Halos buong 2020 nang nakakulong sa bahay ang marami sa atin. At ang mga unang yugto ng ating kwentong stay at home ay dahil sa enhanced community quarantine.
Tama naman ang mga tao sa social media. Ginagawa naman talaga ng pamahalaan ang ECQ hindi lang dahil gusto nila.
May quarantine naman talaga para sa ating kapakanan. Madali lamang kung tutuusin ang manatili sa bahay. Instant bakasyon nga para sa ilan. Ngunit hindi naman lahat ay ganito ang kaso.
Sa pagpapatupad ng ECQ, naapektuhan rin ang maraming industriya. Naapektuhan ang maraming kabuhayan ng mga Pilipino. Maraming industriya ang tigil operasyon na nagresulta rin ng pagkalugi ng ilang Negosyo.
Maraming Pilipino tuloy ang nakaranas ng gutom sa panahong ipinatutupad ang ECQ. Maraming mahihirap ang hindi nakatanggap ng tulong.
Maraming mahihirap ang lalo pang nahirapan dahil sa hindi sistematikong pagpapatupad ng quarantine. Ayos lang naman sana magpatupad ng quarantine para hindi na kumalat pa ang nakamamatay na virus.
Ngunit sana ay mas napaghandaan ito at mas natutukan ang pangangailangan ng marami. Dahil sa tila hindi dumaan sa masinsinang pagpaplano ang ginawang quarantine, imbes na maging maayos ang buhay ng marami, ay lalo yatang napasama.
Sa mga susunod na panahon, kung kailangang ipatupad ang quarantine (huwag naman na sana), ay dapat mas paghandaan ito ng pamahalaan upang hindi maging pasakit sa marami.