“Biyayang Dapat Ingatan”
Maraming biyaya tayong nais makamit. Marami tayong bagay na pinapanalangin at hinihiling.
Ngunit hindi natin nababatid madalas, na sa lahat ng biyayang mayroon tayo mula sa Maykapal, ang pinakamalaki at pinakamahalaga ay ang buhay na ibinigay niya sa atin.
Napakahalaga at katangi-tangi ang buhay dahil nag-iisa lamang ito. Kung mawasakan na at hindi mapangalagaan, hindi ka na magkakaroon pa ng isang buhay.
Kaya naman sa pagkakahandog sa atin ng biyayang ito, may kaakibat din tayong responsibilidad upang maging mabunga at kapakipakinabang ang nag-iisang buhay na ibinigay sa atin.
Kailangan nating ingatan ang nag-iisa nating buhay. Kailangan ay sulitin natin ang bawat oras at gawin ang mga bagay na may kabuluhan.
Kinakailangan na lagi itong makapagbibigay sa atin ng aral at sapat na kaalaman upang maging masaya at produktibo ang mga susunod na araw. Sabi nga, ang dahilan dawn g Panginoon sa pagbibigay sa atin ng isa pang araw ay ang matuto tayo.
Bawat hininga sa bawat araw ay isang pagkakataon upang maging mabuting bersiyon ng ating mga sarili.
Mayroon din tayong tungkulin na maging marespeto sa buhay ng iba. Kinakailangan naman ito upang mabuhay nang mapayapa at tahimik.
Binibigyan tayo ng bawat araw, hindi lamang para sa ating mga sarili, ngunit para na rin sa ating kapuwa.