Para Sa Nag-iisa
Para sa nag-iisa, para sa natatangi,
nais ko lang sabihin na paborito ko ang ‘yong ngiti.
Lahat ng pangamba ay napapawi,
sa aking pagmamahal ay wala kang kahati.
Para sa nag-iisa, sa aking inspirasyon,
hindi magbabago ang pagsinta, lumaon man ang panahon.
Pagtingin ay lalong lumalalim na parang balon,
Pag-ibig ay nadaragdagan din na parang mga taon.
Para sa nag-iisa, sa walang kasing ganda,
pati na ang kalooban at hindi lamang ang mukha.
Kaya naman lalo ako sa iyong nahahalina,
sa mundong ito’y nag-iisa, walang kapareha.
Para sa nag-iisa, sa aking walang hanggan,
nais ko lamang na iyo laging pakatatandaan.
Ikaw lang ang gustong kapiling sa bawat kinabukasan,
Hanggang sa pagtanda ikaw lamang ang hahagkan.
Kahulugan at Paliwanag
Ito ay tungkol sa pagpapakita ng pagmamahal ng isang tao sa kanyang iniirog. Lahat ng kagandahan sa mundo ay nakikita niya dahil sa kanyang inspirasyon. Natagpuan na niya ang tunay na pag-ibig sa kasintahan.
Kaya naman ang pangako niya rito, nag-iisa lang ito at wala nang kapalit pang iba. Pangako niyang makakasama niya ito hanggang sa huling hininga o kamatayan.