Napupuno ang mundo ng iba’t ibang uri ng pagmamahal. Mayroong mga mapagmahal sa magulang. Ang ilan naman ay nagbubuhos ng pag-ibig sa kaniyang kasintahan at asawa. May ilan namang nagbibigay ng pagsinta sa materyal na bagay.
Ngunit ang isang uri ng pagmamahal na di matatawaran ay ang pagmamahal sa bayan. Mayroong mga kababayan ang nagpakita nang walang kapantay na pagsinta sa kanilang bayang sinilangan.
Ang mga bayani ay ibinuhos ang kanilang panahon, oras, lakas, at maging ang kanilang mga buhay para lamang maipagtanggol ang kanilang lugar mula sa mga mananakop.
Sa panahon ngayon, dahil wala na ang mga mananakop sa bansa, ang pagmamahal sa bayan ay nakikita sa iba’t ibang paraan.
Sa pamamagitan ng pakikialam sa mga isyung pambansa, sa pakikiisa sa mga proyekto ng pamahalaang makatutulong sa pag-unlad ng bayan, at pagkilala sa mga simbolo ng ating pagkamamamayan, ay maipakikita ang pagmamahal sa bayan.
Para sa mga opisyal na naglilingkod sa kanilang mga kababayan, ang pagiging tapat at patas ay isang uri ng pagmamahal sa bayan. Para naman sa mga ordinaryong mamamayan, ang pagsunod sa batas ay malaking uri ng pag-ibig sa bansa.
At bilang nagkakaisang mga mamamayan, ang pagbibigay ng kapayapaan sa lahat ng oras ay ang pinakamagandang simbolo ng pagmamahal sa bayan na maibibigay ng sinuman.