Mayroong mga manunulat na ginagamit ang kanilang talento sa paglikha ng mga babasahing nakaaaliw, habang ang ilan naman ay upang ilabas ang kanilang opinyon. Para sa manunulat na si Alfred A. Yuson, kapuwa dapat ipinahahayag ang pagkamalikhain at ang alab ng damdamin.
Nakapagsulat na si Yuson nang hindi bababa sa 30 aklat tungkol sa tula, talambuhay, at pagsasalin. Ipinamalas din niya ang kaniyang husay sa iba’t iba pang patimpalak sa pagsulat tulad ng Don Carlos Palanca Memorial Awards kung saan itinanghal pa siyang Hall of Famer. Naibulsa niya rin ang Southeast Asian Writers (SEAWrite) Award for lifetime achievement.
Nagturo din siya sa Ateneo de Manila University (ADMU) ng pagsulat ng piksyon at tula. Naging kinatawan din siya ng Pilipinas sa ilang kumperensiya sa ibang bansa.
Sa kasalukuyan, kolumnista si Yuson sa pahayagang The Philippine Star kung saan tinatalakay niya ang iba’t ibang isyu kabilang ang mga usapin sa panitikan at wika.