Mukha ng Puso
Para sa puso ng mga magkasintahan,
nawa ay mahanap n’yo ang daan sa magpakailanman.
Mamayani sana lagi ang pag-iibigan,
Pagtibayin sana ng Diyos ang inyong pagmamahalan.
Para sa puso ng mga mag-asawa,
na ang pag-ibig sa pamilya ay walang sawa.
Dugo’t pawis ang laging inaalay,
pinakikita ang pagmamahal na tunay.
Para sa puso ng mga bigo at umaasa,
sa pag-ibig na ikaw na lang ay may dama.
Isang pagsaludo sa iyong pagkapit,
ipinababatid ang pag-ibig na walang kapalit.
Para sa puso na pag-ibig ay hinahanap,
balang araw ay matutupad rin ang pangarap.
Pag-ibig sa tamang tao ay matatanggap,
pagmamahal ang kapalit ng lahat ng paghihirap.
Kahulugan at Paliwanag
Ang tula ay tungkol sa iba’t ibang mukha ng pag-ibig. Mayroong mga pag-ibig na matagumpay. Mayroong matamis na suyuan habang ang iba naman ay bigo at nahihirapang maghanap.
Gayunman, bawat uri ng pag-ibig ay dapat hangaan. Dapat ay walang kapalit ang tunay na pagmamahal na ibibigay upang walang kapantay ang kaligayahan.