Talumpati Tungkol Sa Kabataan

Minsan na raw sinambit ng bayaning si Dr. Jose Rizal na ang kabataan ang pag-asa ng bayan. Habang lumilipas ang panahon, maraming nagdududa kung tama pa ba ang tinurang iyon ng dinadakilang bayani.

Sa panahon ng mga millennial, sinasabi ng ilan na ang mga kabataan ngayon ay mapusok at tamad. Gayunman, hindi nakikita ng iba ang kahalagahan at talentong taglay ng mga kabataan ngayon.

Mahusay sa teknolohiya ang mga kabataan ngayon na siyang kinakialangan at tinitingala ng mundo. Ang teknolohiya rin ang magpapatunay na mayroong magandang mithiin ang mga kabataan ngayon. Tulad ng mga nauusong hashtag ngayon na mayroon palang mas malalim na kahulugan.

#SquadGoals

Sumasalamin ito sa mga samahang matitibay na hinahangaan ng marami. Para sa maraming kabataan ngayon, ang squadgoals ay ang pagbuo ng mas marami pang makabuluhang samahan. Kung mayroong magandang ugnayan ang bawat isa ay tiyak ang pagkakaisa na susundan naman ng pag-unlad. Sa panahon ng teknolohiya, madali nang bumuo ng samahan kaya naman mas madaling makamit ang mithiing ito.

#OOTD

Ang Outfit of the Day o #OOTD ay isang mababaw na hashtag kung tutuusin. Tungkol lamang ito sa mga isinusuot at porma ng kabataan na ibinibida nila sa social media.

Ngunit sa mas malalim na konteksto, pinahahalagahan ng mga kabataan ngayon ang kanilang pinakamagandang #OOTD, ito ay ang uniporme nila sa paaralan. Ilang taon matapos ito, ang #OOTD naman nila sa kanilang mga trabaho ang kanilang isusuot.

#NoFilter

Kapag maganda ang kuhang larawan sa mobile phones, #nofilter ang hashtag diyan. Ang mga kabataan ngayon ay naglalayong gumising sa isang mundo na hindi kailangan pa ng filter upang gumanda ang paligid.

Layunin ng mga kabataan na pangalagaan ang kalikasan upang mas marami pang henerasyon ang makinabang rito. Kung magiging maayos at maganda ang paligid, siguradong hindi na kailan pa ng anumang filter.

Panghawakan natin ang sinabi ni Rizal tungkol sa kabataan. Sabay-sabay nating tunghayan na maging trending ang hashtag ng mga kabataan!


Ang original na Talumpati Tungkol Sa Kabataan na ito ay hatid sainyo ng Panitikan.com.ph. Kung nagustuhan po ninyo ito, maaaring i-share ninyo para mas madami pa ang makabasa. Itaguyod natin ang gawang Pinoy! Maraming salamat po! :)