Alfrredo Navarro Salanga

Talambuhay

Bahagi ng kulturang Pilipino ang pagbibigay ng palayaw sa isang tao. Para sa mga kakilala at malalapit na kaibigan, ang manunulat na si Alfrredo Navarro Salanga ay tinaguriang “Daddy Giant.” Pinatunayan naman niyang isa siyang higante dahil sa laki ng kaniyang mga parangal at kontribusyon sa panitikan.

Isinilang si Salanga sa Maynila noong Setyembre 13, 1948. Nagtapos siya ng BA Humanities sa Ateneo de Manila University (ADMU) noong 1969. Pagkatapos ng kolehiyo, namayagpag agad si Salanga sa pagsulat at natanggap ang Murly Award for Excellence.

Nagpatuloy ang tagumpay niya sa larangan ng pagsulat nang manalo ng ilang taon sa Don Carlos Palanca Memorial Awards at Catholic Mass Media Awards (CMMA). Nagsulat din siya para sa Philippine Panorama Magazine at nagkaroon ng sariling column na “Post-Prandal Reflections.”

Maging sa ibang bansa ay kinilala ang husay ni Daddy Giant. Noong 1985, Iniuwi niya ang parangal mula sa USA Annual Salute to the Arts Competition. Itinanghal din siya bilang isa sa Ten Most Outstanding Men of the Year (TOYM) para sa panitikan at pamamahayag noong 1985.

Naging aktibo rin sa iba’t ibang samahan si Salanga katulad ng pagiging direktor ng Philippine Board on Books for Young People at Pinaglabanan Galleries.

Nakapaglimbag at nakapagwasto din siya ng ilang aklat tulad ng The Birthing of Hannibal Valdez noong 1984, Portraits noong 1988, at Kamao: Panitikan ng Protesta, 1970-1986 na inilabas noong 1986.

Napangasawa ni Salanga si Alicia Loyola at nagkaroon ng tatlong anak. Isa sa mga anak nila na si Elyrah Torralba ay naging manunulat din tulad ng kaniyang ama,

Yumao si Salanga noong 1988 ngunit naiwan naman ang mga walang katumbas niyang likha at kontribusyon sa panitikang Pilipino.

Popular Posts