pamumuhay.

Kabilang sa mga ito ay ang pinaigsing mga salita, online terminologies, jejemon, at iba pang anyo ng wika na sumasalamin sa pagiging dinamiko nito. Nagkakaroon din ng bagong kahulugan ang wika dahil sa teknolohiya tulad ng “mouse” na noon ay daga, ngayon ay isang device na sa computer. Dati ang “tablet” ay isang uri lamang ng gamot ngayon ay isa nang mobile device.

Kahalagahan ng Wika sa Lipunan

Mahalaga ang papel na ginagampanan ng wika sa lipunan partikular na sa pagpapahayag ng saloobin ng marami na ginagamit sa iba’t ibang adbokasiya at pangangailangan. Ginagamit sa malayang pagpapahayag ang wika.


Ang malayang pamamamahayag ang bumubuhay sa kakayahan ng tao na magsalita kahit na ordinaryo man ang estado mo sa lipunan. Dito ay nagagamit ang wika sa pagsisiwalat ng katiwalian, pagwawasto ng mga kamalian, at pagbuo ng isang aksiyon para sa nagsasangang suliranin.

Sa pamamagitan nito ay nabibigyan ng tinig ang mga simpleng mamamayan. Nagiging mahalaga ang kanilang wika dahil mayroon silang gustong mangyaring makabuluhan at mayroong maumpisahang pagbabago at kabaluktutang dapat na maituwid.

Kahalagahan ng Wikang Filipino sa Edukasyon

Mayroon ding mahalagang papel ang wika sa pag-aaral at edukasyon sa bansa. Sa Pilipinas, isang asignatura ang tumututok sa kasanayan ng mga mag-aaral sa wikang Filipino. Dito ay inaalam ng mga mag-aaral ang wastong baybay, balarila, at pagkakabuo ng mga salita at pangungusap upang magkaroon nang maayos na talastasan.


Bagaman maraming negosyo sa Pilipinas ang nakatuon sa paggamit ng wikang English sa araw-araw na transaksiyon, hindi maiaalis na ang wikang Filipino ang mabisang ginagamit upang maabot ang lahat ng uri ng mamamayan sa lipunan. Bawat isa ay nakauunawa ng Filipino—mayaman man o mahirap dahil ito ang pangunahing wika sa bansa. Dahil dito, mabisang naipahahayag ang layunin ng mga negosyo sa mga mag-aaral, mamamayan, at mamimili.

Mahalaga rin ang wikang Filipino at iba pang wika sa bansa sa pagkatuto ng mga mag-aaral. Sa kasalukuyang kurikulum na K-12, ginagamit ang mother tongue o kinalikihang wika sa isang lugar sa pagtuturo ng karamihan sa mga aralin at asignatura. Sa ganitong paraan daw kasi ay mas nauunawaan ng mga bata ang aralin at hindi na kailangan pang matuto ng ibang wika, lalo na ang mga musmos pa. Mas mabisa raw ito dahil mas gagaan ang pasanin at responsibilidad ng isang mag-aaral sa pag-unawa sa kaniyang aralin.

Bakit Mahalaga ang Wika?


Maliban sa mga nabanggit na halaga ng wika sa ekonomiya, edukasyon, at pamamahayag, may iba pang halaga ang wika. Mahalaga rin ang wika sa pagpapalaganap ng sining. Ang mga akdang pampanitikan, mga biswal na sining tulad ng mga dula, pelikula, musika, at iba pang pagtatanghal, ay hindi makatatayo kung walang wika.

Malaki rin ang papel ng wika sa pagtatala ng mahahalagang ganap sa kasaysayan na dapat nating balikan bilang pundasyon ng ating kasalukuyan. Sa pamamagitan ng mga isinulat na tala ng mga mahahalagang personalidad sa kasaysayan, ay nalalaman natin ang mga nangyari sa mga panahong hindi pa tayo buhay at wala pang malay sa mga nanganap.