Pag-ibig daw ang pinakamasarap na pakiramdam sa mundo ayon sa mga nakatatanda. Lahat daw ng tao ay iibig isang punto sa kanilang buhay. Mayroong isang tao o bagay na pagbubuhusan mo ng iyong pagmamahal at magiging mundo mo.
Sabi nga ng isang pamosong linya sa awit na isinulat ni Francisco Balagtas: “makapangyarihang pag-ibig, hahamakin ang lahat masunod ka lamang.” Kadalasan ay sumasaklaw ito sa dalawang taong nagmamahalan.
Ang pag-ibig na ipinakikita ng kaniyang kapareha ay walang katulad kaya naman anumang balakid at kaya nitong lampasan at harapin.
Gayunman, hindi lamang pag-ibig sa kapuwa tao ang nananaig sa mundo. May ilan na labis na iniibig ang kanilang mga sarili kaysa sa iba.
May ilan naman na mas iniibig ang mga materyal na bagay kaysa ang pagmamahal sa kapuwa. Ang labis na pag-ibig, kung minsan, ay nakapagdudulot din ng kasamaan sa iba.
Dahil sa labis na pagmamahal sa sarili ay nawawalan na tayo ng pagmamahal sa iba. At imbis na pagmamahal ang lumaganap, ay kasamaan pa ng tao ang namamayani.
Kung bawat isa ay malalaman ang tunay na diwa ng pag-ibig, tulad ng pag-ibig sa atin ng Maykapal, tiyak na magiging mapayapa at puno ng pagmamahal ang mundong ating ginagalawan.
Upang makamit ang kapayapaan, pag-ibig ang kailangan ng bawat tao, ang kailangan ng ating mundo.