Walang Laman
Tiningnan ko ang aking pitaka, walang laman.
Bayaran pa naman ng renta ngayong buwan.
Nakiusap na ako sa may-ari noong nakaraan,
baka ngayon ay hindi na niya ako pagbigyan.
Tiningnan ko ang ref, walang laman.
Kumakalam pa naman ang aking tiyan.
Kagabi pa ako walang hapunan,
ganoon na rin siguro ngayong agahan.
Tiningnan ko ang balita, walang laman.
Ang mga presyo ng bilihin, mataas na naman.
Parang wala namang ginagawa ang pamahalaan,
palibhasa sila kasi ang lalong yumayaman.
Tiningnan ko ang aking kinabukasan, may laman.
Pag-asa ko ay hindi pa naman nawawalan.
Sana ay magbago pa ang aking kapalaran,
nawa ay makaahon pa ako sa kahirapan.
Kahulugan at Paliwanag
Ang tula ay tungkol sa isang taong nakararanas ng kahirapan. Hindi lamang pitaka o ref nila ang walang laman. Kung hindi maging magandang balita para sa ikagagaan ng kanilang buhay ay kapos din.
Gayunman, hindi naman nawawalan ng pag-asa ang tauhan. Batid niyang darating ang araw na aahon din siya sa paghihikahos na nararanasan.