Wala naman kaming magagawa kung hindi buksan ang aming mga gadgets at computer. Ito na kasi ang bagong normal sa edukasyon.
Ang online classes na ang pinakamabisang paraan sa ngayon upang maipagpatuloy ang pag-aaral kahit may kinahaharap na pandemya ang mundo.
Masaya naman ako dahil mayroon naman kaming gadgets at internet. Pero hindi ko mawari dahil tila ang online class, kahit nasa bahay ka lamang maghapon, ay mas mahirap kung tutuusin.
Hindi ko alam pero mas nalulunod ako ngayon sa mga dapat gawin. Parang mas pagsubok pa ito kaysa sa pisikal na klase sa loob ng mga silid-aralan.
Siguro, isa sa mga salik kung bakit koi to nararamdaman ay dahil sa pakiramdam na parang laban ko lang itong mag-isa.
Wala akong mga kaibigan at kaklaseng nakakausap nang harapan tungkol sa mga gawain sa paaralan. Parang kahit nagkakausap kami sa chat at video call, iba pa rin ang nagagawa ng tawanan at kuwentuhang magkakaharap.
Masakit din sa ulo ang maghapong tumutok sa kompiyuter. Masakit sa mata. Kasabay pa ng mga araling dapat sauluhin at mga modules at exam na dapat sagutan.
Hindi naman ako nagrereklamo pero gusto ko lang sabihin na kahit nasa modernong panahon tayo, mas gusto ko pa ring iwanan ang mga gadget ko at harapin ang mga kaklase at guro ko sa dating normal.