Cirilo F. Bautista

Talambuhay

Kung ang Maynila ang kabisera ng Pilipinas, marapat ding sabihin na ang lungsod ay tahanan din ng mahuhusay na manunulat. Kung noong panahon ng mga mananakop na Espanyol ay mayroong Jose de la Cruz o Huseng Sisiw, ang kontemporaryong panitikang Pilipino naman ay mayroong Cirilo Bautista.

Kinilala ang angking husay ni Bautista bilang isang manunulat ng tula, aklat, at pagiging kritiko ng panitikan, kolumnista sa mga pahayagan, propesor ng wika, at tagapagtaguyod ng wika at panitikang Filipino.

Panulat at Sining

Isinilang si Bautista noong Hulyo 9, 1941 sa Balic-balic, Sampaloc, Maynila. Nagtapos siya bilang magna cum laude sa kursong Literatura sa University of Santo Tomas (UST). Kumuha siya ng graduate studies sa Literatura din sa Saint Louis University sa Baguio City kung saan siya panandaliang nanatili at nagturo sa loob ng ilang taon.

Bumalik siya sa Maynila at kumuha ng doctorate sa Wika at Panitikan sa De La Salle University (DLSU) at kalaunan ay naging propesor doon.

Tagataguyod ng Wika at Panitikan

Sa unang aklat pa lamang ni Bautista ay nakatanggap na siya ng parangal. Nag-uwi ng ikalawang parangal sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature ang kanyang aklat na The Cave and Other Poems noong 1968. Simula noon, nagsunod-sunod ang pagkapanalo ng kanyang mga tula sa prestihiyosong patimpalak sa pagsulat at itinanghal siyang Hall of Famer noong 1995.

Maliban sa Palanca, napagwagian din ni Bautista ang Philippine Centennial Literary Prize for Poetry para sa kanyang aklat ng mga tula na Sunlight on Broken Stones noong 1998. Itinanghal din siya bilang Makata ng Taon ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) noong 1993.

Hindi natatapos sa mga parangal at mga tula ang naging kontribusyon ni Bautista. Naging daan din siya sa pagbuo ng iba’t ibang samahan para sa wika at panitikan. Katuwang siya sa pagbuo ng Bienvenido Santos Creative Writing Center sa DLSU. Isa rin siya sa mga bumuo ng Philippine Literary Arts Council noong 1981, Iligan National Writers Workshop, at Baguio Writers Club.

Noong 2014, idineklara si Bautista bilang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan. Gayunman, noong 2018 ay pumanaw si Bautista dahil sa pneumonia.

Popular Posts

Popular Posts